Puno ng pangamba ang kalooban ni Devon nang umuwi ito ng bahay dahil sa mga narinig niyang pagbabanta mula kay Jansen. Napagalitan pa siya ng kanilang direktor dahil nahalata siya nito na hindi nakatuon ang kanyang atensyon sa mga linya niyang binibitawan at nakakalimutan pa niya paminsan-minsan."Oh bakit ganyan na naman ang mukha mo? Kabisadong-kabisado na kita. Ano, nag-away na naman kayo ni Rosario?" bungad ni Aling Salome nang mapuna nito ang nanlulumong mukha ng anak.
Naupo muna ng sofa si Devon bago ito tumugon. "Hindi 'nay. Napagalitan ako ng direktor namin. Nakakalimutan ko kasi 'yung mga lines ko eh." aniya.
"Oh bakit? Hindi ka yata nagkakabisa eh. Aba'y hinahayaan na kitang mapuyat kakabisa mo eh hindi mo pa din nasasaulo? Maalala ko nga pala, nadala mo na ba sa eskwelahan 'yung kalahating katawan dimu'n sa kwarto mo? Hindi ko kasi napansin nu'ng iniuwi mo 'yun?" sinabayan din ng upo ni Aling Salome upang harapin ang anak.
Napangiti bigla si Devon sa alaalang 'yun. "Ah, oo 'nay. Naisakay ko na sa tricycle."
"Oh ngayon naman eh tatawa-tawa ka? Ano ba nakakatawa sa sinabi ko?" ani Aling Salome.
"W-wala 'nay. May naalala lang po ako."
"Hoy ikaw Devon ha, baka kung saan mo ginamit 'yung manikin na 'yun ha. Hinawakan ko eh halos parang balat ng tao. Parang totoo."
"Hinubuan mo pa nga 'nay eh. Bakit naman inusisa mo pa 'yun?"
Naumid bigla si Aling Salome at hindi agad nakasagot. Napalinga-linga pa ito habang naghahagilap ng sasabihin. "Eh, 'y-yun nga. N-nung nahipo ko na parang totoo, naisipan ko ng bulatlatin. May sira din ang ulo nu'ng gumawa nu'n, aba'y lagyan pa ba naman ng buhok du'n sa ibaba. Eh para saan pa kaya iyon? Hindi naman na makikita 'yun kapag nakabihis."
Muling napatawa si Devon sa sinabi ng ina.
"Hoy Devon, 'wag mo 'kong daanin sa tawa-tawa mong ganyan. Baka akala mo eh inosente ko sa mga ganyan. Baka sa kung anong kalokohan mo ginagamit 'yun ha."
"Ano'ng kalokohan naman 'nay? Sa play nga namin ginagamit 'yun." natatawa pa ding tugon ni Devon.
"Sabagay, kaysa totoong tao ayos na din sa ganu'n. Hindi ka makakabuntis." tatango-tangong sambit ni Aling Salome na tila may nasagot siyang tanong sa sarili.
"Nay alam ko iniisip mo. Bastos mo 'nay ha. Hindi ko gagawin 'yung iniisip mo."
"Aba't ako pa ang sinabihan nitong bastos. Ke ginawa mo ke hindi, 'yung akin lang eh ayos lang 'kako kaysa makabuntis ka." tumaas ng bahagya ang boses ni Aling Salome upang panindigan ang sinabi niya.
Biglang sumeryoso ang mukha ni Devon. "Pero 'nay, halimbawa ang maging asawa ko eh freak. Freak, kunwari walang paa, o kaya walang mga braso,matatanggap mo kaya?"
Napakunot bigla ang noo ni Aling Salome at napatitig sa mukha ng anak. Sinusukat nito kung seryoso ba si Devon sa tinatanong nito.
"Oh bakit d'yan napunta usapan natin? 'Yung manikin ang sinasabi ko eh iba 'yang ipinapasok mo." tugon ni Aling Salome.
"Eh maiba lang 'nay, kunwari nga lang." muling giit ni Devon.
"Kahit ano pa 'yan at minahal mo at mahal ka din, bakit naman hindi ko matatanggap? Ikaw naman ang makikisama. Saka basta mabuting tao, ayos lang 'yun."
"Eh si Tatay kaya?"
"Ganu'n din 'yun. Napakabait ng tatay mo Devon. Basta para sa 'yo eh alam mo namang hindi sumasalungat 'yun."
Napangiti si Devon sa narinig mula sa ina. Naisip niyang hindi na siya mahihirapang magtapat sa kanyang mga magulang kapag dumating ang tamang panahon na kailangan na niyang isiwalat ang totoong pagkatao ni Rosario at ng pamilya nito.
BINABASA MO ANG
When A Manananggal Fell In Love
ChickLitKabilang si Rosario sa mga kakaibang nilalang na kinatatakutan ng mga tao. Siya at ang kanyang pamilya ay nahahati ang katawan, may pakpak, na kung tawagin ay manananggal. Subalit paano kung magmahal siya ng isang normal na tao? Pagbibigyan kaya s...