BANGKA
Isinulat ni Alex Asc
DAGLIAN below 500 wordsNaranasan mo na ba'ng mawala sa piling mo ang taong pinakamamahal mo? 'Yong hindi lang nawala na umalis o iniwan ka dahil maaari pa kayong magkita, magkasama o magkabalikan. Paano kung hindi mo na siya makakasamang muli sa mundong ito bilang buhay?
Ito ang kuwento ko at ng pinakamamahal kong si Sophia.
Nagsimula lang naman ang lahat sa pamamangka. May medyo malawak na lawa sa probinsya namin. Bata pa lang ako ay natuto na akong mamangka dahil isinasama ako lagi ni Tatay sa panghuhuli ng isda.
Madalas kung itakas ang bangka tuwing namamahinga si Tatay. May isang batang babae na laging nakatanaw sa akin at kinakawayan ako. Wari nais niyang makisakay.
Dumaong ako sa tabi niya at isinakay siya. Ipinasyal ko siya sa gitna ng lawa. Madaling nagkapanatagan ang loob namin. Maingay siya at palatanong. Palasagot naman ako lagi.
Tinawag siya ng isang babae. Galit na galit at sinaktan siya.
Isang hapon ay muli niya akong kinakawayan habang umiiyak. Isinakay ko ulit siya sa aming bangka.
Habang nasa gitna ay ikinukuwento niya sa akin ang lahat. Minamaltrato raw siya ng kaniyang madrasta. Naawa ako sa kaniya kaya't lagi ko na siyang pinupuntahan kapag may pagkakataon.
Hanggang sa pagdadalaga't pagbibinata ay palagi pa rin kaming namamangka. Hanggang sa mabuo ang pag-iibigan sa isa't isa. Minahal ko siya at ganoon din siya sa akin.
Inalok ko siya ng kasal at madali naman niyang tinanggap iyon. Ikinasal kami sa pamamagitan ng maraming bangka sa lawa.
Iyon na ang pinakamaligayang sandali nang aking buhay. Ngunit isang mapait na kalbaryo ang dumating. Nagkaroon ng breast cancer si Sophia. Lahat ay ginawa namin upang malagpasan ang pagsubok na iyon. Pero nagkaroon na ng taning ang buhay nang mahal kong si Sophia.
"Kapag namatay ako, gusto kong e-cremate mo ako, tapos isaboy mo ako sa paligid nang lawa habang namamangka. Nang sa ganoon, tuwing naririto tayo ay lagi kitang babantayan. Mananatili ako sa paligid mo," madamdamin niyang wika.
Wala akong ginawa nang mga sandaling iyon kun'di umiyak nang umiyak. Sinita pa nga niya ako dahil namumugto na raw ang aking mga mata.
Sa mga sandaling iyon, ay nakasandal siya sa aking dibdib. Habang sumasagwan ako, at binabalikan ang masasayang sandali ng aming mga buhay. Doon na rin siya nagpaalam. Alam kong iyon na ang pinakamasakit na parte ng aking buhay.
Tuluyang naglaho si Sophia. Pakiwari ko'y hindi ko na kayang harapin ang bukas ng wala siya. Araw-araw akong naglalasing. Sinubukan kong lumayo ngunit hindi siya maalis sa isipan ko.
Muli akong nagbalik. Muling namamangka, muli kasama si Sophia. Akala nila, nababaliw na ako. Akala nila'y nagsisinungaling ako. Totoong kasama ko na ulit si Sophia. Tinupad niya ang kaniyang sinabi, kapag naririto ako ay lagi niya akong binabantayan.
"Wala nang makakapghiwalay pa sa atin, Mahal ko... " sambit ko.
"Noel! Halika na't magtatanghalian na!" sigaw sa akin ni Tatay.
"Jenny, hindi mo na naman ba pinainom ng gamot ang kuya mo?"
Wakas.
BINABASA MO ANG
31 DAYS OF TERROR
Horror31 DAYS OF TERROR. Isang buwang kuwentong katatakutan. Nais mo ba ng mga kuwentong sobrang iikli. Iyong malalaman mo na agad ang kabuoan ng kuwento. Inihahandog ko ang tatlumpo't isang kuwento nang katatakutan. Magkakaibang kuwento at talagang kahi...