Nabigla siya nang sumalubong sa kanyang mukha ang palad ng ama. Halos mamingi siya sa ang lakas ng pagkakasampal nito sa kanya. Nang dahil na rin sa iniindang sakit at pagod mula sa pamumulot ng pwedeng maibenta buong hapo't gabi ay hindi na niya nagawa pang gumalaw o kahit hawakan man lang ang pisnging pakiramdam niya'y namamaga na.
"Lumayas ka!" may pagtitimpi ngunit mababakasan ng galit na sabi nito sa kanya.
Tiningnan na lamang niya ito. Alam niyang hindi ito nagbibiro. Simula't sapol ay hinihintay na lamang niyang palayasin siya nito.
Sa likod ng ama ay natanaw niya ang dalawang kapatid sa amang si Raz at Sabina, at si Madam Dalia, ang ina ni Sabina.
Ang Kuya Raz niya ay anak ng ama sa namayapang una at lehitimong asawa nito, Habang si Sabina ay tulad niyang bunga rin ng pagkakamali.
"Ano pang hinihintay mong, malandi ka?! Alis na," dagdag ni Madam Dalia na kasalukuyang nakangisi.
Tumungo na lamang siya at pa-ika-ikang naglakad patungo sa gate ng mansion. Sinalubong siya ng ilan sa mga bantay upang pagbuksan siya ng gate ngunit gaya ng dati ay di siya tinitingnan.
'Kung sana ay hinayaan man lang nila akong makapag-empake...',napangusong turan niya sa utak nang maalalang may isang piraso pa siyang tableta ng pain reliever na natitira at nakaipit ito sa isa sa mga lumang notebooks sa bodega.
Pabagsak siyang naupo sa side walk sa tapat ng gate ng mansion nang makapagpahinga kahit papaano. Kanina pa siya walang upo dahil sa walang humpay na paghahanap niya ng lata, bote, sirang appliances, at iba pang pwedeng mabenta sa dump site na nadadaanan niya. Isama pa ang paglalakad niya ng tatlong oras pauwi dahil hindi naman kasama sa budget niya ang pamasahe.
Ang kakaunting pera na kinikita niya sa pagbebenta ng scraps ay iniipon niya upang makabili ng mga pain relievers na nireseta ni Doktora. Kulang pa nga ang mga iyon kaya madalas ay tinitiis na lang niya.
Ginabi siya dahil sinubukan niya ramihan ang mga napulot upang umabot siya sa presyo ngunit bigo pa rin siya.
Nang sa tingin niya nakapagpahinga na rin siya ng husto ay pinagpasyahan niyang maglakad patungong eskwelahan. Tutal doon rin naman siya tutungo mamayang alas-tres dahil apat na oras na lakaran ang layo ng eskwelahan niya sa mansyon ng ama.
Natigilan siya nang mapagtantong wala na siyang pamalit. Hindi na lang muna siguro siya papasok dahil pandidirihan lamang siya ng mga maaarteng kaeskwela. Tatlong pares lang ng damit ang meron siya na pare parehong pinaglumaan lamang ng kuya Raz niya. Dahil dito ay naging tampulan siya ng tukso at pang-aaway ng mga kaeskwela sa pangunguna ni Sabina.
Labindalawang taong gulang na siya noong pinayagan siyang pumasok sa eskwela. Di tulad ni Sabina na nakakapag-aral simula't sapol, dati ay di talaga siya pinapayagang lumabas. Kaya naman kahit gaano pa siya pinandidirihan ng mga kaeskwela ay mas pinipili niyang ipagpatuloy ang pag-pasok
Magkasing edad lamang sila ni Sabina. Ang pinagkaiba lang ay namatay ang ina niya sa panganganak sa kanya, habang si Madam Dalia naman ang mismong nagbanta sa mga Montevalez na malalaman ng lahat na anak ng ama si Sabina 'pag hindi kukupkupin ng pamilya ang mag-ina. At dahil sa may inaalagaang reputasyon ang pamilya ay pinagbigyan ng mga ito ang gusto ni Madam Dalia. Hindi man pumayag ang mga ito na ibigay ang apelyido kay Sabina ay hindi pa rin ito naging hadlang sa mag-inang Dalia at Sabina na magpakasasa sa pera ng pamilya. Nagpakasawa sa kayaman ang mag-ina habang siya nama'y itinambak sa bodega dahil kahit ang ama niya ay di alam ang gagawin sa kanya.
Walang nakakaalam sa eskwela na magkapatid sila ni Sabina dahil na rin sa hindi naman talaga siya opisyal na naka-enrol sa eskwelahang iyon. Mamahalin rin ang mga kagamitan nito. Marangya kung manamit. Maganda ito at maraming kalalakihan sa eskwela ang nagkakagusto rito. Minsan nga'y nagsabi ito, na mas rarami pa ang magkakagusto rito 'pag napakilala na ito sa lahat ng ama.
Eksaktong taliwas naman ito sa kanya. Masyado siyang maliit at payat para sa edad niyang labinlimang anyos. Yagit siya kung tingnan dahil na rin sa pananamit niyang mga panlalaki at mga kagamitan niyang puro napulot niya sa paghahanap ng pupwedeng maibenta. Wala namang mali sa mukha niya ngunit halatang pinagugutoman. Madalas siyang pandirihan at wala ring may gustong lumapit sa kanya.
Pinayagan siyang makapag-aral ng pamilya sa isang pampublikong paaralan at pinalabas na isa lamang siyang busabos na gustong makapag-aral dahil na rin sa wala siyang maiipresentang mga kinakailangang papeles.
~
Sa kanyang paika-ikang paglalakad ay unti-unting nararamdaman niya muli ang sakit sa loob. Di siya sigurado kung saan ba ito nagmumula. Higit kumulang limang taon na niya itong nararamdaman. Naupo muna siya sa likod ng isang establisyamento para makapagpahingang muli. Ilang buwan matapos siyang payagang makalabas ng mansyon ay napadpad siya sa klinika ng isang doktora na libre ang konsultasyon. Binigyan siya nito ng isang papel na naglalaman ng paghingi ng permisyon ng magulang o guardian upang siya ay masuri kung ano ba ang nagdudulot ng sakit. Nakalakip din roon ang halaga na kailangang bayaran.
Nang ibinigay niya iyon sa kanyang ama ay inisip lang nito na paraan niya iyon upang makahingi ng pera. Wala rin ni isa sa kanilang mga kasambahay ang gustong pumirma kaya nakiusap na lamang siya kay Doctora na kung maari ay resitahan na lang siya ng gamot para sa sakit na nararamdaman. Gusto man siyang tulungan ng doktora ay alam ni Mira na 'di ito magugustuhan ng mga Montevalez.
~
Napapikit na lamang siya sa sobrang sakit na mas pinalala pa ng nararamdaman niyang kirot sa bandang balakang mula sa pagkakalaglag ng hagndanan sa eskwelahan kaninang umaga. Sa pamimilipit ay nakapa niya ang nag-iisang kayamanang meron siya. Ang kwintas na gawa sa nylon na may naka-kawit na apat na letra; M-I-R-A
"Alam ko na! Ikaw na lang si Mira!" isang masiglang tinig ang bumalik sa kanyang alaala. Ang alaala nang sa unang pagkakataon ay nabigyan siya ng pangalan.
'Ate Yan-Yan' ang nasa isip niya at ang pangakong babalikan siya nito.
Dama niya ang panlalamig at muling panginginig habang unti unti na ring nawawala ang kanyang malay.
BINABASA MO ANG
Lorem Academy (School of Elites) : Healing Her
Teen FictionShe's a girl with no name. Literal na di siya nabigyan ng pangalan nang siya'y ipanganak. She doesn't even have any documents to prove her own existence. She was born in a family who only sees her as a scandal. Isa lamang siyang sekreto na dapat ita...