Chapter 30

258 19 9
                                    


"H-wag kang magbiro ng ganyan Rosario, hindi magandang biro 'yan." saad ni Aling Lucila habang nakatitig ito sa anak. Sinusukat nito kung nagsasabi ito ng totoo.

"Rosario, bawiin mo 'yung sinabi mo, hindi lahat ng bagay eh pwede mong idaan sa kalokohan. Lalo na 'yung sikreto ng angkan natin." turan naman ni Mang Fidel.

"Totoo nga Daddy, Mommy.  Nuon pa, maniwala naman kayo sa 'kin. Bagong lipat pa lang tayo nu'n." seryosong tugon ni Rosario.

"Paanong nuon pa eh ilang buwan pa lang kayo magkakilala ni Devon. Hindi pa nga kayo nagpapansinan nuon." Pilit pa ding pkinukumbinsi ni Aling Lucila ang sarili na hindi totoo ang sinasabi ng anak.

"Mommy, hindi sinasadya ang unang pagkakakilala namin ni Devon. Naiinip ako nu'n kaya naisipan kong lumabas. Hindi ko naman alam na makikita niya 'ko. Nakilala na niya 'ko kaya nagpakilala na 'ko." paliwanag ni Rosario.

"Ganu'n lang kadali 'yun? Hindi man lang natakot si Devon? Kow, gumagawa ka na naman ng kwento Rosario." ani Mang Fidel.

"Hindi Daddy, totoo nga. Natakot siya, sobrang natakot. Kung anu-ano nga ginawa sa 'kin. Binuhusan ako ng asin, tinapatan pa 'ko ng krus, hinampas pa 'ko ng palaspas, pero ipinaliwanag ko na sa kanya ang lahat." patuloy ni Rosario. Nagkatinginan ang mag-asawang Lucila at Fidel na tila nakumbinse sa tinuran ng anak. "Gusto n'yo papuntahin ko pa s'ya dito at sabay-sabay nating ipakitang nahahati ang katawan natin eh."

"Dyusku naman Rosario, p-paano kung... paano kung ipagsabi ni Devon 'yun? Ano ba 'yang ginawa mo anak?" saad ni Aling Lucila na inihilamos pa sa mukha ang isang kamay nito. "May hinala na nga sa buong baryo ang tungkol sa pamilya natin, ikaw pa mismo ang nagparingas ng usok na malapit na sanang mag-abo." patuloy nito.

"Hindi naman ako nag-siga Mommy." tugon ni Rosario.

"H-wag mo 'kong pilosopohin Rosario, hindi ako natutuwa." pinameywangan pa nito ang anak.

"Mommy, hindi naman ipagsasabi ni Devon 'yun."

"Paano ka nakasigurado?" singit na Mang Fidel na panandaliang nanahimik habang nag-iisip.

"Daddy, hindi ganu'n si Devon, mapagkakatiwalaan siya. Dahil kung talagang ipagsasabi niya, nuon pa Daddy. Pati ang katauhan ni Jansen alam na din ni Devon." turan ni Rosario.

"Susmaryosep ina ng awa, pati ba naman 'yun? Ikaw din ba ang nagsabi?" ani Aling Lucila na hindi pa nawawala ang pag-aalala ay nadagdagan pa.

"Mommy, Daddy, hindi n'yo ba alam na sa iisang eskwelahan lang pumapasok sina Devon at Jansen. Oo, aaminin ko, binanggit ko ang tungkol sa engkanto para bigyan si Devon ng babala. Pero ang hindi ko alam, si Jansen pala 'yung naramdaman kong engkanto nu'ng nanood tayo ng play nila Devon. At maniniwala ba kayong nilinlang niya si Devon, ginaya niya ang pagkatao ko para makipaghiwalay ako kay Devon? Kailan lang nalaman ni Devon na magkakilala kami ni Jansen." salaysay ni Rosario. "Ginamit niya ang eskwelahang 'yun para mapalapit sa 'kin at duon din siya nagpalakas ng kanyang kapangyarihan." dugtong pa nito.

"D-dahil siguro mahal ka talaga ni Jansen anak kaya ganu'n, dahil kung hindi ka talaga mahal ni Jansen, bakit susundan ka pa niya dito? Sa dinami-dami ng engkanto at manananggal, hindi ka man lang ipinagpalit ni Jansen kahit kanino." sambit ni Aling Lucila.

"Tama ang mommy mo anak. Ipinaglalaban lang ni Jansen ang pagmamahal niya sa 'yo.  Dahil kung nakikita naming huwad ang ipinapakita niya sa 'yo, kami mismong mga magulang mo ang tatanggi. Anak ka namin eh, natural lang na proteksyonan ka namin." ani Mang Fidel.

"Eh paano naman ang nararamdaman ko? Ganu'n ba talaga ang batas sa 'tin? Eh kung putulin ko na lang kaya mga pakpak ko para hindi na 'ko mapabilang sa angkan natin?" nanginig ang boses ni Rosario na nagbabadya na gusto nitong maluha. Pagkawika nu'n ay mabilis na lumabas ito ng kwarto.

When A Manananggal Fell In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon