Letter #28 - Ronaldhina Gregoria

511 38 11
                                    

Dear Big Daddy,

Habang lumalaki ang tiyan ko noon, lalo namang nananabang sa akin si Damian. Noong una'y hindi ko masyadong binigyang-pansin iyon. Naisip ko pang baka nga masyado lang akong naging sensitibo dala ng hormonal changes sa aking katawan. Subalit, kahit ang kaibigan kong si Cherry na bihira kaming nakikitang magkasama ni Damian ay nakapansin ng kakaibang kilos ng asawa ko. Hindi siya nakatiis at binanggit pa niya iyon sa akin. Ako nama'y nagmaang-maangan pa noong una. Sabi ko pa, sa kanya huwag niyang bigyang-kulay ang nakikita niya sa aming mag-asawa dahil hindi naman siya laging nandoon kaya hindi niya rin nasasaksihan ang sweetness ni Damian sa akin. Ang hindi ko pinaalam sa kaibigan ko, ganoong-ganoon din ang nasa likuran ng isipan ko. Natatakot lang akong tanggapin dahil ayaw kong matulad sa akin ang baby ko na lumaking walang ama.

Sa totoo lang Dad, dapat sana'y unti-unti na kitang nakalimutan nang dumating si Damian sa buhay ko. Subalit sa pagdaan ng mga araw ay pinakita niyang may rason akong patuloy na magpantasya sa ating nakaraan. Hindi ko tuloy naiwasang huwag siyang ikompara sa iyo. Paano kasi'y pinaparamdam niya sa akin na hindi na ako ang kanyang mundo. Ang bilis niyang magbago, Dad!

Hindi ako nakatiis, isang araw ay kinompronta ko nga si Damian, Dad. Tinanong ko siya kung naniniwala nga ba siyang hindi kanya ang dinadala ko? Gusto kong prangkahin niya ako para kung gusto niyang maghiwalay na kami'y hindi ko siya pipigilan. Napaluha ang kumag, Dad. Sinabi pa niyang hindi naman daw sa ganoon. Sadyang napa-isip lang daw siya nang mapag-alaman sa isang kaibigang inhinyero na may isang multi-millionaire na nagpagawa ng resort at pinangalan pa sa isang babaeng kapangalan ko raw. Sa pagkakatanda raw niya, may dati akong nobyong Santillan ang apelyido kung kaya napagtagni-tagni raw niya ang mga pangyayari't pinagdudahan daw agad tayo kasi bakit naman gagawin ng isang lalaki iyon gayong mayroon na rin siyang pamilya?

Nang humingi ng kapatawaran si Damian sa akin nang gabi ring iyon, tinanggap ko na naman siya alang-alang kay baby pero bihira siyang maging available for me and my little one. Palaging si Cherry ang nasa tabi ko sa tuwing nagpapa-prenatal check up ako. Tanging tulong pinansiyal lang ang nakukuha ko sa kanya. Minsan nga, natukso na talaga akong huwag na siyang uwian total naman ay hindi ko pa nagagalaw ang namana kong bahay kay Mama. Nandoon pa rin at maayos pa rin naman. Kaso nga lang, sa tuwing naiisip ko ang aking kabataan at ang pananabik ko sa kalinga ng isang ama, nawawalan ako ng lakas ng loob. Kung ako lang, kaya kong wala nang lalaki sa buhay ko, pero unfair naman siguro kong pagdesisyunan ko rin ang aking munting anghel. Ramdam ko na gusto niyang mamuhay nang may ama. Alam mo kasi, Dad, kapag naririnig niya ang boses ng tatay niya ay lumilikot siya sa loob ng tiyan ko. Para bagang nagtatatalon siya sa tuwa.

Nang dumating ang araw ng aking panganganak, nagkaroon ng emergency sa trabaho si Damian. Hindi siya nakauwi ng mga isang linggo. Napilitan akong magpunta ng ospital nang mag-isa. Buti na lang at dumalaw din si Cherry kinahapunan. Nagkaroon ako ng karamay at nairaos kong isilang nang matiwasay ang napakaganda kong unica hija. Pinangalanan ko siyang Ronaldhina Gregoria Ramirez.

Tama ang nabasa mo, Dad. I named her after you. Naalala mo noong nangarap tayo sa Sunken Garden tungkol sa magiging anak natin? Sinabi natin pareho na kapag nagkaanak tayo ng babae ay ihahango natin ang pangalan sa iyo at kapag lalaki naman ay sa akin. At tawa tayo nang tawa noon nang ang maisip lamang nating posibleng pangalang lalaki mula sa pangalan ko ay Isador. Sabi mo pa, parang katunog ng tirador. Maaaring positibo, maaaring negatibo.

Isador. Ang sagwa nga. Kaya Tanglaw ang binigay kong name ng ating panganay. Kasi nang mga panahong iyon, naging liwanag siya ng buhay ko.

Naluha ako nang una kong masilayan ang Baby Rona ko. Ang dami kong ginawang sakripisyo magkaroon lamang siya ng isang buong pamilya at may isang amang kakalinga sa kanya. Pero mukhang she is destined to be like me. And that is something that scared me so much.

I wish that someday you'll meet my Rona and feel my love through her.

Your baby forever,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon