V2.15 Ginintoang ibon

31 9 0
                                    

"Pinuno! Pinuno!" Tawag kay Aya ng tumatakbo palapit sa kanila na kawal. "May kailangan kayong makita."

"Hindi ka man lamang ba magbibigay galang muna sa prinsipe?" Pamumuna ng totoong prinsipe sa kawal, mula kasi ng magising siya ay napapansin niyang tanging si Aya lamang ang sinusunod ng mga ito at gumagalang lamang sa prinsipe dahil kay Aya.

"Pagbati sa mahal na prinsipe." Agad naman itong bumati sa nagpapanggap na prinsipe. "Paumanhin po ngunit may kailangan pong makita ang aming punong pangkat." Sabi pa nito at patakbong hinila si Aya papunta sa binabantayan nito kanina.

"Lapastangan." Sabi na lamang ng totoong prinsipe habang pinagmamasdan ang paglayo ng dalawa.

"Higit kalahati sa mga kawal na pinamumunuan ni Aya ay mga tulisan kaya pasalamat ka nalang at nahimok sila ni Aya na magbagong buhay at magsilbi sa kaharian." Sabi naman ng nagpapanggap.

Samantala, kina Aya naman ay nagkatipun-tipon ang mga kawal at pinagmamasdan ang pangkat ng mga kawal na nagdaraan sa ibaba ng bundok na kinatatayuan nila.

Sa gitna ng mga kawal na iyon ay isang kabaong na sakay ng karitong hinihila ng dalawang kabayo. Kasunod naman ang isang hawla na may gulong at hinihila ng isang kabayo. Sa loob ng hawlang iyon ay ang kanilang heneral. Pansin din ni Aya ang nakaupo at natutulog sa gilid sa labas ng hawla na si Noknok.

Imihik ng malakas at malamig na hangin kaya nagising si Noknok.

"Aya." Tawag niya sa kinakapatid ng may totoong ngiti at nilakihan pa ang mga mata upang makita ang tinatawag ngunit hindi niya ito nakita. Gayun pa man, kahit sa kabiguan ay nanatili parin nakangiti ito.

Pinagmasdan nina Aya ang na iyon hanggang pumasok sa labasan ng Paldreko.

"Anong gagawin natin?" Tanong ni Makoy kay Aya.

"Kung magagawa sana nating palitan ang bangkay na prinsipe sa buhay na prinsipe sa loob ng kabaong...." May kasamang buntong hininga ang sagot na iyon ni Aya.

"Bakit kaya hindi natin subukan kung kaya mo ng makapasok ng Paldreko." Narinig nilang wika ng nagpapanggap na prinsipe kaya napalingon silang lahat at nakita ito katabi ang totoong prinsipe. "May panahon pa tayo hanggang bukas bago nila ihayag sa pinakamataas na kapulungan ang bangkay na dala nila."

"Hindi natin batid kung paano mag-isip ang ating katunggali, wala sa atin ang nakakakilala sa kanya ng higit sa kanyang pangalan at katungkulan. Paano kung isang patibong lang pala ang kabaong na iyon?" Si Aya.

"Malalaman lang natin kung makakalapit tayo." Sagot naman ng nagpapanggap na prinsipe.

"Kung gayon, ngayon din ay tutungo tayong dalawa sa tarangkahan ng Paldreko." Pagpapasya ni Aya.

"Ngunit pinuno, pamanganib kung kayong dalawa ng prinsipe lamang ang tutungo doon." Nag-aalalang wika naman ni Makoy.

"Tama si Makoy pinuno. Kung sana lang ay may salamangka din kami ay -" pinangalawahan ni Kalo ang sinabi ni Makoy ngunit hindi na siya pinatapos ni Aya na magsalita.

"Mas maigi kung kaming dalawa lamang ng hindi makaagaw ng pansin." Paliwanag ni Aya.

"Ang tagapagsilbe ng prinsipe, meron siyang salamangka, i-i-isama niyo po siya." Nag-aalangang wika naman ng isang binatilyong kawal na nag-aalala para sa kaligtasan ng kanyang pinunong pangkat.

Kaagad namang sumang-ayon ang ibang mga kawal lalo na sina Kalo at Makoy.

"Tulad ng sinabi mo, siya ay tagapagsilbe ng prinsipe at hindi tagabantay." Pagtanggi naman ni Aya.

"Ngunit-" Nais pa sanang magsalita ni Kalo.

"Tama na." Pigil ni Aya dito. "Iba ang kanyang tungkulin sa nais niyong ipagawa sa kanya. Tulad ng napagpasyahan, kami lamang ng prinsipe ang tutungo sa tarangkahan ng Paldreko upang masubukan kung makakapasok na nga ba ako."

Sa mga sinabing iyon ni Aya ay maslalong napapaisip ang totoong prinsipe sa katauhan ng dalawa. Lalo na at wala namang nakaligtaan siya na usapan kaya nasisiguro niyang si Aya lamang ang nagpasya. Sa sarili naman niya ay hindi niya maintindihan kung bakit may pagnanais siyang sumama gayong alam naman niya ang mangyayari sa pagkakataong umapak siya sa loob ng punong lungsod. Mabuti na lamang at mahigpit na inaayawan ng punong pangkat na hindi siya isama dahil pagnagkataon ay hindi na siya kailangang pilitin pa at agad siyang sasama sa dalawa upang makauwi na. Higit sampong taon narin ang nakakalipas ng huli niyang napagmasdan ang kanyang ina at ang kapatid na Hari. Wala siyang ibang ninanais kundi ang muling kamasa ang dalawa, ngunit alam din naman niya hindi mangyayari iyon. At lalong hindi mangyayari pagninais niyang bumalik ng Paldreko.

Walang pasabi at agad na gumamit ng salamangka ang nagpapanggap na prinsipe at binago ang ayos ni Aya. Nagmukha itong isang tagapagsilbe ng karaniwang panginoon.

Maingay at buhay na buhay ang naabutan nilang labasan ng Paldreko. Palingalinga pa si Aya at halata sa mukha nito ang paghanga sa mga tindahang nadadaanan maging sa mga palabas na ginagawa sa daan.

"Bilisan mo at malapit ng magdilim." Wika kay Aya ng ginoo at hinila siya.

"Kaibigan-"

"Panginoon." Agad naman nitong pagtatama sa kanya at binitiwan na siya.

"Panginoon, bakit ako lang yata ang namamangha gayong pariho naman tayong bago dito? At ikaw ay matagal ng nanalagi sa gubat ngunit hindi ka man lamang ba namamangha sa mga bagong nakikita mo?"

"Hindi tayo naparito upang mamangha. Bilisan mong maglakad, sa tingin ko ay malapit na tayo."

Dahil nga kung saan-saan nakatingin si Aya ay nakabangga siya ng isang ginoo. Sa lakas ng pagkakabanggang iyon ay muntik pa siyang tumihaya sa daan. Mabuti na lamang at naagapan siya ng ginoong nakabanggaan niya.

Nagdapo ang kanilang paningin at hindi na mawaglit sa isipan niya ang kanyang nakita.

"Hindi kasi tumitingin." Parinig ng isang ginoo na kasama ng ginoong nabangga niya ngunit hindi niya na iyon pinansin at nanatiling tulala lamang siya at naglalaro sa isip niya ang kanyang nakita.

"Aya! Aya!" Pukaw sa kanya ng kanyang kaibigan ngunit hindi siya nagsalita at tumulo lamang ang luha sa kanyang mga mata. "Anong nangyayari? Bakit ka umiiyak?" Nag-aalala sa kanya ang ginoo.

Bumalik sa katinuan si Aya at kaagad na hinagilap ng paningin ang ginoong nakabanggaan. Nakita niya ito at mga kasama na naglalakad at nagkakatawanan pa ngunit may kalayuan na mula sa kanila.

Tumakbo si Aya at hinabol ang mga ginoo na sa kasuutan pa lamang ng mga ito ay mapaghahalata ng mula sa mayayamang angkan.

"Ginoo! Saglit lamang!" Pagsigaw pa ni Aya ngunit hindi na siya nilingon ng ginoong hinahabol at bigla na lamang siyang tumilapon pabalik.

Agad namang sumaklolo sa kanya ang kasama niya na natigilan at nakaramdam ng muling pagsakit ng ulo ng makita ang gintong ibon sa taas ng tarangkahan.

Ang tarangkahan ng punong lungsod.

Darkness: The Beginning Of LegendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon