Chapter 1

1.8K 57 7
                                    


"Pakiingatan lang 'yung mga aparador at sofa. Mga antique kasi 'yan. Pakidiretso na lang sa loob ng bahay at baka magasgasan pa dito sa labas," sambit ni Mang Fidel sa mga inupahang magbuhat habang ibinababa ang kanilang mga gamit mula sa trak.

"Lucila, doon ka na sa loob ng bahay para alam nila kung saan ipupwesto 'yung mga ipinapasok na gamit." dugtong pa nito sa asawa na tumalima agad sa sinabi nito.

Bagong lipat ang pamilya ni Fidel sa barangay ng San Roque sa bayan ng Paniqui, lalawigan ng Tarlac. Pamana sa kanya ng kanyang namatay na lolo ang malaking lumang bahay nito na may malaki ding bakuran. Animo bahay ng kastila ang bahay nito na may dalawang malaking poste sa veranda nito bago ang mataas nitong pintuan. Dalawang palapag ang bahay na may dalawang malaking bintana sa itaas nito.

Mula sila sa Pangasinan. Duon na lumaki ang kaisa-isa nilang anak na si Rosario na ngayon ay dalawampung taong gulang na. Sa kanila nakapisan ang lolo nitong namatay sa edad na isangdaan at dalawa kaya't sa pagpanaw nito ay sa kanila pinamana ang bahay nito na may kalumaan na.

Napapalibutan ng iba't ibang punungkahoy ang bahay. Matataas na din ang mga damo nito dahil sa walang nag-aasikaso nito. Sa labas pa lang ng bahay ay kita na ang mga patong-patong na agiw sa mga sulok ng kisame at sa mga bintana nitong gawa sa capiz.

Kinatatakutan ng mga kapitbahay ang lugar nila na 'yun. Bali-balita na pinanirahan ito ng mga nilalang na nakakatakot. Mga nilalang na pumapatay ng tao. Mga nilalang na kumakain ng mga lamang-loob ng tao gaya ng puso at atay. Mga nilalang na nahahati ang katawan sa tuwing kabilugan ng buwan, mga nilalang na kung tawagin ay manananggal.

Matapos maipasok lahat ng mga gamit nila ay lumabas na din ang trak sa mataas na grill na gate nito na makalawang na din.

Sabay namang pumasok ng bahay si Fidel at ang anak niyang nakasaklay na si Rosario. Naaksidente ito kamakailan lang. Nahagip ng kotse, buti na lang at nakaiwas ito agad. May kaunting bali ito sa binti na kasalukuyang nakasemento ngayon. Pinayuhan ng doktor na gumamit muna ito ng saklay upang hindi mapwersa sa paglakad ang parteng nabali sa binti nito. Dahilan din ito para pansamantalang huminto sa pag-aaral si Rosario na nasa kolehiyo na.

Sa 'di kalayuan ay nakamasid ang mga kapitbahay sa mga bagong lipat sa kinatatakutan nilang bahay.

"Kamag-anak yata 'yan ng may-ari. Isipin mo naman, mahigit isangdaan pala bago namatay 'yung matanda diyan." saad ng isang taga-roon.

"Eh baka may lahi ding aswang ang mga 'yan. Nakita n'yo ba mga suot? Mga naka-itim lahat. Nakakatakot." sagot naman ng isa.

"Kow, eh bakit naman hindi mag-iitim eh namatayan nga. Kayo talaga, hanggang ngayon ba naman eh naniniwala pa kayo sa mga maligno at aswang na ganyan. Ke tagal ng tsismis dito 'yan eh may nabalitaan ba kayong pinatay o namatay dahil sa aswang." singit naman ng isa.

"Sa ngayon eh wala. Pero nuon daw marami daw nakikitang mga patay na hayop na laslas ang tiyan at wala ng lamang loob." sabad naman ng isa pa.

"Asows, eh hayop naman pala. Kapwa hayop din tiyak ang may gawa nu'n." sagot ng isang nakikinig.

Maraming haka-haka tungkol sa mga ninuno nila Mang Fidel, pero wala namang makapagpatunay ni isa ng katotohanan.

Isa si Devon na naroon na nakasaksi sa mga bagong lipat. Nasa sasakyan pa lang ay humanga na siya sa kagandahan ng dalaga na inisip niyang anak ng mag-asawang sakay ng kotseng nauuna na sinusundan ng trak. Nakasunod din ang mga mata niya hanggang makapasok ito sa bakuran ng lumang bahay. Hindi nakaligtas sa kanyang paningin ang nakita niyang saklay na gabay nito sa pagtayo at sa paglalakad.

"Nay kilala mo po ba 'yung mga bagong lipat na 'yun?" turan ng bente anyos na binata sa kanyang ina na si Aling Salome.

"Hindi ko lubos na kakilala ang mga 'yan. Kung hindi ako nagkakamali, 'yung lalaki ay si Fidel. Dito lumaki 'yan pero nu'ng nagbinata eh nalipat na sila ng Pangasinan. Maaaring asawa niya at anak ang kasama." tugon ni Aling Salome sa nag-iisa niyang anak na si Devon.

When A Manananggal Fell In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon