⚡⚡⚡
Kabanata 48: Ang Palaisipan
Dumating si Ibarra sa tirahan ni Kapitan Tiago kinabukan upang dalawin si Maria Clara dala-dala ang balitang napawalang bisa na ang kanyang pagiging ekskumunikado at ang liham para sa kura paroko na nagpapatunay na muli siyang tinatanggap ng Simbahang Katoliko.
Tuwang-tuwa na nagsisigaw si Tiya Isabel habang tinatawag si Maria Clara. Tumingala si Ibarra sa balkonahe at napangiti nang makitang tumindig ang dalaga. Ngunit mabilis na binawi ang ngiti ng binata nang makitang may dala-dalang pumpon ng mga rosas ang dalaga.
Nang umakyat si Ibarra sa balkonahe ay nakita niya ang panauhin ni Maria Clara na si Linares. Tinignan ni Ibarra si Linares mula ulo hanggang paa. Dahil sa gulat at lungkot na naramdaman ng binata ay nagpaalam na din ito sa dalaga at sinabing dadalaw nalang sa ibang araw.
Umalis si Ibarrang mabigat ang loob at piniling puntahan ang pagtatayuan ng paaralan upang doon magpalipas ng sama ng loob. Naabutan niya don si Nol Juan na nag-uutos sa mga manggagawa. Ipinakita ni Nol Juan kay Ibarra ang mga natapos nang gawain.
Ipinaalam din ni Ibarra kay Nol Juan na wala nang bisa ang pagiging ekskomunikado nito. Maya-maya pa’y nakita ni Ibarra si Elias na paparating bitbit-bitbit ang mga sako ng simyento.
Inutusan ni Ibarra si Nol Juan na kuhanin ang listahan ng mga trabahador. Sinamantala naman ni Ibarra ang pag-alis ni Nol Juan at ito’y lumapit kay Elias.
Sinabi ni Elias kay Ibarra na magkita sila sa bangka nito sa may tabi ng lawa paglubog ng araw dahil may mahalaga itong sasabihin.
Dali-daling umalis si Elias nang pabalik na si Nol Juan. Paulit-ulit na binasa ni Ibarra ang listahan ng mga trabahador ngunit hindi niya nakita sa listahan si Elias.
⚡⚡⚡
Talasalitaan:
Ekskumonikado – bawal tanggapin ng simbahan habang nabubuhay
Liham – sulat
Kura paroko – mataas na pari
Balkonahe – bahagi ng bahay na nagsisilbing pahingahan
Tumindig – tumayo
Pumpon – tumpok
BINABASA MO ANG
"Buod Ng Noli Me Tangere"
Historical FictionAng Noli Me Tángere ay isang nobelang isinulat ni Jose Rizal, at inilathala noong 1887, sa Europa. Hango sa Latin ang pamagat nito na may kahulugang "huwag mo akong salingin (o hawakan)". Sinipi ito mula sa San Juan 20:17 kung saan sinabi ni Hesus k...