Noli Me Tangere Kabanata 25 – Sa Tahanan ng Pilosopo
Pumunta si Ibarra sa bahay ni Pilosopo Tasyo upang humingi ng payo tungkol sa paaralan na nais niya pasimulan. Sa kabila ng pagiging abala ng Pilosopo sa kanyang ginagawa ay napansin pa rin naman niya ang binatang si Ibarra kaya inanyayahan niya nito.
Nabanggit ng Pilosopo na walang makauunanawa sa ngayon ng kanyang isinusulat dahil ang susunod na henerasyon ang makakaunawa ng kanyang saloobin. Dagdag pa niya, wala na raw piring sa mata at mulat na sa nangyayari sa lipunan ang mga susunod na salinlahi.
Nabanggit naman ni Ibarra na kahit siya ay dito ipinanganak at lumaki, ramdam niya ang palagay ng mga tao na siya ay dayuhan lamang. Kaya naman kinakailangan niyang humingi ng payo sa Pilosopo dahil sa ito'y higit na kilala ng mga tao.
Sinalungat naman ito ng Pilosopo at iminungkahing sa mga kinikilalang tao sa lipunan tulad ng kura dapat isangguni ni Ibarra ang kanyang mga binabalak.
Naniniwala si Ibarra na ang matuwid na layunin ay hindi na kailangang balutan ng baluktot na gawain. Buo ang paniniwala ng binata na sasang-ayunan siya ng pamahalaan at ng mga tao sa bayan sapagkat ang kanyang ninanais ay para sa kapakanan ng nakararami.
Hindi makumbinsi ni Pilosopo Tasyo si Ibarra na ang kapangyarihan ng simbahan ay higit pa sa kakayahan ng pamahalaan. Lalo pa ng sabihin niya sa binata na kung nais niyang matupad ang kanyang mga balakin ay marapat na yumuko muna siya sa mga may kapangyarihan kung ayaw niyang walang mangyari sa kanyang mga balakin.
Hindi naman ito matanggap ni Ibarra dahil ang kanyang mga pananaw ay ideolohiyang liberal na kanyang nakamulatan sa pag-aaral sa Europa.
Ayon sa Pilosopo, ang mga ganitong prinsipyo ay hindi pa katanggap-tanggap sa simbahan na siyang nagmamay-ari ng lahat pati ang buhay ng mga tao sa kanilang nasasakupan.
Ang kalagayan ni Ibarra ay inihalintulad niya sa mga halaman kagaya sa rosas na yumuyuko rin sa hangin kapag hitik na ito sa mga bulaklak at kung hindi ito ay mababali lamang, at sa puno ng makopa na kailangan pa niyang tukuran upang kumapit ang mga ugat nito sa lupa dahil kung hindi niya ito gagawin ay ibubuwal lamang ito ng hangin.
Ganito diumano si Ibarra sa kanyang mga pananaw. Isa siyang punong itatanim sa mabatong lupain na nagmula pa sa bayan ng Europa – kailangan niya ng makakapitan at masasandalan.
Ang sabi pa ni Pilosopo Tasyo, hindi kaduwagan ang pagyuko sa kapangyarihan. Ang pagyuko at pag-iwas sa dumarating na punlo ay mas mainam kaysa salubungin ang mga bala ng baril at tuluyan ng hindi makabangon.
Maraming tumatakbo sa isipan ni Ibarra. Paano na lamang raw kung hindi lubos ang pagtulong ng simbahan sa kanyang mga balakin dahil sa ang karunungan ay kaagaw ng simbahan sa pagpapayaman, at kung may maiiwan ba siyang legasiya sa kanyang mga binabalak para sa bayan.
Bago pa man magpaalam si Ibarra ay binigyan siya ng inspirasyon ng Pilosopo na kung sakaling hindi man siya magtagumpay ay may uusbong na pananim na siyang magpapatuloy ng kanyang mga nasimulan.
Pagkatapos nito'y nagpaalam na ang binata kay Pilosopo Tasyo.
Talasalitaan
Jerogloficong pagsulat – istilo ng pagsulat
Kalupi ang tangan – pitaka o lalagyan
Tampalasang sanlibutan – masama
BINABASA MO ANG
"Buod Ng Noli Me Tangere"
Fiction HistoriqueAng Noli Me Tángere ay isang nobelang isinulat ni Jose Rizal, at inilathala noong 1887, sa Europa. Hango sa Latin ang pamagat nito na may kahulugang "huwag mo akong salingin (o hawakan)". Sinipi ito mula sa San Juan 20:17 kung saan sinabi ni Hesus k...