ALAS DOSE
Isinulat ni Alex Ac
DAGLIAN below 500 Words.Heto na naman ang pinakamasakit na bahagi ng aking buhay. Ang isa-isang igapos ang mga mahal kong anak.
Kahit umiiyak at ayaw nila, ay hindi ko sila pinapakinggan. Kailangan ko silang itali nang mahigpit. Upang hindi sila makawala at makapanakit ng mga tao.
Malapit nang sumapit ang hating gabi, kung saan sila ay nagbabalat-kayo.
Hirap na hirap na ako sa dinaranas ko. Mula nang isilang ko silang lima, hanggang sa kanilang pagbibinata. Walang gabi na hindi ako natatakot para sa kaligtasan nila. Palagi ko na lamang silang iniiyakan.
Matagal nang wala ang kanilang Papa. Ang pinagmanahan nila. Ngunit mabait iyon at hindi namimiktima.
Itinira ko sila malayo sa kabihasnan. Dito ko itinago ang pagkatao nila. Nang sa ganoon ay hindi sila mapahamak.
Mataman lang akong nakamasid sa kanila habang nakahilira na silang nakagapos. Nang may marinig akong maraming kaluskos sa kapaligiran.
Agad akong sumilip sa may bintana. Ganoon na lamang ang pagtalbog nang dibdib ko.
May mga lalaking armado. Nakasuot ng kulay oranges. Mukang mga presong nakatakas.Papunta sila dito sa bahay ko. Napadako ang tingin ko sa mga anak ko. Kailangan ko silang pakawalan. Ngunit baka naman mas malagay pa sila sa panganib, kapag nakipag-away sila. Tumanaw ako sa wall-clock. Malapit nang mag-alas-dose.
Kapag hindi ko sila pinakawalan ay baka namang saktan sila ng mga iyon. Sumubsob ako sa sahig nang biglaan ang pagtulak nila sa pintuan.
Hindi ko pala naisara iyon. Dahil sa pagkaka-agaw ng mga anak ko sa aking atensyon. Tumayo ako agad. Napatanaw ako sa mga anak ko. Nangungusap ang kanilang mga mata habang nakabusal ang bibig. Galit sila sa mga taong nagsidatingan.
"Wow, may babae dito, mga P're!" anang isa sa kanila.
"Tamang-tama. Makakapagtago tayo at may magpapaligaya pa sa atin." Nagsitawanan ang mga iyon.
"Anong kailangan niyo?!" galit kong sabi. Ginapos ako ng isa sa kanila.
"Hoy! Ano 'tong mga 'to? Bakit nakatali?" Habang nagsiparoon ang ilan sa kanila.
"Baka mga aswang iyan?!" Binatukan ng isa ang nagsalita niyon.
"Nagpapaniwala ka pa sa mga iyon!" bulalas nito.
"Pakiusap, huwag sila. Huwag ang mga anak ko!" pagmamakaawa ko.
"Naku! Nanay na pala 'to nang maraming bata!" wika ng isa.
"Kahit na, babae pa rin iyan!" sagot ng isa pa.
"Huwag niyong pakawalan ang mga iyan!" utos ng wari leader nila.
Naghanap sila ng makakain. May pagkain naman akong niluto at iyon ang pinagsaluhan nila.
Matapos, pinagtulungan nila akong buhatin sa aking kama. Nagpupumiglas akong sumisigaw pero hindi nila ako pinapakinggan.
Nang bigla ay magsiungulan nang malalakas ang aking mga anak. Isa-isang nagsikalasan ang mga tali nila. Tanaw ko sila sa nakabukas na pintuan.
Nangilabot ang mga kriminal.
Ganap nang alas-dose at puro na sila aswang. Nagsiksikan silang magsipasukan. At sumiklab ang laban. Walang awa nilang pinagpapatay ang mga kriminal.
"Ma, kayang-kaya naming kumawala. Pero hindi namin ginagawa, dahil alam naming ayaw mo. Ngunit ngayon, kailangan mo kami," wika ng aking panganay.
Naiyak akong niyakap sila.
Wakas.
BINABASA MO ANG
31 DAYS OF TERROR
Horror31 DAYS OF TERROR. Isang buwang kuwentong katatakutan. Nais mo ba ng mga kuwentong sobrang iikli. Iyong malalaman mo na agad ang kabuoan ng kuwento. Inihahandog ko ang tatlumpo't isang kuwento nang katatakutan. Magkakaibang kuwento at talagang kahi...