Tala

14 0 0
                                    

Carl,

Natatandaan mo pa ba ako? Ako 'yung nagtanong sa 'yo noon tungkol sa mga bituin. Natatandaan mo na?

Alam ko na alam mong sobrang mahalaga sa akin ang mga bituin. Sila ang mga naging sandigan ko sa tuwing ninanais ko ng makakausap. Sila ang mga sumalo sa akin sa tuwing pakiramdam ko nag-iisa na lamang ako. Sila ang naroon sa aking tabi. Pinakikinggan at iniintindi nila ang bawat salita at damdamin na nais kong iparating.

Pero ikaw? Nasaan ka?

Nakita ko sa mga mata mo ang buong sansinukob, alam mo ba. Sa loob ng tatlong taong nakita kita bilang isang bituin, nakita ko din ang kabuuan ng sansinukob sa 'yo. Nasa iyo ang araw, ang buwan, at ang mga bituin. Sa 'yo umiikot ang mga planeta. Mas maganda pa ang iyong ningning kaysa sa mga kometa. Alam mo ba?

Minahal kita gaya ng pagmamahal ko sa mga bituin. Itinuring kitang bituin kasi akala ko kagaya ka rin nila. Akala ko pakikinggan mo ko, iintindihin mo ko, ngunit 'di naman pala. Akala ko 'di ko na babalikan ang mga bituin sa langit kasi nariyan ka na, nasa tabi na kita, ngunit ngayon nasaan ka?

Oo nga pala, ako nga pala ang kumawala. Sinabi ko na bago mo pa itanong sa akin kung nakalimutan ko ba.

Ni minsan ba tinanong mo sa sarili mo kung bakit? Pinilit kong ipaintindi sa 'yo ang nararamdaman ko kaso ayaw mo akong pakinggan. Pinilit kong marinig mo ako, nagmamakaawa ako sa 'yo na ako naman ang pakinggan mo hindi 'yung sarili mo. Sabi nila, hindi ko dapat iyon ginagawa kasi dapat kusa iyon na binibigay kaso paano kung hindi mo naibibigay? Paano kung ibinibigay mo lang iyon kapag nagmakaawa na ako sa 'yo?

Ang sakit, sobrang sakit.

Teka, oo nga pala. Ako nga pala 'yung nang-iwan, tapos ikaw 'yung naiwan. 'Di ba? Pinangungunahan na kita gaya ng pangunguna mo lagi sa mga nararamdaman ko. Hinuhulaan mo kaagad kung ano nararamdaman ko at hindi mo ako pinaniniwalaan. Kung ano mahulaan mo, 'yun na ang paniniwalaan mo. Ang galing mo naman. Baka gusto mong maging manghuhula na lang sa Quiapo. Kikita ka pa!

Walang saysay lahat ng pag-iiyak ko sa 'yo ng ilang gabi. Lahat ng patagong hikbi ko na dahil sa 'yo, sobrang pinagsisisihan ko ngayon. Sa bawat gabing iniyak ko sa 'yo, ang mga bituin lamang ang nakakarinig. Sila ang sumasalo ng mga luha ko na dapat ikaw ang sumasalo. Sila ang nariyan, ikaw nawawala. Nasaan ka? Natutulog ka ng mahimbing hindi ba?

Ano ba ako sa 'yo? Ano ba talaga ako sa 'yo?

Itinuring kitang bituin, tangina! Akala ko kasi kagaya ka nila. Inakala ko pang mas higit ka sa kanila. Akala ko hindi ko na kailangan maghanap pa ng bituin sa langit. Akala ko hindi ko na kailangan pang silang hanapin. Bakit pa ako maghahanap nariyan ka na, 'di ba?

Natatandaan mo pa ba?

Kung paano kita iniyakan sa parke at kung paano mo ko tiniis sa tabi mo? Nagdudutdut ka sa cellphone mo, habang ako nandoon sa tabi mo, nagmamakaawa na kahit sa pagkakataon lang na iyon ako naman ang pansinin mo.

Naalalala mo pa ba?

Kung paano mo ko sabihan ng kung ano-ano sa tuwing magkaaway tayo? Lagi akong nakasuporta sa 'yo. Lagi kitang pinapakinggan. Iniintindi kita. Pero anong sinasabi mo? Hindi kita sinusuportahan. Hindi kita pinakikinggan. Hindi kita naiintindihan. Wala kang tiwala at bilib sa akin. Pero ako? Ang laki ng tiwala ko sa 'yo. 'Di ba? Sinigurado ko na alam mo iyon. Kaya saan ako nagkulang? Saan ako nagkulang ng pagpaparamdam sa 'yo na nasa tabi mo lang ako?

Natatandaan mo ba?

Kung paano mo ko iwan sa ere sa tuwing inaaway mo ako? Kung paano ka matulog ng mahimbing, habang ako tinatanong sa mga bituin kung anong dapat kong gawin? Binibilang ko ang oras na dapat sana tulog ako, pero sinayang ko sa kakaisip kung anong dapat kong gawin para ikaw ay mapaamo. Ginawa mo rin ba 'yan sa akin? Hindi. Kapag ako naman ang galit, ang nagtatampo, o ang nanghihingi ng lambing, galit ka rin. Sumasabay ka rin. Sa kadulu-duluhan, ako ang susuyo ng sarili ko.

Naalala mo na?

'Yung babaeng nagpapakatanga sa 'yo sa loob ng tatlong taon? 'Yung babaeng nagpapakabulag para 'di makita na isa kang bato na walang ningning at hindi naman talaga isang bituin?

Oo, ako 'yun. Ako 'yung babaeng 'yun.

Sinusumpa mo kasi sinasabi mong nagloko sa 'yo. Kinamumuhian mo dahil sa mga sinira kong mga pangako sa 'yo na mananatili ako kahit gaano kahirap ang sitwasyon. Kinasusuklaman mo kasi minahal mo ako kuno pero ni "pasensya na" wala akong narinig sa 'yo. Hindi mo man lang ako tinanong kung anong nagawa mo para bitawan kita. Hindi mo man lang hiningi kung ano ang paliwanag ko, kung paano ang paglilinaw ko tungkol sa nangyari.

Ngayon, nasaan ka? Kinakalat mo kung gaano ako kasamang tao sa iba. Tangina.

Nakakapangsisi na itinuring kitang bituin. Naloko ako ng mga tingin sa iyong mga mata na hindi naman pala sansinukob ang nilalaman. Nagpaloko ako sa mga sinabi mo, sa mga ginagawa mo, sa mga binibigay mong binabawi mo ngayon.

Ako kaya? Hindi ka man lang ba gagawa ng paraan para mabawi mo rin ako?

Kung sa bagay, kasalanan ko na naman e. Sa isip mo, ako na naman ang mali. Bakit ka hihingi ng tawad? Lagi naman ako ang mali sa isipan mo. Ano pa bang bago doon?

Hindi, hindi ko na hihintayin pa ang sagot mo sa sulat na 'to gaya ng paghintay ko doon sa nauna. Hindi na. Ayoko nang marinig pa ang boses mo. Ayoko nang maalala lahat ng ala-ala na naroon ka. Tama na. Hindi na ikaw ang bituing titingalain ko.

At gusto ko lang malaman mo na kung kinasusuklaman mong minahal mo ako, mas kinasusuklaman kong pinapasok pa kita sa buhay ko.

Hindi ka na titingalain,
Ally

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now