Nakaupo ako sa lapag. Nakasandal ang likod ko sa pinto ng aking kwarto. Naghihintay sa walang kasiguraduhan. Ang oras ay patuloy na tumatakbo ng mabilis. Ilang minuto na lang alas dose na.
Hindi ako makatulog. Mata ay sarado. Isipan ay gising. Puso ay naghihintay. Labi ay nanginginig. Tainga ko ay nakikinig ng mga tugtugin. Umaasang maiibsan ang pangungulila ko sa 'yo.
Ilang kanta ang tumugtog. Ikaw lang ang naaalala. Sa halip na ngiti, luha ang makikita. Madilim naman ang paligid. Wala namang makakakita kaya ayos lang.
Ang dami ko nang nagawa. Nakatulog na ako kanina. Kaya siguro gising na gising ang aking diwa. Apat na oras akong tulog. Hinihintay kita. Habang naghihintay, nasa panaginip ka. Ngayon, sana tulog na lang ako. Para sana kahit papaano, sa panaginip ko, nayayakap kita.
Gusto nang makausap. Imposible ka kasing makita ngayon. Pangako lalagyan na ng emoji ang bawat mensahe. Hindi ka na maguguluhan. Pangako patatawanin na kita. Hindi mo makikita ang problemado kong sarili kahit ngayong gabi. Pangako pakikinggan na lang kita. Hindi ko na ipagpipilitan ang mga kwento ko sa 'yo. Kausapin mo na ako kahit ngayong gabi lang. Pagkatapos, hindi ko na hihingin oras mo. Lagi ko na lang aalalahanin ang oras na ito. Kapag pinagbigyan mo ako, ito na lang iisipin ko, sa tuwing mawawala ka at gusto kang kausap.
Yakap ko ang unan ko. Dapat kasi ikaw 'to. Nakatalukbong ng kumot dahil sa lamig ng gabi. Patuloy na humihikbi ng tahimik. Nangungulila ako sa 'yo. Nalulunod ako sa pangungulila sa 'yo. Maaari bang pagbigyan mo na? Nababaliw sa kakaisip kung paano kita makukuha ulit. Paano nga ba kita mayayakap ulit? Kahit saglit? Ano ba ang gagawin para kahit sandali yakap mo ang maramdaman ko sa malamig na gabing ito?
Mag-isa na naman. Tugtugin ay napunta sa iyong awitin. Ikaw ang kumakanta. Napahiga sa lapag. Sumidhi ang nais na makasama ka. Nakakainis. Hindi pwedeng lumabas ng ganitong oras. Gusto ko sanang kunin ang pagkakataong ito. Walang tao sa labas. Tayo lang sana. Sasayaw sa awiting kinakanta mo. Sa ilalim ng mga bituin. Sa kalangitang nakasaksi. Dalawang puso sana natin ay magsasama muli. Sasayaw sa saliw ng iyong pagkanta. Wala sanang tao. Gusto sana kitang makasayaw kahit sandali. Pagkatapos ay hahayaan na ulit kitang manakaw ng mga leksyong babasahin mo. Hahayaan na ulit kitang makuha muli ng mga taong nangangailangan ng presensya mo.
Nakatitig na ako sa larawan mo sa aking cellphone. Nakangiti ka. Nakangiti ako. Nakatingin tayo sa isa't isa. Puno ng pagmamahal ang ating mga mata. Ayaw mawala ang isa't isa sa paningin. Mapaglaro ang tadhana. Ngayon, wala ka sa aking tabi. Wala ka sa aking paningin. Tanging lamig ang yumayakap sa akin. Gusto maramdaman ang init ng yakap mo. Malamig na lapag ang humahalik sa aking pisngi. Gusto kong maramdaman ang halik mo. Pangako hindi ko na ilalayo mukha ko. Halikan mo ako hanggang kailan mo gusto. Hindi kita pipigilan. Kahit sandali lang ang nais mo. Papayag ako. Pangako hindi na kita pipilitin na abutin ako para mahalikan mo ako. Kahit ako na mismo lumapit. Ako na hahalik sa 'yo. Sa oras na wala ka na naman, iisipin ko na lang ang alaala na 'yon. Ayos na ako.
Ayaw tumigil ng isip ko. Maraming tanong ang nabubuo. Ano kayang ginagawa mo? Kumain ka na kaya? Ayos ka lang ba? May masakit kaya sa 'yo? Iniisip mo rin kaya kalagayan ko? Iniisip mo rin kaya ako? Iniisip mo rin kaya kung kumain na ako? Iniisip mo rin kaya ginagawa ko? Iniisip mo rin kaya kung ayos lang ako? Ako na lang ba ang sasagot sa mga tanong na ito? Sana isipin mo ako kahit segundo lang. Kahit hindi na isang oras. Kahit hindi na isang araw. Kahit hindi na araw-araw. Isang segundo mo sana ako isipin. Hahawakan ko ang isang segundo na 'yon. Iiyakan ko na ang isang segundo na 'yon. Magpapasalamat na ako sa isang segundo. Pagkatapos ay ibabalik na kita sa mga kailangan mong gawin. Ibabalik ko na isip mo. Maghihintay muli sa isang segundo habang wala ka.
Hinawakan ko ang mga sulat mo. Nasa tabi ko lang naman lahat. Namantsahan na ng luha. Kailan ka kaya muling magsusulat? Kailan kaya ako ulit magbabasa? Hindi ko naman hinihiling na bawat oras ka sumulat. Kahit isulat mo lang ulit na mahal mo ako, ayos na. Itatabi ko na. Baka ilagay ko pa kwadrado. Maluluha na ako. Magmamantsa na ang aking mga luha. Gusto mo akong mapaiyak sa tuwa, sabi mo. Ngayon, umiiyak ako sa pangungulila. Sa tuwing iiyak, gusto mo kasama ka. Ngayon, mag-isang lumuluha. Hindi mo pa alam.
Nagkalat sa paligid ang mga papel. Nakalukot. Bolang papel na may pambobolang mga salita sa loob. Lahat para sa 'yo. Bawat salitang isinulat ay para sa 'yo. Lahat ng damdaming ibinuhos ay para sa 'yo. Saya. Lungkot. Lahat. Nagdugtong ng mga salita para sa 'yo. Gumawa ng pangungusap na iaalay sa 'yo. Kahit pa alam kong hindi mo naman mababasa. Ayaw kitang pilitin. Ayaw kong sabihin na basahin mo. Ayaw kong obligahin kang magbasa ng bawat akdang isusulat ko. Sapat na ang sumulat para sa 'yo. Lahat ng tula ay handang ialay sa 'yo. Lahat ng kwento nandoon ka. Lahat ng karakter, ikaw ang pagbabasehan. Ikaw ang kaluluwa ng bawat akdang isusulat. Kahit pa alam ko wala kang ideya. Kahit pa minsan alam mo na para sa 'yo lahat. Hihintayin ka ng mga akda ko. Hihintayin ka sa oras na ikaw mismo ang hihingi ng bawat kwento ko. Ikaw na mismo ang maghahanap ng mga salitang dinugtong para sa 'yo. Ikaw na mismo na gusto mong mabasa ito. Hindi dahil sa pinilit kita pero dahil sa gusto mo.
Maghihintay ako.
Pagkatapos ay ibabalik na kita sa realidad. Ihahatid kita sa labas ng mundong ginawa ko para sa 'yo. Para makagalaw ka na ulit. Para magawa mo na ulit ang mga bagay na gagawin mo. Para ikaw naman ang magkwento sa realidad na ginagalawan natin.
Maghihintay ako.
Umilaw ang cellphone. Nakita ang mensahe mo. Humihingi ka ng tawad. Hindi ka kasi nakareply kaagad. Sabi ko ayos lang. May emoji na kasama. Akala mo siguro ayos lang ako. May emoji nang kasama. Kahit pa gustong-gusto na kitang puntahan d'yan.
"Mahal kita." Sabi mo sa akin. "Mahal din kita." Sabi ko sa 'yo. Pagkatapos nagpaalam ka. May gagawin ka muna. Pinapatulog mo na ako. Sabi ko hihintayin kita. Gaya ng lagi kong ginagawa. Nangako ako. Lagi akong nandito. Hindi ako mawawala. Kahit pa umaalis ka. Kahit pa bigla kang nawawala. Kahit pa makakatulog ka. Kahit minsan ako. Hindi kita iiwan. Hindi ako mawawala sa 'yo.
Kahit saan ka pumunta. Kahit ano pa ang iyong ginagawa. Nandito ako. Nakamasid. Naghihintay sa 'yong pagbabalik. Kahit isang segundo lang. Kahit saglit lang. Kahit nga siguro isang kisapmata lang. Naghihintay ako. Hindi kita minamadali, mahal. 'Wag ka mag-alala.
Nawala ka na nga. May ginagawa ka na. Naiwan na naman ako. Ayos lang. Makakatulog na siguro ako. Makikita ko na mukha mo sa panaginip ko. Nakangiti. Yakap ako. Hinahalikan ako. Habang sumasayaw sa ilalim ng tahimik na gabi. Tayo lang sana ang tao.
'Wag sanang isiping hindi ka naiintindihan. Ang totoo niyan, naiintindihan kita. Kaya lang, may mga damdaming hindi mapigilan. Gaya ng pangungulila ko sa 'yo. Hihingi na lang ako ng tawad sa 'yo sa oras na kukunin ko sa 'yo. Alam ko naman kung nasaan ako sa 'yo. May mga bagay na nasa unahan ko sa pila papunta sa 'yo. Minsan lang ako sisingit. Pagkatapos, babalik na ulit ako sa orihinal kong pwesto. Maghihintay na lang ako kung kailan ako mapupunta kahit isang pwesto lang sa unahan.
Patawad. 'Wag mo sana akong sisigawan. Konting oras lang hiningi ko. Patawad pa rin. Alam ko bawat oras ay mahalaga para sa 'yo. Salamat din. Kahit papaano may oras ako sa 'yo. Masaya na ako kahit papaano.
Patawad. Ninanakaw kita minsan sa mga bagay na mas mahalaga. Binabalik naman kita. Doon ka nabibilang. Hindi kita pipigilan.
Kung kailangan mo ng pahinga sa realidad na ginagalawan mo, nandito ako. Hindi ako aalis. Pwede mo akong puntahan sa likod ng pila mo. Yakapin mo. Umiyak ka. Isigaw lahat ng nadarama. Pagkatapos, pupunasan mga luha. Patatahanin ka. Kapag ayos ka na, ibabalik ka na. Maghihintay muli ako.
Tumayo ako. Hawak ang unan at kumot. Naglakad papunta sa kama. Nahiga. Ipinikit na ang mga mata. Sapat na sa akin ang mga salitang "mahal kita" para makatulog. Para isiping hindi ako nag-iisa. Para isiping kasama pa rin naman kita.
YOU ARE READING
INEFABBLE - Short Stories Collection #2
Cerita PendekAfter doing EPHEMERAL, I've decided to make another book of short stories. Ineffable is a feeling that one cannot express with words. These stories are inspired by real-life situations in my life that made me speechless and out of words. When words...
