[1] 2 years after

312 6 0
                                    

Nakatayo si Theo sa paanan ng magarang hagdanan ng mansion. Kagagaling lamang niya sa isang business trip at hawak niya sa isang kamay ang pasalubong para sa anak na si Raz. Habang ang kabilang kamay nama'y hawak ang telepono.

"We'll discuss this later," paalam nito sa kausap.

Paakyat na siya nang maramdaman ang pagyakap ng isang napakaliit na pigura sa kanyang binti. Sa kanyang pagyuko ay nakita niya ang tatlong taong gulang na batang babae na kumikinang pa ang mga mata habang nakapulupot ang maliliit nitong mga braso sa kanyang binti.

Masyadong maliit ang bata sa edad nito ngunit makikita ang kagalakan dahil sa pagbabalik ng ama.

May naramdamang kung ano si Theo ngunit kinalaunan ay di niya ito nagustuhan. Hindi niya mawari kung bakit tila sabik siyang yakapin ang bata sa tuwing masisilayan niya ito.

Hindi ito tulad sa isa niya pang bastarda na si Sabina na halos ayaw niyang makita. Mabuting bagay na rin na lalapit lang sa kanya ang mag-inang Dalia at Sabina sa tuwing may gusto lamang ipabili na kaagad namang binibigay ni Theo sa kagustuhang mawala sa kanyang paningin ang mga ito.

'Anak pa rin siya ng babaeng yun!', tila may isang tinig na nagpapaalala sa kanya na dapat niyang kamuhian ang batang kasalukuyang naka-akap sa kanya. Sa pagkakataong iyon ay ginawa ni Theo ang sa tingin niya ay nararapat lamang gawin. Itinulak nito ang bata gamit ang paang inaakap nito. Alam niyang malakas ang pagkakatulak niya para sa tatlong gulang na bata ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili upang daluhan ito. Walang lingon niya itong tinalikuran at pumanhik na sa hagdanan.

Unang Kabanata


Nakatanga ako ngayon sa eskwelahang papasukan ko. Higit sa sampum beses ang laki nito sa dati kong eskwelahan--gate pa lang.

'Lorem Academy' yan ang pangalang makikita sa napakalaki nitong gate.

Sa laki ng academy na ito ay siguradong marami ding estudyanteng pumapasok dito.

May ilang segundo na rin siguro akong nakatingala bago ko mapagtantong kanina pa pala ako nakanganga. Mabilis kong isinara ang bibig na nangangalay na pala

Humuhingal na akong naglakad papunta sa entrance suot ang unipormeng binigay nila sa akin kagabi.

"Sandali lang, Miss!" tawag ng isang tinig nang magtangka akong pumasok. Bumangon ang kaba sa aking dibdib nang isang security guard pala ang tumawag at ngayo'y naglalakad na papunta sa akin.

"Estudyante ka ba dito?! Asan ang Card mo?!" magkasunod niyang tanong na parang naninita. Mapagmata siyang tumitingin kaya pakiramdam ko ay wala ako nung sinasabi niyang card.

Bakit kasi ako hinahanapan ng card eh wala pa namang first grading. First day pa lang naman ngayon.

Halata sa ekspresyon niya ang pagdududa. Marahil ay liban sa pagtataka ay kita na sa aking mukha ang pagod mula sa paglalakad ng mahigit apat na oras marating lamang ang lugar na ito. O marahil ding nakita niya ako kaninang nakanganga habang nakatingala.  Hindi ko alam kung bakit pero bigla na lang akong nahiya.

Nagpanggap ako na kunyare may hinahanap sa bag na dala ko nang makapa ko yung ID na ibinigay sa akin ni Kuya. Baka ito yung hinahanap niya na card daw. Agad ko namang inabot iyon sa kanya. Sana iyon na nga yun. Ang akala ko kasi ID ang tawag dun. Merong ganun si Sabina at ang mga dati kong kaklase na parating nakasabit sa leeg nila. May pangalan nila ito at mukha pati ibang mga detalye tungkol sa kanila. Gusto ko rin magkaroon ng ganun pero di ako dati nabibigyan dahil di naman daw ako opisyal na estudyante. Pero iba itong ibinigay sa akin ni Kuya.

Lorem Academy (School of Elites) : Healing HerTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon