Makalipas ang ilang oras ay binabagtas na nila ang isang pang-mayamang subdibisyon. Napapanganga si Rosario sa mga nadadaanan nilang naggagandahan at naglalakihang mga bahay. Wala din siyang nakikitang naglalakad na mga tao, halos lahat ay mga nakasasakyan.Hindi man alam ng kanyang ama ang mismong pupuntahan, ginagamit lang nito ang pakiramdam upang matunton ang kinaroroonan ng mga engkanto. Hanggang sa bumagal ang pagpapatakbo nito nang maramdaman ang malapit na aura ng maraming engkanto. Isang mataas na bakod na kulay ginto ang kanilang hinintuan. Maging ang malaking gate nito ay kulay ginto din.
Kusang bumukas ang malaking gate nang itinapat ni Mang Fidel ang kanilang sinasakyan. Mula sa gate, isang mahabang daan pa ang kanilang binagtas na may bahagyang pagliko-liko. Namangha ang mata ng mag-anak sa kanilang nadadaanang mga tanawin. Iba't-ibang rebulto na kulay ginto ang paminsan-minsan nilang nadadaanan.
Dahil mahilig sa paghahalaman ang mag-asawang Fidel at Lucila, napahanga sila sa iba't ibang uri ng mga halaman at bulaklak na maayos ang pagkakatanim sa buong kapaligiran. May mga talon din na gawa ng tao at sa binabagsakan ng tubig nito ay may mga gansa na naglalanguyan. May mga kalapati din na nanginginain sa mga nagkalat na laglag na bunga ng punungkahoy. Sa kanilang pagdaan ay sabay-sabay nagliparan ang mga ito na halos matakpan ang kanilang dinadaanan.
Nang tuluyang makaangat ang mga kalapati ay saka pa lamang bumungad ang isang mala-palasyong bahay na dalawa lamang ang kulay ng pintura nito, puti at kulay ginto. Hindi na nakatiis si Lucila na hindi magsalita sa mga nakikita.
"Para naman tayong papasok ng langit. Grabe, napakaganda," turan ni Lucila.
"Bilyong piso daw ang inubos dito." dugtong na sabi ni Fidel.
"Siguro nga, ano pa kaya ang itsura ng loob ng bahay kung ganito na kaganda ang labas." saad pa ni Lucila. "Nakita mo na anak, tiyak na hindi ka maiinip dito."
"Bakit mommy? Maiiwan na ba 'ko dito?" nagtatakang tanong ni Rosario.
"Isang linggo ang selebrasyong inihanda para sa 'yo anak. H-wag kang mag-alala, tuwing ikalawang araw ay pupuntahan ka namin dito. Aasikasuhin lang namin ng Daddy mo ang paghahanap natin ng malilipatan," tugon ni Aling Lucila.
"Saka hindi pa naman kayo magsasama ni Jansen sa iisang kwarto, baka 'yun ang inaalala mo anak." saad pa ni Fidel.
Nang malapit na sila sa bahay ay may sumalubong agad na dalawang bantay na nakuniporme din ng kulay puti na pang-gwardiya. Ang isa ay kinuha ang susi ng kanilang kotse upang siyang mag-park nito at ang isa naman ay ginabayan sila papanhik sa mataas na hagdan bago nila sapitin ang pinaka-pintuan ng malaking bahay.
"Mga ma'am, sir, paiwan na lang po ang inyong mga cellphone. Bawal po sa mga bisita ang may dalang gadget," sabi ng gwardiya. "Kanina pa po kayo hinihintay ni Ministrong Satur."
Matapos nilang isuko ang mga dalang cellphone ay pinapasok na sila sa tanggapan ng bisita. Bahagya pa nilang ikinagulat ang pagsulpot ng isang babae na naka-uniporme ng pang-kasambahay. Ang kaibahan nga lang ay maikli na halos natakpan lang ang puwet nito sa suot. Maganda ito at makinis ang balat. Hindi naiwasan ni Mang Fidel na mapahagod ng tingin sa babae.
"Oh oh, ang mga mata mo Fidel." bulong ni Aling Lucila sa asawa.
"Bakit?" baling dito ni Mang Fidel. "Napatingin lang eh."
"Pasok po kayo sa sala." turan ng babae.
"Hindi pa ba sala 'to?" saad ni Aling Lucila.
"Hindi pa po. Nasa loob po ang pang-espesyal na bisita." tugon ng babae.
Napakaliwanag ng kabahayan. Wala ni katiting alikabok na nakikita ang mag-anak. Nakakasilaw ang kintab ng sahig at mga kulay gintong kagamitan. Sinamahan sila ng babae na makapasok pa sa mas maluwag na sala.
BINABASA MO ANG
When A Manananggal Fell In Love
Chick-LitKabilang si Rosario sa mga kakaibang nilalang na kinatatakutan ng mga tao. Siya at ang kanyang pamilya ay nahahati ang katawan, may pakpak, na kung tawagin ay manananggal. Subalit paano kung magmahal siya ng isang normal na tao? Pagbibigyan kaya s...