Babalik

39 2 0
                                    

"You wear your best apology, but I was there to watch you leave," dinig kong tumutugtog sa isang radyo sa 'di kalayuan. Ito lamang ang tanging bumabasag sa katahimikan ng paligid at sa katahimikan nating dalawa.

Kanina pa tayo palakad-lakad sa gitna ng madilim na kalsada. Walang nagsasalita sa ating dalawa. Purong katahimikan at si Taylor Swift lang ang maririnig. Wala ring mga sasakyan na dumadaan dahil malalim na ang gabi. Natutulog na ang karamihan sa mga tao pero tayo ay naglalakad pa rin.

Tila walang kapaguran kahit pa aminado akong pagod na.

Madilim na ang paligid. Pa'no, 9:45 na ng gabi. Mag-aalas dyis na. Wala nang mga taong naglalakad at mga sasakyang kung humarurot akala mo pagmamay-ari nila ang kalsada.

Tayo na lang dalawa.

Tumingin ako sa itaas. Napangaga ako sa ganda ng tanawin pero agad rin napawi ang aking paghanga. Pinagmasdan ko ang kalangitan, namamangha ako pero nawala rin sa mga nagkikislapang mga bituin ang aking isipan.

Napapikit na lamang ako habang isa-isang nakikita ang imahe mo sa aking isipan. Ang iyong mga matang mas makikislap pa sa mga bituin habang nagkukwento ka tungkol sa araw mo. Ang iyong ngiting mas nakakasilaw pa sa ilaw ng buwan habang sinasabi mo sa akin ang mga alaala nating dalawa. Mga labi mong masarap halikan sa mga oras na iyon kahit pa naglalakad tayo.

Tumigil na tayo sa paglalakad nang marating natin ang aming bahay. Nakatingin ka sa akin habang nasa ilalim ng mga makikinang na bituin. Titig na titig ka. Nagsitayuan ang mga balahibo ko. Nakaramdam ako ng init sa mga pisngi ko. Mabilis ang tibok ng puso ko habang lumalapit tayo sa isa't isa.

Ramdam na ramdam ko ang init ng pagmamahalan nating dalawa kahit sobrang lamig na ng gabi.

Tanda ko pa. Tandang-tanda ko pa ang pakiramdam na mahalin mo.

Napadilat ako. Yumuko ako at nakita kang nakatingin sa relos mo pagkatapos ay sa akin. Matatalim na titig ang aking natanggap. Walang bahid ng pagmamahal, purong galit lang ang nakikita ko. Parang nagliliyab, pero hindi sa pagmamahal, kundi sa galit, inis at pagkadismaya.

Nanatili akong tahimik, hindi makagalaw sa kinatatayuan ko. Hindi ko alam kung dapat ko bang magsalita ako o wag na lang dahil iniisip ko na baka lumala.

"Bilisan mo na," basag mo sa katahimikan. "Anong oras na, kailangan ko nang makauwi."

Napatango na lang ako at sumunod na sa 'yo sa paglalakad. Sinundo mo ako kanina sa parkeng tinatambayan natin. Sabi ko kasi sasabay ako sa 'yo dahil gagabihin ako ng uwi sa paaralan dahil sa isang school activity na magaganap doon.

Nagkataon na pagod akong nadatnan mo. Bakas rin naman sa 'yo ang pagod na nadarama. Alam ko dahil nakita ko. Ngumiti pa ako sa 'yo pero alam kong alam mong pagod rin ako.

Maayos pa tayo sa simula ng paglalakad natin pero habang tumatagal, binabalot na tayo ng pagkapagod.

Habang naglalakad at nagkukwento ako, kinuha mo ang iyong cellphone at nagsimulang manood ng video. Dahil sa pagod at sa pangungulila ko sa presensya mo, naubos pasensya ko. Inakala kong wala sa akin ang atensyon mo.

"Ano kaya nangyari dun sa Showtime kanina?" tanong mo na mas lalong ikinainis ko.

"Bakit hindi ka nagchat sa akin kanina?" bulyaw ko sa 'yo. "Bakit hindi mo man lang ako kinamusta kung kumain na ba ako? Kung okay lang ba ako? Kung ano ginagawa ko?"

Napakamot ka ng ulo, hindi ka nakatingin sa akin, "Nag-aaral ako kanina. Akala ko kasi may quiz kami ngayon. Kumalma ka."

Pero hindi ako natigil, "Sana all, inaalam kung ano nangyari. Okay lang, sanay naman akong walang nangangamusta sa akin, walang nakikinig, walang-"

Dito mo na tuluyang ibinaba ang cellphone mo, "Nakikinig ako sa 'yo. Nakikinig ako lagi sa 'yo, nagcellphone lang ako."

"Para ano? Malaman ang kondisyon ng iba pero yung akin hindi mo aalamin?" sagot ko pabalik.

Sumimangot ka. Lalo kong nakita ang pagod na nadarama mo. Itinabi mo na ang cellphone mo at hindi na nagsalita pa.

Ayaw mo nang makipag-away pa sa akin pero ako, hindi ko alam ang gagawin ko dahil sa sobrang pagod.

"Pagod ako, alam mo 'yan," sabi ko. "Binibigyan na kita ng pagkakataon na tanungin ako tungkol sa araw ko, sa mga nangyari sa akin."

Pero hindi ka na nagsalita pa.

Kaya heto, tahimik tayong naglalakad. Naririnig ko sa pagdaan natin sa bawat eskinita ang mga tawanan natin na nabubura ng mga away na ganito sa tuwing sasapit ang gabi at pagod ang mga kaluluwa natin. Nakikita ko ang mga anino nating halos matumba na dahil sa pagtawa na unti-unting nakakalimutan dahil sa mga ganitong pagkakataon na nanaig sa ating dalawa ang pagod at galit.

Nagsimula nang isa-isang pumatak ang mga luha ko na agad kong pinunasan. Alam kong mas maiinis ka kapag nakita mo akong umiyak.

Nagpatuloy na ganito tayo habang naglalakad. Tahimik. Malapit nga ang katawan sa isa't isa pero ang puso ay unti-unting naglalakad palayo. Malapit nga ang mga katawan sa atin, pero ang isip at diwa ay napupunta na sa kung saan-saan.

Kulang na lang tanungin kita kung nasaan ka. Nasaan ka ngayong kailangan kita?

Huminto na tayo sa paglalakad. Narito na tayo sa tapat ng aming bahay. Nakatalikod ka sa akin. Alam ko nang hindi maglalapit ang mga labi natin gaya kagabi. Aalis na dapat ako nang magsalita ka.

"Wala ka bang sasabihin?" tanong mo.

Humarap ako sa 'yo at nakita kang nakaharap na din sa akin. Wala na ang mga matatalim na titig. Ang nakikita ko sa mga mata mo ay ang paghanap mo na mahal pa rin kita kahit pa ganito ang nangyayari.

Kahit hindi mo na hanapin, dapat alam mo na ang sagot, mahal.

Nakatayo ako ngayon sa gitna ng tila ba isang linya. Dalawa ang pwedeng mangyari. Pwede akong tumalikod, maglakad na palayo, at tiisin ang pagod at sakit na madarama. Pwede akong ngumiti sa 'yo, sabihin ang mga dapat kong sabihin at umasa na magiging maayos na ang lahat.

Nanatili lang akong nakatayo, mata sa mata sa 'yo. Tahimik ako. Pagod na rin akong magsalita dahil hindi ko alam kung ang mga masasabi ko ay pwedeng ikawasak mo o ikapanatag ng loob mo.

Matapos ang ilang segundo, lumapit ako sa 'yo, napasandal at sinabing, "Mahal, pagod na ako."

Niyakap mo ako ng mahigpit, "Alam ko, alam ko."

Nanatili tayo sa ganitong posisyon ng ilang minuto hanggang sa kumalas na tayo pareho. Nakatitig na naman tayo sa isa't isa hanggang sa hindi ko na kinaya at ibinaba ko na ang tingin ko.

"Alam kong pagod ka na rin," panimula ko. "Wag mo na lang ako intindihin. Anong oras na rin, kailangan mo nang umuwi."

Ramdam kong nakatingin ka sa akin. Hinahanap mo pa rin ang sagot sa tanong ng isipan mo kung mahal pa rin ba kita kahit pa ganito ang nangyayari sa atin.

Malayo man kung maglakad ang puso nating dalawa sa mga ganitong pagkakataon, naniniwala ako na babalik ang mga ito, tayo, sa isa't isa dahil kailanman ay hindi mananaig ang poot at galit sa atin. Palaging pagmamahal. Palaging tayong dalawa. Palaging kung ano ang mayroon tayo.

"Mahal kita," bulong mo sa akin.

"Mahal na mahal kita," sagot ko na may kasama pang pagpiyok.

Naglakad na ako papasok ng aming tahanan habang tahimik na umiiyak. Tahimik ang paligid, pero walang tunog ang aking paghikbi. Walang makakarinig. Walang nakikinig. Tanging ako lang.

Sa tagpong iyon, akala ko pagod na talaga ako. Pero nang marinig ko ang salitang "mahal kita" mula sa 'yo, alam kong hindi pa ako pagod. Alam kong magpapatuloy pa ako kahit pa gabi-gabing ganito tayo.

Habang nakamasid sa akin ang mga bituin sa langit, kung totoo man ang paghiling ko sa mga ito, hinihiling ko na sana alam mo na kahit ano mangyari, kahit saan man mapadpad ang puso kong ito, sabihin mo lang na mahal na mahal mo ako, babalik at babalik ito kaagad sa 'yo.

Babalik at babalik ako muli sa 'yo.

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now