Tahan

15 1 0
                                    

Magkatabi tayo sa isang mahabang upuan. Naririnig ko ang tinig mo. Nagkukwento ka ata. Hindi ko alam. Hindi malinaw ang mga salitang nanggagaling sa mga bibig mo. Hindi ko maintindihan. Alam kong naiintindihan mo 'to. Kaya patuloy ka lang na nagsasalita. Umaasa na kahit papaano may isang salita ang maintindihan ko. Ang makakuha ng atensyon ko.

Nakaharap ako sa cellphone ko. Nakaharap ka naman sa akin. Hindi ko man nakikita, alam kong nakangiti ka. May halong saya ang iyong kinukwento. Mayroon ding pekeng saya. Pinipilit mo lang magkwento. Pinipilit mo lang magsalita. Para hindi ako magtaka kung bakit ka tumahimik. Para hindi ako mag-alala.

Masyadong maingay ang mga nasa isipan ko. Hindi kita maintindihan. Iniintindi lang ang bawat bumabagabag sa isipan. Alam kong naiintindihan mo. Kaya pilit mong ikinukwento sa akin ang lahat. Habang ako, nagtitipa ng mga utos sa mga kasama ko. Habang ako, nag-aabang sa mga sagot ng mga guro sa mga mensahe ko. Hinayaan mo lang ako na gawin ang mga bagay na dapat kong gawin. Hindi ka tumigil sa pagkukwento. Kahit pa alam mong hindi na kita pinapakinggan talaga.

Pinatay ko saglit ang aking cellphone. Tumayo kasama ka. Lalakad na tayo pag-uwi. Hinawakan ko ang kamay mo. Hinawakan mo ang kamay ko. Kamay ko lang ang hahawakan mo, sabi mo. Nangako ka. Ako din naman. Nangako ako na kamay mo lang ang hahawakan. Pero hindi kasama ang cellphone. Hawak ko sa kabila ito. Kailangan kasi. Nag-aabang ako ng mga pangyayari sa aming klase. Gano'n siguro talaga kapag mabigat ang responsibilidad na mayroon ka. Alam kong naiintindihan mo. Alam mo ang pakiramdam. Hindi alintana sa 'yo ang ginagawa ko. Hinahayaan mo lang ako. Tahimik akong nagpapasalamat. Iniintindi mo ako.

Habang naglalakad, paminsan-minsang tumitingin sa cellphine. Sumusulyap. Nagtitipa. Ilang beses binibitawan ang kamay mo. Sabi mo ay ayos lang naman. Hindi ka na nagsalita. Hinintay na hawakan ko ulit kamay mo. Mabuti na lang mapagpasensiya ka. Mabuti na lang kaya mo akong pagpasensiyahan.

Hawak ko na ulit ang kamay mo. Mahigpit ang kapit mo. Ako, hindi gaano. Alam kong alam mo din na mabibitawan ulit kita dahil kailangan kong tignan ang cellphone ko. Buti na lang kaya mong basahin ang isipan ko. Kaya mong basahin ang mga kilos ko. Nababagabag ako. Nag-aalala na baka hindi ko magampanan ang mga responsibilidad ko. Mabuti na lang at parati mo akong pinapaalalahanan na kaya ko. Mabuti na lang at nariyan ka para sabihin sa akin na kakayanin ko. Mabuti na lang at nariyan ka, laging nakasuporta sa akin. Kinakaya ko ang lahat dahil sa 'yo.

Nagkukwentuhan tayo. Nakatingin na ako sa 'yo. May kakaibang kinang ang iyong mga mata dahil dito. May kakaiba sa mga ngiti mo dahil nakatingin na ako sa 'yo. Hindi ko pa rin maintindihan ang mga sinasabi mo. Nabihag mo ako. Nakuha mo na ang atensyon ko.

Na hindi nagtagal. Tumunog ang cellphone ko. Binuksan ko. Binitawan saglit ang kamay mo. Mata'y dikit na naman sa teknolohiyang nasa kamay ko. Nagtext ang aking kamag-aral. Nanghihingi ng kopya ng leksyon namin kanina. Naiwan ko ang aking kwaderno sa bahay. Kailangan ko nang umuwi. Tumigil ka sa pagsasalita. Hindi ko na inintindi pa. Hinawakan ko na ang kamay mo. Hindi nagpahalata ang pagmamadali. May mga gagawin pa pala ako. Magrereview. Gagawa ng reports. Magsusulat ng visual aids.

Hindi ako tumingin sa 'yo. Sa daan na lang ako nakatingin. Sa gitna ng aking pagmamadali, kalmado ka pa ring nagkukwento. Hindi ko talaga maintindihan kung tungkol saan ang iyong ikinukwento. Hindi na bale. Naiintindihan mo naman ako. Ipapakwento ko na lang sa 'yo ulit kapag nanahimik na lahat ng mga nasa isip ko.

Pagkarating natin sa inyo, nagpaalala ka na. Wala sa sarili akong sumagot kagaya ng dati. Kagaya ng lagi kong sinasabi. Niyakap mo ako. Mahigpit. May kakaiba sa yakap mo. Parang ayaw mo akong umalis. Ayaw mo akong bitawan. Ako din naman. Kaso kailangan kong bumitaw sa 'yo saglit. Pagkatapos ay naglakad ka na papalayo. Nanatili akong nakatayo doon saglit. Lumingon ka pabalik. Kumaway kagaya ng dati. Naglakad ka muli. Bago ako umalis, nakita kang nagpunas sa bandang itaas ng iyong mukha. Sa dilim ng gabi, nakita ko iyon. Pero binalewala ko na lang. Baka napuwing ka lang.

Naglakad na ako. Pauwi na ako. Hahayaan ko nang sakupin ng mga isipin ko ang sistema ko.

Na pinagsisisihan ko.

Balik tayo sa umpisa.

Sa umpisa ng kwentong ito.

Magkatabi tayo sa isang mahabang upuan. Naririnig ko ang tinig mo. Nagkukwento ka. Hindi masaya ang iyong mga mata. Hindi rin masaya ang iyong mga labi. Nanginginig ang iyong mga tinig. Sabi mo walang nakikinig sa 'yo ni isa sa mga kaibigan mo. Sabi mo, ako na lang ang tanging taong alam mong makikinig sa lahat ng gusto mong sabihin. Ang aking cellphone ay nakatago sa aking bag. Bahala na. Mamaya ko na lang titignan ang sitwasyon sa aming klase. Nangako akong makikinig sa 'yo. Pakikinggan kita.

Nakaharap ako sa 'yo. Nakaharap ka din sa akin. Hindi mo man sabihin, alam kong sobrang lungkot mo. Pinipilit mong tumig ang lungkot. Pinapalitan mo ng pekeng saya. Pinipilit mo lang na maging masaya. Pinipilit kitang maging totoo. Para hindi ka na malungkot. Para hindi na maging mabigat ang iyong kalooban. Para hindi ako mag-alala sa 'yo.

Masyadong maingay ang iyong mga naiisip. Nakakarating hanggang sa akin. Hindi ko hahayaan na lamunin ka ng mga iniisip mo. Hindi na muli. Kaya sige, magkwento ka na. Makikinig ako. Sasaluhin ko pa ang mga luha mo. Pupunasan ko ang luha sa mga mata mo. Iiyak mo lahat ng nararamdaman mo. Alam mong iintindihin kita. Pakikinggan. Paulit-ulit, walang palya.

Nanatili tayong nakaupo. Nakaisip ng makakapagpasaya sa 'yo bigla. Nilabas ang cellphone. Nagdownload ng mga laro. Mahilig ka kasing maglaro sa cellphone ko. Kumalma ka. Kahit papaano napawi ang lungkot na nadarama. Maya-maya, tumatawa ka na. Ngumingiti. Nang-aasar. Kumikinang ang iyong mga mata. Totoong ngiti ang sumisilay sa iyong mga labi. Masaya ka na. Napasaya na kita. Sobrang saya ko dahil napasaya na kita.

Tumayo na tayong dalawa. Naglakad papunta sa bahay niyo. Habang nasa daan, hindi maiwasan ang pagtawa. Nag-aasaran. Nagkukwentuhan. Nagtatawanan. Kulang na lang mapahiga na tayo sa kalsada sa kakatawa natin. Masaya tayong dalawa. Lalo pang tumibay ang ugnayan natin sa isa't isa. Masaya tayong dalawa. Ligaya ang ipinapakita ng ating mga mata. Pagtawa natin ay malakas na para bang atin ang daan.

Hawak ko ang mga kamay mo. Mahigpit ang hawak natin sa isa't isa. Hindi na bibitaw pa. Hindi ka na bibitawan pa. Kahit pa saglit lang.

Pagkarating sa inyo, hinalikan mo ako. Nagpasalamat ka sa pakikinig ko sa 'yo. Hindi mo kailangan magpasalamat. Gagawin ko naman talaga dapat iyon para sa 'yo. Hinalikan kita sa noo. Niyakap mo ako ng mahigpit. Niyakap na din kita ng mahigpit. Magkikita pa tayo bukas. Nagpaalam na sa isa't isa. Alam na magkikita pa tayo bukas. Pagkatapos ay naglakad ka na papalayo. Nanatili akong nakatayo doon saglit. Lumingon ka pabalik. Kumaway kagaya ng dati. Naglakad ka muli. Naglakad na ako paalis, bitbit ang mga ngiti na iyong idinulot sa akin.

Ganiyan sana ang nangyari.

Ganiyan sana ang dapat na nangyari.

Hindi ka sana madadatnan na nakabitin na sa kisame. Hindi ko sana mababasa sa sulat mo na walang nakikinig sa 'yo. Hindi ko sana sinisisi ang sarili ko kung bakit wala ka na. Hindi ko sana kailangan na tanggapin na wala nang bukas, na hindi na kita makikita.

Sana pala pinakinggan na lang kita. Baka may bukas pa sa ating dalawa. Baka siguro nandito ka pa sa tabi ko sa mahabang upuan. Baka siguro nagkukwento ka pa ngayon.

Sana pala nakinig na lang ako.

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now