boses (trigger warning)

9 0 0
                                    

MANGYARI NA BASAHIN ANG SUMUSUNOD NANG MAY PAG-INGAT. KUNG ALAM NIYO NANG HINDI NIYO KAKAYANIN NA BASAHIN ITO, MAINAM NA HUWAG NA MAGPATULOY. PAKIUSAP.

*
*
*
*
*
*

"SA isip mo lang 'yan."

"Bakit mo ba pilit na binabalandra 'yang nararamdaman mo imbis na gumawa ka ng paraan para mawala 'yan?"

"Sa totoo lang, puro ka lang dakdak. Hindi ko na rin alam kung totoo pa ba 'yang sinasabi mo sa akin. Baka gumagawa ka na lang ng kwento."

"Doon ka naman magaling 'di ba? Gumawa ng kwento. Baka pati 'yang sinasabi mong nararanasan mo kwento na lang din."

"Alam kong madami kang pinagdadaanan, pero pwede ba? Pwede bang huwag mo na pahirapan ang sarili mo?"

"Sa ISIP mo lang 'yan."

"Mas pagod ako. Mas ako pa nga dapat ang makaramdam ng nararamdaman mo pero dinamdam ko ba?"

"Huwag mo kasing damdamin. Dinidibdib mo kasi lagi."

"Kasalanan mo rin naman lahat ng nangyayari sa 'yo e. Magbago ka nga ng mindset."

"Ano? Okay ka na ba? Hindi pa rin?!"

"Huwag mo na kasi isipin ng isipin. Sa pagpapatuloy mong pag-iisip d'yan, kaya ka nagkakaganyan."

"Sa isip MO lang 'yan."

"May problema ka pala. Bakit 'di mo sabihin sa amin?"

"Nakakapagod ka na! Hindi ko na alam gagawin sa 'yo!"

"Maglalaslas ka? Edi gawin mo. Sa harapan ko ah! Ngayon na!"

"Magpapakamatay ka? Gawin mo! Puro ka salita!"

"Hindi ka naman kagandahan e para umasta ka ng ganyan."

"Sa isip mo LANG 'yan."

"Ano nangyari sa 'yo? Ayos ka lang naman ah. Bakit nagkaganyan ka?"

"Ang arte ah. Ang drama naman."

"Sige, pakamatay ka. Parang pinasa mo na sa amin na hindi kami naging mabuting kaibigan sa 'yo."

"Edi kami na masama! Gano'n ba gusto mong sabihin namin?"

"Hindi ka na natapos sa subok subok lang. Sumusubok ka ba talaga?"

"Hindi ka na naalis d'yan sa kinalalagyan mo. Siguro ginugusto mo na lang din d'yan. Bakit? Kasi may papansin sa 'yo dahil d'yan?"

"Nakakaawa ka."

"Sa isip mo lang 'YAN."

"Nadedemonyo ako. Bakit ka kasi ganyan ka mag-isip?"

"Puro ka kasi takot."

"Kinakaawaan mo sarili mo."

"Ganyan ba tinuturo sa 'yo?"

"Ang bobo naman! Ang bobo."

"Tanga-tanga."

"Baliw."

"SA ISIP MO LANG 'YAN."

Oo na!

Oo na!

Sa isip ko lang 'to.

Pero ni minsan ba tinanong niyo sarili niyo kung bakit nasa isip ko 'to?

Bakit ko ba naiisip 'to?

Bakit ba ako nagkakaganito?

Bakit ba hanggang ngayon kahit ilang subok ko, nandito pa rin ako?

Bakit ba ako namumuhay sa takot na pasulpot-sulpot at hindi mo malaman kung kailan darating?

Bakit?

Natanong niyo ba kung bakit?

Sino ba nagsabi sa akin na hindi ako kagandahan? Na bobo ako? Na tanga ako? Na wala akong karapatan na maramdaman 'to?

Sino ba? Ako ba?

Ako ba?

Ginusto ko ba 'to? Ginusto ko bang matakot araw-araw? Ginusto ko bang hindi makatulog pag gabi dahil sa takot na 'yun?

Ginusto ko ba? Ginusto ko bang magising sa bawat araw na mayroon ako na parang pakiramdam ko wala akong kwenta? Ginusto ko ba?

Bakit napakadali para sa mga nagmamay-ari ng mga boses na 'to na sabihin sa akin ang mga bagay na 'yan? Dahil ba hindi niyo alam pakiramdam? Siguro.

Siguro wala lang talaga kayong alam.

Sa bagay.

Kailan niyo ba binalak alamin e sa tuwing lalapit sa inyo 'yung tao, ang sinasabi niyo....

"SA ISIP MO LANG 'YAN."

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now