THE PAIN.
Hindi ko sinabi sa mga kaibigan ko ang nakita ko. Basta ang alam ko, naging tahimik na ako hanggang ihatid na nila ako sa terminal ng bus. Hindi na ako nagpahatid sa apartment gaya ng una kong plano. Ang gusto ko na lang muna ngayon ay mapag-isa at ang umuwi sa amin.
Nasasaktan ako ngayon pero hindi ko magawang umiyak. Nakakahiya nga naman na bigla-bigla lang akong maiiyak. Baka magulat pa itong katabi ko sa bus at ma-weird-uhan pa sa akin. Kaya mas pinili ko na lang ang maging tulala. Dinama ulit ang mala-music video na situwasiyon at tanawin.
Mag-a-alas dos na ng hapon ako nakarating sa Escalante. Sa terminal ng city namin ako bumaba tapos sumakay lang ng traysikel na kayang maghatid papunta sa bahay namin na nasa malapit lang naman.
Gulong-gulo na ang utak ko pagdating ng bahay. Dinagdagan pa na wala akong tulog kagabi at pagod na pagod pa. Hindi ko na talaga alam kung anong iisipin ko ngayon, sa dami ng gustong pumasok sa utak ko ngayon. Walang hiya, hinay-hinay lang naman kasi woy, mahina ang kalaban.
Dire-diretso ang naging lakad ko pagkababa ko ng traysikel. Tipid ko lang na binati si Ate Neneng nang maabutan ko siyang may inaayos sa mga pananim ni Lola. Hindi na rin naman siya nagtanong pa ng kung ano-ano. Hinayaan lang din naman niya akong pumasok sa loob. Pero sinabihan niya ako na may tanghalian pa raw na natira sa kusina kung maisipan kong kumain ulit at sinabihan na rin ako na wala na namang tao sa bahay kasi umalis si Tita Crestine at ang iba ay nasa kani-kanilang trabaho at school.
Ang una kong ginawa nang makapasok sa kuwarto ay ang maligo at magbihis since kahapon pa itong suot ko at hindi na ako nabigyan ng pagkakataon na makauwi sa apartment para lang magbihis.
Matapos maligo at magbihis, kahit basa pa ang buhok ko, basta ko lang isinalampak ang katawan ko sa kama ko at natulog. Kailangan kong matulog. Kailangang-kailangan ko ang tulog.
Bukod sa tulog, kailangan ko rin ng peace of mind. Baka sakaling mailabas ko ang lahat ng hinanakit na mayroon ako ngayon.
Nagising ako dahil sa isang panaginip. Iminuklat ko ang mata ko at diretsong tiningnan ang kurtina sa malaking bintana ng kuwarto na nagpapaanod sa alon ng hangin.
Nanatili akong nakahiga, nakayakap sa hotdog na unan ko, naging tulala na sa kurtinang iyon.
Bakit ba may mga panaginip kang klarong-klaro mong naaalala pagkagising mo? Tapos ‘yong mga paniginip na naaalala mo ay ‘yong mga irrelevant pa sa buhay mo kasi wala ka naman talagang pakialam. Bakit ‘yong mga panaginip na kasama ang mga relevant na tao sa buhay mo ay hindi mo na maalala?
Sinubukan kong alalahanin ang panaginip kung saan nandoon si Therese pero kahit maliit na detalye, hindi ko na matandaan. Gustong-gusto kong matandaan. Kasi gusto kong malaman kung bakit sobrang bigat ng pakiramdam ko ngayon. Kung bakit nararamdaman ko ang invisible pain na idinulot no’ng panaginip na iyon. Gusto kong malaman kung bakit nararamdaman ko ang sakit kahit na isang panaginip lang iyon.
Panaginip lang ba? Isang panaginip lang ba na makita siya sa DSB kasama ang ibang babae? Panaginip lang ba na no’ng tinawagan ko siya, lahat ng nailabas sa bibig niya no’ng mga oras na iyon ay pawang kasinungalingan ang lahat?
Kung panaginip lang, bakit parang totoo? Sana nga panaginip na lang ang nangyaring iyon. Mas gugustuhin ko pang naging panaginip iyon.
Marahan akong pumikit at natawa sa sariling kahibangan. Ano bang ginagawa mo sa akin, Therese? Bakit mo ba ako ginanito? Bakit mo ba binulabog ang natutulog kong mundo?
Gusto ko sanang matulog ulit, baka sakaling maalala ang panaginip na hindi ko na matandaan pero biglang bumukas ang pinto ng kuwarto ko. Dumilat ulit ako at dahan-dahang nilingon ang direksiyon ng pinto.
BINABASA MO ANG
When The Waves Touch The Sky (Yutang Bulahan Series #4)
Ficção GeralZetty Mondejar loves risking her life. Will she be able to risk anything for the man of her life?