Inakala ni Devon na may bisita sina Rosario nang hapong iyon kaya't hindi na siya nag-atubiling pumunta sa bahay nito. Sa halip ay naisip na lang niya na maghintay kinagabihan.Samantala, binalaan na nina Mang Fidel at Lucila ang kanilang anak na itigil na ang pakikipagmabutihan kay Devon hangga't maaga pa. Habang hindi pa sila tuluyang magkasintahan, dahil 'yun ang akala nila. Nagpasya pa si Lucila na tabihan si Rosario sa pagtulog kinagabihan sa pangamba na lumabas na naman ito na kalahati lang ang katawan.
Nakakuha naman ng tiyempo si Rosario na mag-text kay Devon na ipagpaliban muna ang pagpunta sa kanila, sinabi niya ang dahilan at naintindihan naman ito ng binata. Nasabi din Ni Rosario na maging ang pagkikita nila ay magiging limitado na dahil sa pagbabantay ng kanyang ina sa tuwing siya ay matutulog.
Nang mga sumunod na araw ay sa pamamagitan lang ng cellphone nakakapag-usap sina Devon at Rosario. Hindi naman masabi ni Rosario ang tungkol sa tiyanak sa pangambang iwasan na siya ni Devon kapag nalaman ito.
Masakit kay Rosario ang nangyayari. Patuloy niyang minamahal si Devon subalit puno ng pangamba ang kanyang damdamin. Ramdam din niya ang pagmamahal ni Devon sa kanya dahil nangungulila na ito na sila ay magkita.
Ikinatuwa naman kahit paano ng mag-asawang Lucila at Fidel ang inakala nilang pagputol ng pakikipagmabutihan ng kanilang anak kay Devon. Sa isang banda, nababakas din nila ang lungkot sa mga mata nito subalit wala naman silang magagawa dahil iniiwas lang nila ang anak at ang kanilang pamilya sa tiyak na kapahamakan kung ipagpapatuloy ni Rosario ang pakikitungo kay Devon.
Ang buong akala naman ni Devon, ang pagiging mananananggal lamang ang siyang dahilan kung bakit siya pinapaiwasan kay Rosario ng mga magulang nito. Wala siyang kaalam-alam na si Rosario na din mismo ang nais na umiwas hangga't hindi pa buo ang kanyang kalooban na ipagtapat kay Devon ang magiging bunga kung sila nga ay magkakatuluyan.
"Eh kung kausapin ko na kaya ang mga magulang mo Rosario? Sabihin ko na matagal ko ng alam ang pagkatao n'yo?" sabi ni Devon nang tinawagan niya si Rosario sa telepono. Ilang linggo na din kasi silang hindi nagkikita.
"Devon, hindi ganuon kadali 'yun. Basta, gagawa ako ng paraan na magkita tayo pero hindi pa panahon para ipagtapat natin 'yun kina Mommy at Daddy." tugon ni Rosario.
Samantala, pinaghandaan ng husto ni Jansen ang muli niyang panunuyo kay Rosario. Isinantabi muna niya si Sally. Nais pa niyang mahulog ng lubos sa pagmamahal sa kanya si Sally bago niya ito iwan. Sa ganuong paraan, mas malakas na kapangyarihan ang makukuha niya dito.
Sumadya siyang muli sa Engkantuta upang humingi ng allowance sa kanyang ama at manghiram din ng kotse para sa kanyang gagawing panliligaw. Namili agad ng pasalubong si Jansen gaya ng tsokolate, stuffed toys at ibinili din niya ng mamahaling relo si Mang Fidel. Alahas naman ang ibinili niya para kay Aling Lucila.
Mapormang-maporma na ang dating niya, hindi na siya nag-aksaya ng pagkakataon at tinungo na niya ang bahay nila Rosario.
Kasalukuyang galing sa pakikipaghuntahan si Aling Salome sa kapitbahay nang dumaan ang magarang kotse na minamaneho ni Jansen. Nakilala agad ito ni Aling Salome at dali-daling pumasok ito ng bahay upang sabihin sa anak ang nakita.
"Devon... Devon anak." sunod-sunod na tawag ni Aling Salome
"Oh 'nay, nandito lang ako. Bakit po? Para ka na namang nakakita ng multo." nakangiting tugon ni Devon habang nakaupo ito sa kanilang sofa at nagdududutdut ng cellphone.
"Anak naitanong mo ba dati kay Rosario kung sino 'yung naging bisita niyang poging binata?" humihingal pang bungad ni Aling Salome.
"Nalimutan ko na 'nay itanong eh. Bakit po ba?" si Devon na biglang nagka-interes sa sinasabi ng ina.
BINABASA MO ANG
When A Manananggal Fell In Love
ChickLitKabilang si Rosario sa mga kakaibang nilalang na kinatatakutan ng mga tao. Siya at ang kanyang pamilya ay nahahati ang katawan, may pakpak, na kung tawagin ay manananggal. Subalit paano kung magmahal siya ng isang normal na tao? Pagbibigyan kaya s...