lunod

5 0 0
                                    

Isang dagat ko maituturing ang kinalalagyan ko ngayon.

Dagat ng mga papel na dapat binabasa at inaaral ko ngayon.

Dagat ng mga gawaing dapat ay inaasikaso ko nang tapusin ngayon.

Dagat ng mga taong sinusubukan akong kausapin tungkol sa mga nasabing gawain.

Dagat ng mga bagay na dapat kong itago dahil baka kapag inilabas ko, isipin nilang baliw ako.

Baliw na ba ako?

Nakatulala ako sa aming kisame habang umaalingawngaw sa saliw ng katahimikan ang mga boses na ayaw kong marinig kailanman. Hindi ko naman ginusto na maging sirang plaka sila sa isipan ko. Hindi ko naman ginusto na gano'n na lamang sila kung magsalita sa akin.

Napabalikwas ako ng higa. Ngayon naman kaharap ko ang aming dingding. Puti ito ngunit dahil sa kadiliman ng aking silid, ito ay nagkulay itim. Bagama't madilim, nakikita ko sa dingding na ito ang mga alaalang hindi ko kailanman gustong makita muli. Ito ay mga alaalang pinipilit kong ibaon na lamang sa limot na pilit namang hinuhukay ng lintek na isip at boses na ito.

Lunod. Ganyan ko mailalarawan ang aking nararamdaman. Lunod sa kung ano-anong mga damdaming hindi ko basta-basta maipaliwanag. Sinusubukan kong piliin kung anong mga salita ang nararapat na ilapat. Sinusubukan kong maiparating kung paano ko ito nararamdaman.

Lunod na lunod na ako. Lunod sa takot at pangamba na dumadalaw sa akin sa mga pagkakataong hindi ko inaasahan. Lunod na lunod na ako sa mga boses na nagsasabi sa akin na nasa isip ko lang naman lahat ng ito, na hindi ito totoo, na nagkukunwari lang naman ako, na gusto ko lang mapunta lahat ng atensyon sa akin, kahit hindi naman iyon ang gusto ko.

Lunod na lunod na ako sa mga dagat ng taong hindi makuha kung ano ang nararanasan at nararamdaman ko. Mga taong pinupukpok sa puso at isip ko kung ano ang dapat kong maramdaman. Magpasalamat pa daw ako at buhay pa ako. Maging masaya pa daw ako dahil ligtas ako dito. Maging kuntento na daw ako sa kung ano ang meron ako.

Ginusto ko ba kung ano ang meron ako ngayon? Palibhasa, ang nakikita ng mga taong ito, ang mga bagay na pisikal lang nilang nakikita sa akin. Makikitid.

Lunod na lunod na ako sa mga pagkakataong wala akong maramdaman. Pakiramdam kong nalulunod ako na nakalutang ang aking isipan. Manhid. Ano ba ang dapat maramdaman? Sakit? Saya? Ano ba? Hindi ko na alam

Baliw na ba ako?

Lunod na lunod na ako sa karagatan ng kadiliman, sa karagatan ng panghuhusga, sa karagatan ng mga boses, sa karagatan ng manhid, sakit, pamgamba, at takot na sabay-sabay kong nararamdaman araw-araw, gabi-gabi, minu-minuto, oras-oras.

Baliw na ba ako?

Ipinikit ko ang aking mga mata habang nakapalibot ang mga bagay na dapat ay ginagawa ko, na pinagtutuunan ko ng pansin.

Kaso lunod na lunod na ako.

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now