Simula nuon ay napadalas na ang pagdalaw ni Devon sa bahay nila Rosario. Sa tuwing uuwi siya galing eskwela ay pumupunta siya agad dito pagkapalit ng uniporme. Sa tuwing walang pasok naman ay tumutulong siya sa mga magulang ni Rosario sa pagpapaganda ng hardin nito sa maluwag na bakuran."Malaki na din nagastos namin dito Devon. Nasimulan na eh. Hindi naman namin inasahan na ganu'ng kalaki ang aabuting gastos. Gaya niyan, nagpalagay pa si Lucila ng bermuda grass. Pero pagkatapos nito, aasikasuhin ko na ang negosyo namin sa Pangasinan." sambit ni Mang Fidel.
"Ano po ba negosyo n'yo duon?" urirat naman ni Devon.
"Mga buy and sell na antigo o antique. Baka hindi mo alam sa tagalog eh. May mga tauhan naman ako duon saka nandun din 'yung pamangkin ni Lucila. Kaya lang, may mga tumatawag sa 'kin na inaalok 'yung mga binebenta nilang antique. Gusto ko kasi ako 'yung mismong tumitingin. Minsan kasi sasabihin nilang antique, eh hindi naman pala. Gawa lang sa simpleng materyales na naluma na." salaysay ni Mang Fidel.
"Ah ganu'n po ba." tugon ni Devon habang sinusundan ang ginagawang paglalagay ng bermuda grass ni Mang Fidel.
Sa veranda naman ay naroroon at nakaupo si Lucila at ang anak na si Rosario habang nakamasid ang mga ito kina Fidel at Devon.
"Rosario, napapansin ko na ang bilis niyong naging malapit ni Devon. Nanliligaw ba sa 'yo 'yang batang 'yan?" turan ni Lucila.
"P-parang ganu'n nga mommy." tugon ni Rosario.
"Hindi kami tutol ng daddy mo kung magkaibigan lang kayo, pero alam mong hindi maaaring maging kayo. Ama mo ang ibig kong sabihin. Maraming kalahi natin ang nagkakagusto sa 'yo. 'Wag kang magpa-asa ng taong alam mong hindi rin kayo maaaring magkatuluyan bandang huli." dugtong ni Lucila.
"Mommy, talaga bang nasa batas natin 'yan?" napasimangot bigla si Rosario.
"Anak, matagal ng limot ng tao ang tungkol sa kagaya natin. Tanging sa mga pelikula at babasahin na lang nila tayo nakikita, 'yun nga lang, pangit tayo sa pagkakakilala nila. Pero andu'n na tayo, ang ibig kong sabihin eh 'wag mo ng guluhin ang pananahimik ng lihim natin." saad pa ni Lucila.
"Si daddy kaya?" ang opinyon ng ama ang ibig sabihin ni Rosario.
"'Yan din ang sasabihin ng daddy mo. Bakit Rosario? Sinasabi mo bang gusto mo din si Devon? Aba'y naka bigla kang layuan niyan kapag nalaman kung ano ka talaga. Ikaw din, bandang huli ikaw din ang masasaktan. Damay pa ang buong pamilya natin."
Hindi masabi ni Rosario sa ina na alam na ni Devon ang katauhan niya. Alam niyang mangangamba ito maging ang ama niya kapag nalaman ng mga itong ipinagtapat na niya kay Devon ang katotohanan sa kanilang pagkatao. Nais lang niyang makatiyak mula kay Manang Gala kung ano ang magiging kalalabasan kung magkakatuluyan ang isang normal na tao at ang kagaya niya.
"Kaya kung ako sa 'yo eh iwasan mo na si Devon kung nahuhulog na din ang loob mo sa kanya. O kaya, sabihin mo na may boyfriend ka na na nasa malayo para siya na ang mismong umiwas sa 'yo." dugtong pa ni Lucila.
Hindi na kumibo si Rosario upang hindi na humaba ang usapan nilang mag-ina. Sa oras na malaman niya ang sagot ni Manang Gala ay saka niya ipagtatapat sa mga magulang ang kanilang relasyon ni Devon.
Samantala, patuloy pa din ang pagbuntot ni Sally kay Devon sa paaralan. Sa tuwing makikita nito ang binata, lagi niya itong kinukulit na makipagwentuhan o kaya'y kumain sa labas.
Upang matigil na si Sally sa ginagawa nito, minsan itong pinagbigyan ni Devon. Nagpunta sila ng canteen at umorder agad ng dalawang burger at softdrinks si Sally.
"Salamat naman at pinagbigyan mo 'ko. Para naman tayong walang pinagsamahan niyan eh." nakangiting bungad ni Sally.
"Ano bang gusto mong pag-usapan natin? May sasabihin din kasi 'ko sa 'yo." tugon ni Devon.
BINABASA MO ANG
When A Manananggal Fell In Love
Chick-LitKabilang si Rosario sa mga kakaibang nilalang na kinatatakutan ng mga tao. Siya at ang kanyang pamilya ay nahahati ang katawan, may pakpak, na kung tawagin ay manananggal. Subalit paano kung magmahal siya ng isang normal na tao? Pagbibigyan kaya s...