IDC

20 1 1
                                        

"Hindi mo ako naiintindihan," 'yan ang bumungad sa akin pagkabukas ko ng aking cellphone.

Paulit-ulit ko 'tong binasa. Kinakabisado ng isipan ko ang bawat salita at ang bawat letra. Nilalapatan na din ng aking isipan ang damdamin na gustong ipahiwatig ng pangungusap.

Pero nanatiling walang emosyon ang aking mga mata.

Nakita ko ang tatlong tuldok sa tabi ng kaniyang litrato. Nagrereply siya. Imbes na kabahan sa kung ano pang mga salita ang ibabato niya sa akin, nanatili akong kalmado. Hindi rin naman ito ang unang beses.

"Kapag galit ka, sabihin mo," chat niya sa akin. Hindi pa nagtatapos 'yan d'yan.

"Kapag nagtatampo ka, sabihin mo."

"Kapag naiinis ka sa akin, sabihin mo."

"Hindi 'yung nagma-MyDay ka ng kung ano-ano d'yan."

"Hindi 'yung panay ka sharedpost d'yan."

"Hindi mo ako sinusuportahan."

Sunod-sunod ang mga ibinabato niya sa aking mga pangungusap. Pero wala akong naramdamang sakit. Hindi ako nakakaramdam ng kahit anong hapdi sa aking puso dahil nagagawa niya akong sabihan ng ganiyan.

Ibinaba ko ang aking cellphone at hinayaan siyang magsabi ng kung ano-ano. Ano pang saysay ng pagtanggol sa aking sarili kung ang paniniwalaan niya ay ang kaniyang sarili at hindi ako?

Ipinikit ko ang aking mga mata habang pinakikinggan ang mahinang pagtikatik ng orasan. Gabing-gabi na kaya hindi na maingay ang paligid. Dagdag pa na walang lumalabas na mga tao ngayon dahil sa pandemya.

Mag-aapat na buwan na rin pala noong makalabas ako, saad ko sa aking sarili. Mag-aapat na buwan na din pala mula noong huli kaming magkasama ng maayos.

Bumalikwas ako sa aking pagkakahiga at hinayaang lamunin ako ng lamig ng paligid. Umuulan na naman. Sa bagay tag-ulan na rin naman. Pero hindi na uulan ng luha ang aking mga mata.

Habang nakapikit, ibinalik ako ng aking isipan sa simula. Bago makansela ang pasok. Bago makulong sa bahay ang mga tao. Bago tuluyang naging magulo ang lahat.

At bago rin ako magkaganito.

Natatandaan ko. Isang gabi, lubusan akong nagdadalamhati. Sinabi niya rin sa akin ang mga katagang sinasabi niya sa akin ngayon.

"Kapag galit ka, sabihin mo."

"Kapag nagtatampo ka, sabihin mo."

"Kapag naiinis ka sa akin, sabihin mo."

"Hindi 'yung nagma-MyDay ka ng kung ano-ano d'yan."

"Hindi 'yung panay ka sharedpost d'yan."

"Hindi mo ako sinusuportahan."

Parehas na sitwasyon. Parehas na parehas. Pero umiiyak ako noon. Sobrang lungkot ko. Wala akong mapagsabihang iba. Walang malapitan na maaaring mapagsabihan dahil magagalit siya.

Dahil baka mag-isip siya ng kung ano-ano.

Dahil baka mas lalo lang siyang magalit sa akin.

Nanatili akong tahimik na humihikbi habang iniisip na kasalanan ko 'to. Kasalanan ko kung bakit kami nag-aaway ngayon. Kasalanan ko, bakit kasi ako nagMyDay? Bakit ko kasi siya pinatatamaan? Pwede ko namang sabihin sa kaniya na ganito ang nararamdaman ko.

Pero hindi ko ginawa.

Habang nilalamon na ng dilim, nalunod ako sa aking mga iniisip. Ang mga luhang pumapatak sa aking mga pisngi ay nagmistulang malakas na ulan na bumubuhos noon sa aming bahay.

INEFABBLE - Short Stories Collection #2Where stories live. Discover now