Kabanata 2
Doctor
Naiwan akong mag-isa. Nanghihina man ay agad akong tumayo para sundan ang pinto ngunit nakasarado ito at kahit anong gawin kong pagbukas ay hindi ito mabuksan. Talagang isinarado niya para hindi ako makalabas!
Iginala ko ang paningin ko sa kabuuan ng paligid. Nasa isang silid ako. Nasa isang malaking silid! Ngayon ko lang napansin ang isang malaking kama na tiyak akong pinanggalingan ko. Iika-ika akong bumalik doon at naupo. Gabi pa ba? Kung ganoon ay nawalan lang ako ng malay at hindi ganoon kahabang nakatulog.
Tiningnan ko ang pagkaing nasa tray at nakapatong sa lamesang nasa gilid ng kama. Hindi pa ako kumakain pero hindi rin ako nagugutom. Siguro'y mas mag-uunahan pa ang mga luha ko bago pa ako magkaroon ng ganang kumain. Ang isang orasan na nasa gilid nito ang nagsabing alas-dos na ng madaling araw.
Hindi ko iyon pinansin at muling nahiga sa kama. Gusto kong mapanatag pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung anong pwedeng mangyari bukas kamakalawa. Hindi ko rin alam kung anong totoong balak niya sa akin at kung bakit ako nandito, o kung anong pwedeng gawin ni papa oras na nalaman niya ang tungkol dito. Hahanapin niya kaya ako?
Hindi siguro. Pinaalis ka nga niya, diba?
Pinahid ko ang mga luha ko. Humalukipkip ako at niyakap ang sarili. Simula nang mawala si mama, lagi nalang akong nag-iisa.
Nakita ko kung paano mahalin ni papa si mama habang nabubuhay pa siya, lalo na ang lungkot at sakit na dinanas niya nang mawala ito sa buhay namin. Ang mga araw na masasaya kaming tatlo, hindi ko inakalang ganito kabilis magbabago. Na ganito niya ako kadaling tatalikuran. Ngayong wala na si mama ay siya ang kailangan ko. Bilang isang ama ay alam niyang hindi mabuti para sa akin ang pabor na hinihingi niya.
Ang pagpapaalis sa akin sa bahay at ang ginawa ng mga tauhan niya sa akin, lahat ay sabay na nangyari sa iisang gabi. Nawalan ako nang malay at namg magising ay nasa kamay na ng isang taong hindi ko rin kilala. Hindi ko alam kahit pangalan niya habang isa lamang ang nasisiguro ko, galit siya kay papa.
Magdamag akong nakadilat. Hindi ko nagawang umidlip man lamang sa sobrang dami nang iniisip ko. Unti-unting lumiwanag ang loob ng kwarto dahil sa sinag ng araw na nanggagaling sa isang babasaging bintanang kahit may telang nakatakip ay nasisinagan parin ng araw. Ngayong mas maliwanag na, mas nakikita ko ang disenyo ng silid. Lahat ay kulay asul. Mula sa kama hanggang sa pader pataas sa ceiling. Wala rin gaanong disenyo na makapagsasabing babae ang may-ari ng kwartong ito.
Dahan-dahan akong bumangon at muling nakaramdam nang pananakit ng ulo. Narinig kong tumunog ang door knob kaya agad akong kinabahan. Hindi lumubay ang mga mata ko sa pinto hanggang tuluyan iyong bumukas. Pumasok ang dalawang lalaking may dalang tray ng pagkain at nang makita akong gising ay parehong natigilan. Madilim kagabi pero sigurado akong wala sa kanila ang lalaking nagpaiwan dito.
"Nasaan ako?" tanong ko, inilagay nang isa ang pagkain sa tabi ng isa pang tray na hindi ko ginalaw kagabi habang ang isa ay naiwan lamang sa harap ng pinto.
Hindi siya sumagot. Naiinis ako. Kailangan ko nang sagot pero kagabi pa walang gustong sagutin ang tanong ko.
"Kuya, please... kailangan kong malaman kung nasaan ako. Paano ako napadpad dito?" nagmamakaawa kong sabi, muling naiiyak.
Nagtinginan silang dalawa. Mukha naman silang mapagkakatiwalaan hindi tulad ng mga tauhan ni papa na kailangan munang pag-aralan nang mabuti. Pero kailangan ko talaga ng sagot.
"Please..." tumayo ako pero dahil nahihilo ay agad akong natumba at bumagsak sa sahig. Agad tumakbo ang lalaking nasa pinto at sabay sana nila akong tutulungan nang magpumiglas ako. Natatakot akong muling may humawak sa akin. Lahat nang nangyari kagabi ay masyado pang buhay sa isipan ko.
BINABASA MO ANG
Selfless (Doctor Series #3) COMPLETED
Romance"Hahayaan kitang magalit at umalis, pero pakiusap... magpakasal muna tayo." Madilim pa sa mundong araw-araw na binabagyo, ganyan ang naging buhay ni Alexin Cervantes matapos sabay na mawala sa kanya ang kanyang mga magulang. Ang tanging naiwan sa...