V1.6 pusong dalisay

90 15 3
                                    

"Wag mo siyang papatayin!" Sigaw ni Alena na dahil may isang lalaking nakaitim ang biglang nakisali sa gulo.

Sa bilis ng kilos nito ay namalayan na lamang ni Gube na may matalim na punyal na nakadikit sa kanyang liig bago pa man makaabot kay Alena ang kamao niya. Ngayon ay hindi na siya makakilos.

Hindi niya na maigalaw ang sariling katawan.

Si Taba naman at ang mga kasama nitong balot ang katawan ng sapot ay napanganga nalang sa labis napahanga sa bagong dating.

"Anong salamangka ito? At sino naman ang gagong ito?" Mga tanong sa isip ni Gube dahil sa hindi nga niya magawang magsalita.

"Maligayang pagbabalik Asa." Wika ni Alena sa kanyang tagabantay ng may malaking ngiti.

"Binibine, ilang araw lamang akong nawala at kung anu-ano ng gulo ang pinasok mo." Wika naman ni Asa na parang ito ang panginoon.

Lumaki si Asa sa kabahayan ng Agela. Sa katunayan ay kamag-aral ito ni Guyo noon.

"Gusto ko siyang makausap." Sabi ni Alena at itinuro si Gube na pinaluhod naman ni Asa.

"Sa tingin ko ay bago ka pa lamang dito sa lungsod at ang lakas ng loob mo na hamunin ang binibining ito." Itinuro pa ni Alena ang sarili. "Kung ako sayo ay sana nagtanung-tanong ka lang muna ng hindi ka napapahiya ng ganito."

"Wala akong pakialam kung sino ka!" Galit namang saad ni Gube na nagulat pa at nagawa na niyang makapagsalita.

"Sa katunayan ay humahanga ako sa katapangan mo. Nakikita kong malakas ang iyong meda, maaari ko bang malaman kung saan ka galing? Malay natin baka matulungan kita, sayang ka naman kasi kung magiging tulisan ka lamang habambuhay."

"Hindi ko kailangan ng tulong mo! Dahil sayo ay wala ng tiwala sa akin ang iba kong mga kanayon."

Dumating ang mga kawal ng lungsod ngunit hindi iyon ang pangkat ni Guyo.

"Magandang umaga po binibini." Bati ng mga kawal kay Alena. "Naparito po kami upang hulihin ang naggugulo sa inyo."

Nginitian lamang ni Alena ang mga kawal na iyon at muling hinarap si Gube. "Hindi ako prinsisa ngunit susundin ng mga kawal na ito ang ano mang iuutos ko. Maari kitang ipahuli sa kanila o ipasama sa kanila bilang bagong kawal ng lungsod, alin ang gusto mo? May isa pa pala, maaari din kitang hayaan nalang na parang walang nangyari. Sabihin mo lamang sa akin na kung bakit ang isang tulad mo, piniling maging tulisan."

Napagtanto ni Gube na hindi nga pangkaraniwang mamamayan ang binibining kausap at marami ang nakahandang ipagtanggol ito. Maging ang mga kawal ng lungsod ay mataas din ang paggalang dito kahit pa hindi ito isang prinsisa.

"May idadagdag pa pala ako sa pagpipilian mo," dugtong pa nito. "Maari din kitang isali sa Agela." Sabi ni Alena na animoy laro lamang ang lahat.

"Napakapalad naman niya." Maririnig namang bulungan ng mga nanunood.

"Hinamon niya na nga si binibining Alena, binigyan pa siya ng maraming pagpipilian na hanggang pangarap nalang ng iba." Wika naman ng nanunood na lalaki.

"Sadyang dalisay ang puso ng ating binibini." Isang ginang naman ang nagsalita.

"Siya pa lamang ang unang humamon sa binibini, pasalamat siya at humihinga parin siya hanggang ngayon." Usapan pa ng mga nanunood.

"Payapa ang aming nayon sa kanlurang hangganan. Ngunit nagbago ang lahat ng magsimula ang hidwaan sa pagitan ng kaharian at ng kaharian ng mga tao. Mas lalo pa itong tumitindi kaya kinailangan naming lumikas, pumarito kami sa lungsod ng hari na umaasang tutulungan kami ng kamahalan ngunit gutom lang ang inabot namin. Wala kaming bahay o lupa dito, wala kaming ano mang pagmamay-ari. Ang masakit pa doon, dinagdagan pa ng Agela ang aming paghihirap. Upang mabuhay ay kinailangan naming mang lamang sa kapwa." Salaysay ni Gube na labis naming ikinalungkot iyon ni Alena.

"Wala akong alam sa nangyayaring hidwaan sa hangganan." Sabi na lamang ni Alena at tumingin sa taong kasama.

Paano kung isa palang tiktik itong taong tinulungan niya? Ngunit alam naman ng Lolo niya na isa itong Tao, panigurado ding alam ng Lolo niya ang nangyayaring hidwaan ng dalawang kaharian ngunit hinayaan lamang nito ang tao sa loob ng sariling kabahayan nito. Naisip na lang ni Alena na baka naman hindi isang banta ang Taong ito.....marahil...

"Kawal." Tawag ni Alena at lumapit sa kanya ang pinuno ng pangkat ng mga kawal na iyon.

"Binibini."

"Samahan niyo siya sa kinaroroonan ng iba pa niyang kanayon. Alamin mo kung totoo nga ang sinasabi niya." Utos dito ni Alena.

"Masusunod po binibini." Sagot naman ng punong pangkat na iyon.

Pagkatapos ay sina Taba at ang mga kasamahan naman na nito ang hinarap ni Alena.

"Minsan ko na kayong pinagbigyan noon pero inulit niyo parin kuya sa araw na ito ay pinuputol ko na ang anumang kaugnayan ko sa inyo. Hindi ko kailangan ang mga nilalang na tulad ninyo." Sabi niya at tuluyan ng nilisan ang pamilihan.

Bumalik sila sa kabahayan ng Agela ngunit saglit lamang doon si Alena. Kinuha niya ang kanyang panregalo sa Tiyahin niyang reyna.

Nagtungo siya sa kabahayan ng Hari ngunit sa pagkakataong ito ay hindi niya na kasama ang Tao.

Hindi niya na rin ito nakita ng palabas na siya sa tarangkahan ng kabahayan ng Agela sakay ng magandang karwahe. Inisip niyang mas mabuti na marahil iyon at baka sumama na naman ito gayong may hidwaan pala sa pagitan ng dalawang kaharian kaya hindi niya ito maililigtas kung sakali mang may magbanta dito sa loob ng kabahayan ng Hari.

Samantala, lingid sa kaalaman ni Alena ay inihatid pala ni Asa ang tao sa tanggapan ng pangkalahatang pinuno ng Agela ayun narin sa utos nito. At umalis din agad para sundan siya.

"Kumusta ang iyong pamamalagi dito aming mahalagang panauhin?" Panimula ng matanda sa Tao na nanatili paring tahimik at hindi sumasagot.

"Walang ibang naririto kaya itigil mo na ang iyong pagpapanggap. Hindi ko gusto na pati ang apo kong babae ay idinadamay mo rin sa digmaang ito." Sabi pa ng Lolo ni Alena.

"Hindi ko binalak ang mga nangyari. May mga nais na pumaslang sa akin kaya ako nakaabot sa kweba at doon sinakluluhan ng isang binibini. Nais ko lamang sana na magpasalamat ngunit sino mag-aakala na ang binibining may dalisay na puso at handang tumulong sa sino mang nangangailangan ay apo pala ng pinunong pangkalahatan ng Agela?" Salaysay ng Taong nagpapanggap lang pala na hindi nakakapagsalita.

"Minsan naring nagkaroon ng binibini ang kabahayang ito liban kay Alena." Lumakad ang matanda at tumayo ng malapitan kaharap ang Tao. "Ngunit dahil sa isang walang kwentang prinsipe ay nawala siya sa akin!"

Matindi ang titig ng matandang pinuno ng Agela ngunit hindi iyon dahilan upang matakot ang Taong kausap.

"Mukhang totoo nga ang balibalita na ang kasalukuyang reyna ng mga kambitan ay hindi totoong anak ng punong mambabatas kundi anak ng kalabang pwersa. Hindi ako nananatili dito sa iyong kabahayan ng dahil kay Alena kundi ay kayo talaga ang aking pakay." Pagbibigay linaw naman ng Tao. "Ilang buwan na kaming naghihintay sa iyong pasya ngunit hanggang ngayon ay wala parin."

————
Sa ngayon po ay rank #854 po tayo sa fantasy
Salamat po sa inyo😅

Darkness: The Beginning Of LegendTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon