"At tuluyan na kayong nagapi ng inyong kaaway." Nakatingin si mashna Aquil kina Danaya at Pirena. Bilang pagsasanay, sinubukan niya ang dalawa laban sa mga kawal - dalawang sanggre laban sa sampung encantado.
"Hindi naman kami matatalo kung hindi naging hadlang ang aking kasama." Ang sumbat ni Pirena sa kapatid habang iniaayos ang sarili.
"Mukhang malakas yata ang pagkakatama sa iyo Pirena. Tuluyan na ngang nawala sa iyong isipan ang tunay na dahilan ng ating pagkatalo. Hindi ba't hirap na hirap ka sa pagsangga sa kanilang mga atake." Sagot ni Danaya habang pinupulot ang kanyang sandata.
Pinigilan nina Amihan at Alena ang dalawa dahil alam nilang malapit nang mag-away ang kanilang mga kapatid.
"Sanggre Amihan , sanggre Alena kayong dalawa na ang susunod." Maghahanda na sana si Amihan nang narinig niya si Alena.
"Sa pagkakataong ito, maari bang si Ybrahim muna ang maging kapareha ni Amihan mashna Aquil?" Ang tanong ng sanggre.
"Si Ybrahim?" Napatingin na lamang si Ybrahim sa kanila. Mula nang siya ay nagsimulang magsanay, paminsan minsan ay isinasama siya ng kanyang adto sa pagtuturo sa mga sanggre. Madalas siya nga ang ginagawang halimbawa ng mashna sa mga dapat hindi parisan kapag nakikipaglaban.
"Hindi naman natin maipagkakaila ang husay ni Amihan sa paghawak ng sandata. Nais ko lamang sana na sa pagkakataon na ito ay mapag-aralan at makita ko ang mga dapat ko pang matutunan Mashna." Nakangiti si Alena kay Amihan.
"At bakit mo naman ipapareha ang isang kawal sa isang sanggre. Inihalintulad mo ang laban na ito sa isa laban sa lahat Alena." Ang hamak ni Pirena.
"Mashna Aquil?" Tila ba hindi pinansin ni Alena si Pirena. Napaisip si Aquil. Mukhang mainam din itong pagkakataon upang makita niya nang lubos ang kakayahan ni Ybrahim. Batid din niya na mahusay makipaglaban si Sanggre Amihan.
"Ybrahim, samahan mo si Amihan." Sumunod siya sa utos ng mashna.
Habang sila ay naghahanda ay kinausap ni Ybrahim ang sanggre.
"Handa ka na ba Amihan?" Nakangiti niyang sambit.
"Huwag ako ang tanungin mo kung hindi ang sarili mo." Pabirong sagot ng kanyang kaibigan.
Matapos ang kanilang paghahanda ay sinimulan silang palibutan ng mga kawal at isa-isang sinugod.
Sa bawat hampas ng kanyang sandata ay sinisiguro din ni Ybrahim ang kalagayan ni Amihan. Sa tuwing nakakakita siya ng kawal na susugod sa kaibigan ay kaagad niyang hinaharang ang mga pagsalakay nito.
"Ybrahim!" Narinig niya ang sigaw ni Amihan. Nilapitan siya ng sanggre at hinawakan ang kanyang balikat para makakuha ng lakas sa pagikot upang masipa at mapatumba ang kalaban. Nagkaharapan ang dalawa. Saglit na nagkatitigan ngunit sabay din na napansin ang nakaambang pag-atake mula sa likuran ng isa't isa. Sa magkabilang direksyon nila sinugod ang mga kawal. Hindi nagtagal ay napansin ni Ybrahim na mas marami ang pumapalibot na kawal kay Amihan kaya naman nilapitan niya ito at hinila ang kamay upang mas mapalapit kahit papaano ang sanggre sa kanya. Hindi nila namalayan nang matalo nila ang mga kawal ay magkahawak pa rin ang kanilang mga kamay.
BINABASA MO ANG
PINAGTAGPO, ITINADHANA - Ang Simula (Encantadia / BOOK 1 COMPLETE)
FanfictionAvisala! Dalawa ang tagapagmana ng Sapiro - ang magkapatid na sina Ybrahim at Ybarro. Itinago at inalagaan, lumaki si Ybrahim sa Lireo at maagang nakasama si Amihan. Ano ang magiging takbo ng kanilang kuwento? Ang ating istorya ay iikot sa tamb...