"Ybrahim! Ybrahim!" Sigaw ni Mashna Aquil. "Bumaba ka." Nakatingala ang mashna sa ilalim ng isang malaking puno. Maliban sa nagtataasang tore ng palasyo, napapaligiran ng kagubatan at mga bundok ang Lireo. Mahilig pumunta sa kagubatan ang bata.
Ilang taon na rin ang lumipas mula nang mapunta sa kanyang pangangalaga ang rehav. Dahil na rin sa babala galing sa kanyang panaginip ay itinago ni Aquil ang katotohanan ukol sa pagkatao ng prinsipe.
Hinihintay niya ang pagsunod ng bata sa kaniyang utos.
"Avisala! Adto Aquil!" Nagmamadaling bumaba sa puno si Ybrahim. Sanay na sanay ang prinsipe na magpalipat-lipat sa mga makakapal na sanga ng puno. Akmang nilalakaran niya lang ang mga iyon. Bitbit ang isang aklat ay nakababa rin ang bata. Nakangiti niyang binati ang mashna. Kitang kita sa pisngi ang kanyang biloy.
"Adnes nesa aduwa iva? (Anong ibig sabihin nito?) Hindi ba ang bilin ko ay magpaalam ka nang maayos kung ikaw ay may patutunguhan..." Seryosong sambit ng mashna.
"Agape avi adto (Paumanhin kuya)" Nahihiyang sagot ni Ybrahim. "Nagalak lamang ako sapagkat may bago akong aklat." Labis ang tuwa ng bata habang pinagmamasdan ang hawak niya.
"Bagong aklat? Hindi nga't batid ko na napakahilig mong magbasa Ybrahim." Nakangiti na sambit ng mashna.
"Bago lamang ito adto. Nabanggit sa akin ng mangangalakal ... mabuti na lamang at sapat ang dala kong ginto kaya naipagpalit ko ang mga iyon."
Napatigil ang mashna. "Saan ka nakakuha ng mga ginto?" Sa isip ni Aquil ay ramdam niya na ang kasagutan. Kilala ang mga Sapiryan bilang mahuhusay na minero. At dahil dugong maharlika ang bata ay tiyak na may angking kapangyarihan ito sa paghahanap ng mga mamahaling bato.
"Hindi rin ako nakakatiyak kuya Aquil ... pero kapag itinatapat ko ang aking palad sa isang lugar na may ginto ay umiilaw ito."
"Maliban sa kakayahang iyon... may iba ka pa bang napapansin Ybrahim?" Nag-alala si Aquil. Malalagay ang buhay ng prinsipe sa panganib kung may makakaalam sa pagkatao ng bata.
"Kapag ako ay may sugat ... kaya ko ring pagalingin ang sarili ko."
Bihira ang ganoong kakayahan. Ilang encantado lamang ang kilala ni Aquil na mayroon nito - tulad ni Rehav Raquim.
"Makinig ka Ybrahim..." Lumuhod ang mashna para kausapin nang mabuti ang prinsipe. "Natatangi ang mga kakayahan mo."
Napangiti ang bata nang marinig ang mga iyon. "Ngunit para sa iyong kaligtasan ay gusto kong mangako ka sa akin..."
Para kay Ybrahim, napakabait ng kanyang adto. Lagi siyang pinoprotektahan ng kanyang kuya. Kaya naman hindi na nagdalawang isip ang bata.
"Ano iyon kuya Aquil?"
"Huwag na huwag mong ituturan sa iba ang iyong mga kakayahan. Hindi mo rin maaring ipakita sa kahit kanino ang mga ito."
"Sapagkat manganganib ang aking buhay ... na matutulad ako sa aking pamilya..." Seryosong sambit ng bata.
"Tama ka Ybrahim."
Nakaraan
Kasama ng mashna ang bata na namasyal sa kaharian. Hindi maitago sa mukha ni Ybrahim ang kaligayahan sa mga nakikita. Samu't saring prutas at kagamitan ang binebenta ng mga mangangalakal. Binilhan siya ng kanyang adto ng mansanas, ang paborito niyang prutas. Bigla namang napatingin si Ybrahim sa grupo ng isang mag-anak at napatanong.
"Adto...ano ang nangyari sa aking pamilya?"
Lubos na napakabata pa ng rehav para malaman ang katotohanan ukol sa kanyang pagkatao.
BINABASA MO ANG
PINAGTAGPO, ITINADHANA - Ang Simula (Encantadia / BOOK 1 COMPLETE)
FanficAvisala! Dalawa ang tagapagmana ng Sapiro - ang magkapatid na sina Ybrahim at Ybarro. Itinago at inalagaan, lumaki si Ybrahim sa Lireo at maagang nakasama si Amihan. Ano ang magiging takbo ng kanilang kuwento? Ang ating istorya ay iikot sa tamb...