2:12

20 1 0
                                    

Iminulat ko ang aking mga mata. Una kong nakita ang kadiliman, kagaya ng dati. Nang masanay na ang aking mga mata sa dilim, naaninag ko na ang kisameng hindi mawari kung ano ang kulay dahil sa dilim ng buong kwarto.

Tinignan ko ang orasan na nasa aking tapat. 2:12 A.M na naman ang sabi ng orasan ngunit sa patuloy na paggalaw ng mga kamay nito, ilang segundo na lang at magiging 2:13 A.M na. Pinanood ko muna ang pagpapalit ng oras. Pinakinggan ko nang mabuti ang tunog ng orasan. Ilang segundo na lang, 2:13 A.M na. Ngunit, gaya ng inaasahan, huminto na naman ang kamay ng orasan, isang segundo bago mag-2:13 A.M.

Napabuntong-hininga ako at akmang pipikit na lamang at babalik sa pagkatulog nang may marinig akong boses. Lalaki. Boses ng isang lalaki na nasa aking tabi. Lumingon ako sa aking kaliwa at nakita ang gising na si Dominic, ang aking kasintahan.

Nagkakilala kami ni Dominic sa isang sementeryo. Nang mamatay ang isa sa pinakamalapit kong kamag-anak, ang aking Tita Anna, nakilibing siya, sinasabi na dati siyang estudyante ni tita na isang guro.

Simula noon, lagi na kaming magkasama. Dahil na rin siguro sa kaniyang ugali na mabait at hindi pag-iwan sa akin bawat oras kaya ako nahulog sa kaniya ng tuluyan. Siya lang ang nakakaintindi sa akin. Siya lang ang nakikinig sa akin at bilang isang tapat na kasintahan niya, ginagawa ko lahat ng mga pinapayo niya sa akin.

Maraming nagsasabi sa akin na hindi ko daw dapat pagkatiwalaan si Dominic. Maraming nagpuna sa relasyon naming dalawa na ipinapahamak ko lamang ang sarili ko. Ngunit hindi nila kami naiintindihan. Siya lang ang tanging tao na kailanman hindi ako iniwan. Parang may mahika siyang ginagamit sa akin dahil kahit anong gawin ko, hindi ako makaalis sa kaniyang mahigpit na pagkakayakap sa akin at sa nakakaumay na tamis ng kaniyang mga paghalik sa akin.

Kung ganiyan ang aking kasintahan, bakit ko pa gugustuhing umalis?

Nakatingin sa aking mga mata si Dominic habang yakap-yakap ako. Ang lamig ng kaniyang balat na nakalapat na sa aking sariling balat. Sa kabila ng lamig, ako ay napakalma nito.

"Papasok ka ba ngayon?" tanong bigla ni Dominic sa akin.

"Hindi ko alam," pag-amin ko. "Maririnig ko lang ulit sila na kutyain ako at tawaging baliw."

"Kaya 'wag ka na pumasok. Sasaktan ka lang nila. Isa pa, wala naman nang silbi, hindi ba? Huhusgahan nila mga sagot mo sa mga itinatanong sa 'yo. Huhusgahan nila mga ginagawa mo na tila ba akala nila hindi mo sinusubukan," sabi niya. "Walang nakikinig sa 'yo doon. Tinatawanan ka lang nila. Binabalewala. Iniiwang mag-isa."

Hinawakan niya ang aking mga pisngi at hinalikan ito, "Pero ako, hindi kita babalewalain. Hindi kita iiwang mag-isa. Hindi kita huhusgahan. Hindi ako kagaya nila."

Napangiti ako nang mapait at tumango. Dito na lang ako sa tabi niya. Tama siya, wala na ngang silbi kung papasok pa ako dahil ang mga tao doon ay huhusgahan lang naman ako.

Dito na lang ako.

"Ano kayang gagawin ko buong araw dito?" tanong ko kay Dominic. "E kung magsulat kaya ako? O kaya magpinta ulit kagaya ng dati?"

Napailing si Dominic na parang hindi niya gusto na gagawin ko ang mga bagay na ito.

"Sino naman magbabasa ng mga isusulat mo? Saka para saan pa? Isa pa, bakit ka pa magpipinta e wala ka namang talento doon," puna muli ni Dominic. "Gusto mo ipaalala ko sa 'yo mga nangyari noong nagsulat ka at nagpinta ka?"

"Ayoko-"

"Hindi, ipapaalala ko na lang din sa 'yo para makita mo punto ko," mariin na sabi ni Dominic sa akin.

"Noong sumulat ka ng mga maikling kwento, hindi ba walang nagbasa? Kung ano-ano pa sinabi sa 'yo dahil nakakasawa na daw ang tema ng mga isinusulat mo. Wala daw bang bago?" sabi ni Dominic.

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now