"Sige, magpaulan na kayo?" sigaw ni Jansen sa mga bumbero.Batid na ni Mang Fidel ang mangyayari. Hindi na niya tinangka na itago pa ang kanyang pamilya sa loob ng bahay sa pangamba niyang paputukan sila ng baril ng mga pulis na nakapaligid sa kanilang harapan.
Napayakap na lang si Rosario sa kanyang ina. Pinagmamasdan ni Lucila ang reaksyon ng mga tao, para itong nanunuod ng isang pelikula na naghihintay sa kapana-panabik na eksena.
"Diyos ko, kayo na po ang bahala sa amin." naiusal ni Lucila.
Matatag pa din ang pagkakatayo ni Fidel, haharapin na niya anuman ang mangyayari.
Nang magsimulang dumampi sa kanilang balat ang bawat patak ng tubig ay unti-unti ding naghiwalay ang kanilang mga katawan. Mistulang umuulan sa bakuran nila Mang Fidel. Nang mahati ang kanilang katawan ay kasabay ding lumabas ang kanilang malalapad na mga pakpak.
Mas lalong nagkaingay ang mga tao, panay ang kislapan ng mga ilaw mula sa iba't ibang camera at cellphone. Hindi magkandamayaw ang mga mamamahayag dahil kahit sila mismo ay kinilabutan sa nasaksihan, hindi nila masabi nang maayos ang kanilang pagbabalita. Ang mga pulis ay lalong naalarma, naghihintay ng masamang ikikilos ng pamilyang naging manananggal.
Sa wakas ay nakarating sa harapan si Devon. Mabilis niyang pinuntahan si Rosario at niyakap niya ito. Muling nagsigawan ang mga tao, iniisip nilang baka saktan ng mga ito si Devon.
"H-wag kang makialam dito, bakit kagaya ka din ba nila?" sigaw sa megaphone ni Jansen.
"Si Jansen 'yan Devon. Nagpapanggap lang siya." umiiyak na turan ni Rosario.
Hindi na kumibo si Devon at mabilis nitong tinungo si Jansen. Walang sabi-sabing inundayan niya ito ng suntok sa mukha. Hindi maaaring maglaho si Jansen dahil malalaman ng mga tao na siya ay kakaiba din ang katauhan. Sadsad sa lupa si Jansen
"Napakasama mo talaga!" sigaw ni Devon at mabilis na inagaw ang megaphone.
Kahit na nasuntok ay nakangiti pa din si Jansen nang tumayo ito. "Wala ka ng magagawa," saka ito tumawa ng malakas.
Haharapin pa sana ni Devon si Jansen nang makarinig siya ng mga pagsigaw mula sa mga tao.
"Mga salot 'yan."
"Patayin na 'yan!"
"Magkakalat pa ng lagim ang mga 'yan!"
Iniwan ni Devon si Jansen at hinarap nito ang mga taong naroroon.
"Makinig kayong lahat na naririto, matagal ko ng kilala ang pamilyang 'to, pero ni minsan ay hindi nila 'ko sinaktan kahit alam kong ganito sila. May nasaktan ba sa inyo para parusahan sila?" sigaw ni Devon sa megaphone.
"Sa ibang lugar nagkakalat ng lagim ang mga 'yan!" sigaw ng isang naroroon.
"Oo nga. Tiyak na namiminsala sa iba ang mga 'yan." sulsol pa ng isa.
"Hijo, mga pulis kami. Tumabi ka at baka masaktan ka diyan. Delikado 'yang ginagawa mo." sigaw ng isang pulis na may gamit ding megaphone.
"Hindi po nila 'ko sasaktan. Sa totoo po ay girlfriend ko po si Rosario." sigaw ni Devon.
"Baka naman may lahing aswang 'yan kaya nagkakasundo." sigaw ng isang nakikiusyoso. Ang salita nito ay mabilis na kumalat sa lahat ng mga nakakasaksi.
Biglang pagdating ng mag-asawang Satur at Salome. Mabiis nitong nilapitan at kinublihan ang pamilya ni Fidel.
"Naku 'yan ang mga magulang nu'ng lalaki. Tiyak na pamilya ng mga aswang 'yan kaya mga hindi natatakot." sigaw ng isa na mabilis ding lumaganap.
"Sumuko na kayo. May padating na ding mga pari." sigaw ng pulis.
BINABASA MO ANG
When A Manananggal Fell In Love
Chick-LitKabilang si Rosario sa mga kakaibang nilalang na kinatatakutan ng mga tao. Siya at ang kanyang pamilya ay nahahati ang katawan, may pakpak, na kung tawagin ay manananggal. Subalit paano kung magmahal siya ng isang normal na tao? Pagbibigyan kaya s...