Episode 57
"ARE YOU OUT OF YOUR MIND?"
Nanggagalaiti si Cassandra nang malaman niya ang sitwasyon. Isinalaysay ko kasi sa kanya ang nagaganap, na sinasakyan ko ang paniniwala ni Rogue na ako ay panaginip lang. Mas pinili ko na protektahan sa ngayon ang puso niya, higit sa isip niya.
Napayuko ako. "Hindi ko na kayang mahirapan pa siya. Ang tagal na panahon ko na siyang tiniis, tama na. Tama na ang pagpapahirap sa kanya..."
Nang makatulog si Rogue dahil sa puyat, tumakas ako sa aking suite para makipagkita kay Cassandra at Lola Jamod. Alam kong nag-aalala sila kaya nagpasya na akong ipaalam sa kanila ang lahat.
Inabangan ko talaga na makatulog si Rogue dahil isang gabi na itong nakabantay lang sa akin. Ayaw niya raw kasing makatulog dahil baka paggising niya ay nasa real world na raw siya. Halos hindi siya kumukurap nang titigan niya ako isang gabi para lang masiguro na hindi ako mawawala sa paningin niya.
"Kapag nagwawala si Rogue dahil naguguluhan siya sa mga nangyayari ay sumusuko at nadudurog ang puso ko! Kinakain ako ng konsensiya ko dahil ako ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito kaya para makabawi sa kanya, gagawin ko ang lahat para protektahan ang damdamin niya... Gagawin ko ang lahat kahit pa ang pagpapanggap na ako ay isang panaginip lang!"
Nanghihina napaupo si Cassandra sa isang upuan habang minamasahe ang kanyang noo. "Pero dahil sa ginawa mo, lalo mo lang pinalala ang kalagayan ni Rogue."
Pumatak na ang mga luha ko. "Sa ngayon, hindi na muna importante ang kalagayan ng isip ni Rogue. Sa ngayon mas importante sa akin ang nararamdaman niya..."
"Hay, nakow!" palatak ni Lola Jamod. Bakas din sa mukha niya ang pamomroblema matapos niyang malaman ang nangyari. Tahimik lang siyang nakikinig sa kwento ko kanina habang siya'y nangungulangot.
"So bale wala na rin palang saysay kahit magpakilala pa ulit kami sa kanya." Napahalukipkip si Cassandra. "Iisipin niya lang ulit na isa kaming bangungot na kailangan niyang takasan."
Malungkot akong tumango at bumaling ng tingin kay Lola Jamod. "Bangungot ang tingin niya lalo kay Lola Jamod at Lola Durat."
Umismid si Cassandra. "Sa part na 'yan, naiintindihan ko si Rogue. Mukha naman talagang bangungot ang dalawang matandang 'yan!"
Ngumuso si Lola Jamod. "At least, may syota kaming cameraman."
Umirap ang mga mata ni Cassandra.
"Anong plano mo ngayon?" mahinang tanong sa akin ni Cassandra pagkuwan.
"Wala akong plano. Basta ang alam ko lang, mahal na mahal ko siya."
Lumamlam ang mga mata ni Cassandra dahil sa sinabi ko.
"N-ngayon ko lang natuklasan na mahal na mahal ko pa rin pala siya..." Humikbi ako. "H-hindi ko na siya kayang tiisin... Babawi ako sa mga kasalanan ko sa kanya..."
Lumapit sa akin si Lola Jamod at hinimas ang aking likuran. Parang gripo na sa pag-agos ngayon ang luha mula sa mga mata ko.
"But Jane, what you've done can't solve anything." Tumayo si Cassandra at lumapit sa akin. Nasa mukha niya ang pagkahabag sa akin.
"A-alam ko..." Pinunasan ko ang aking mga luha. "P-pero sa panaginip niyang ito... dito lang kami nagkasama ulit... Dito lang kami naging masaya ulit...At dito niya lang ako minamahal ulit..."
BINABASA MO ANG
The God Has Fallen
RomanceRogue Saavedra, the arrogant city's young billionaire, becomes stranded on an unknown island. There he meets an illiterate jungle woman, Jane, who is also the goddess of the Amazon tribe and claims he is "god", and their last hope to avoid extinctio...