PANGITAIN
Isinulat ni Alex Asc
DAGLIAN Below 500 wordsHinawakan ako sa balikat ng kaibigan kong si Jasper. Nang bigla na lamang lumitaw sa aking paningin ang nakahandusay niyang katawan sa kalsada habang umaagos ang dugo sa kaniyang ulo.
"Uwi na ako, P're," pamamaalam niya. Napansin ni Earl ang pananahimik ko.
"Marwen, napaano ka?" tanong ng bestfriend kong si Earl. Umiling lang ako.
Ilang sandali lamang ay naitawag sa amin ang isang aksidenti. Si Jasper na-crash habang sakay ng kaniyang motorsiklo.
Kabadong-kabado ako nang araw na iyon. Kung pinigilan ko lamang siya, marahil buhay pa siya.
Sa lamay, hindi ko naiwasang sabihin kay Earl ang pangitain na iyon. Sumeryoso rin siya.
"Kung pinigilan mo lang sana, siguro buhay pa siya," aniya. Hindi pa kami nahihimasmasan nang may isang pangitain na naman akong nakita. Ang babaeng paparating at huminto sa tabi ko.
Bigla ko na lamang nakita na may bumaril sa kaniya. "Mi-miss, mag-iingat ka!" nanginginig kong sabi. Kinabahan siya at tinanong ako.
"Binaril ka nila sa ulo!" Itinulak ako ng kasama niyang lalaki.
"Punyeta ka! Hindi magandang biro iyan!" Inawat nila kami at lumabas na sila agad ngunit doon pa lang sa pintuan ay pumutok ang kaniyang utak. Tumakas ang Gunman.
Malungkot na malungkot ako sa sinasapit nila. Hindi lamang isa, kun'di marami pa akong nakitang malagim na pangyayari. Marami ang namatay at sinisisi nila ako. Ang sabi nila'y malas daw ako, dahil lahat ng mga nasawi ay pawang nakalapit sa akin.
Pati ang pinakamatalik kong kaibigan na si Earl. Namatay siyang hindi ko nasasabi sa kaniya. Ayaw kong masaktan siya. Wala rin naman akong magagawa, sapagkat tuwing nakikita ko ang mangyayari ay hindi na iyon mapipigilan, mamamatay at mamamatay pa rin sila.
"Huwag kayong lalapit d'yan! Malas iyan!" Nagsilayuan ang mga tao sa akin. Binansagan nila akong 'malas'.
Nagpakalayo-layo ako. Namuhay mag-isa, malayo sa kanila, upang magkaroon ng kapayapaan. Tama naman kasi, nang dahil sa akin nagsunod-sunod ang kamatayan ng maraming tao. At hindi ko alam kung bakit. Wala naman akong nagagawa upang sagipin sila. Mas mabuti na ring mag-isa, upang wala na akong makitang kapahamakan.
Malungkot, nangungulila, nagdurusa at sawang-sawa na ako sa buhay na ganito.
Minsan ako'y nakatanaw nang lumitaw na naman sa aking isipan ang nakakapanlumong pangyayari. Nagtataka ako kung bakit may ganito samantalang malayo naman sila sa akin. Kailangan ko silang bigyan ng babala.
'Kita ko ang pangalan ng lugar na iyon. Tinungo ko ang mga tao ngunit nilayuan nila ako.
"Lahat kayo, mamamatay! Kung ako sa inyo ay lumikas na kayo!" babala ko sa kanila. Ngunit mas lalo nila akong itinaboy sa pamamagitan ng malalaking bato.
Halos pagapang na ako habang naliligo sa sarling dugo. Nilisan ko ang lugar na iyon.
Nais ko lang naman makatulong ngunit ano ang ginagawa nila?
Ilang araw ang lumipas nang sumabog ang bulkang may kalapitan sa lugar na iyon. Patay nga silang lahat.
Masakit para sa akin subalit wala namang naniniwala sa akin, sa halip inaapi pa nila ako.
Wakas.
BINABASA MO ANG
31 DAYS OF TERROR
Horror31 DAYS OF TERROR. Isang buwang kuwentong katatakutan. Nais mo ba ng mga kuwentong sobrang iikli. Iyong malalaman mo na agad ang kabuoan ng kuwento. Inihahandog ko ang tatlumpo't isang kuwento nang katatakutan. Magkakaibang kuwento at talagang kahi...