PIGIL na pigil si Kylo na tumingin kay Cailean habang nasa backseat sila ng Grab dahil ihahatid na niya ito sa apartment. Kung puwede lang, hindi na siya sasama at ititigil na lang ang ginagawa nila dahil hopeless na.
Hindi naman siya manhid. Ramdam niyang ayaw siyang kasama ni Cailean, siya lang naman ang mapilit. Bigla niyang pinagsisihan na sana, hindi na lang niya ginawa ito. Hindi na lang sana siya nakiusap sa mga kaibigan niya i-set up sila. Hindi na sana siya nasasaktan ulit.
Tahimik lang si Cailean na nakatingin sa kawalan, ganoon din si Kylo. Walang nagbubukas ng topic, parehong nakikinig sa playlist ng Grab driver na nasakyan nila.
Hindi pa nakatutulong na Eroplanong Papel ang tugtog dahil tumatagos kay Kylo ang lyrics. Pilit niyang iniiwasang huwag tuminigin kay Cailean dahil mas masakit na nakatingin siya rito, pagkatapos ang lyrics:
Kung panalangin ko'y 'di marinig
Abutin man ng bawat sandali
Kailangan kong isigaw, ako'y iyong-iyo
Ang dalangin ng puso'y ikaw.
His mind went back to the past, reminiscing one of their moments.
Tawang-tawa si Kylo habang nakatingin kay Cailean dahil frustrated na ito sa pag-e-edit sa picture ng Harry Potter. Lately, she became addicted to editing images and videos kaya naman sa tuwing magkasama sila, busy siya, busy rin ito . . . pero sapat na ang presensya ng isa't isa.
Lumapit siya at hinalikan ito sa tuktok ng ulo. "Bakit ba inis na inis ka na naman diyan?" tanong niya sabay abot ng bowl ng Pancit Canton na niluto niya. "Ano ba'ng nangyari?"
Nakakunot ang noo ni Cailean na tumingin sa kaniya. "Kasi, babe, tingnan mo 'to." Tinuro ang screen ng laptop. "Hindi ba, gusto ko tanggalin 'yong buhok niya, kaso ang nangyari, natanggal ko nga, kaso may mga puti pa rin, naiinis na ako."
"Practice makes perfect." He smiled and kissed the side of her forehead. Nagra-rant pa rin ito habang itinuturo sa kaniya 'yong mga sinasabing mali, hindi naman niya naiintindihan. Nakikinig lang siya, kahit na ang totoo, hindi naman din siya interesado.
"Nakakainis lang," anito na ngumuso pa habang nakatingin sa kaniya. "Feeling ko, I'm not good at doing anything. Naiinis na ako sa sarili ko."
Kumunot ang noo ni Kylo. "Sino nagsabi niyan sa 'yo? Ang galing mo kaya mang-asar!"
Tiningnan siya nito nang masama. "Nakakainis ka naman, babe! Seryoso 'yong tao, nagloloko ka riyan. Hindi ka na nakakatuwa."
"Joke lang." Kylo smiled and hugged her sideways. "Binababa mo na naman ang sarili mo. Sinabi ko naman sa 'yo na you're good at everything. Frustrated ka lang kasi gusto mo, best ka kaagad. That's not how it works, babe. It'll take time. Be patient, will you?"
"Ang hirap naman kasi. Ikaw, ang galing mo kumanta, ang galing mo mag-guitar. Ako, wala akong talent," pagmamaktol ni Cailean na humarap sa kaniya. "Hindi ko nga alam gusto ko, e. Gusto ko mag-chess, kaso wala naman akong kalaro. Gusto ko mag-ice skating, kaso ang mahal naman, babe. Gusto ko matuto mag-drawing, kaso–"
Hindi na pinatapos ni Kylo si Cailean magsalita. He kissed her lips and that made her stop. Alam niyang magra-rant na naman ito tungkol sa mga bagay na hindi kayang gawin kaya naman gusto na niya itong patigilin.
"Lasang Pancit Canton, babe," he whispered in between kisses. "Spicy."
Ngumiti si Cailean sa kaniya at hinaplos ang pisngi niya. "I love you," bulong nito. "Alam kong ginawa mo na naman 'yon para patigilin ako sa pagda-down sa sarili ko."