Dear Big Daddy,
Dumating ang araw na kinatatakutan ko. Alam kong mayroong kakaiba sa madalas kong pag-ubo nguit ikinagulat ko pa rin nang sabihan ako ng doktor na mayroon akong TB. Siguro'y inisip kong kahit sa bagay na ito lamang ay magkaroon naman ng milagro sa buhay ko. Pero sadyang mailap ang magandang swerte sa akin, Big Daddy.
Natakot na akong yakapin ang anghelita ko simula nang mapag-alaman kong mayroon akong nakahahawang sakit. One time bahagya ko pa siyang itinulak nang gusto niyang maglambitin sa akin. Nakita ko talaga ang pagguhit ng pait sa inosente niyang mukha. Hindi ko napigilan ang pagtulo ng mga luha. Subalit, pinanindigan kong huwag lumapit sa kanya sa takot na baka mahawa siya. Ang bata-bata pa ni Rona, Dad. Ni wala pa siyang dose anyos. Gusto ko tuloy magtampo sa Diyos. Bakit?
Alam ko. Sasabihin mo sa aking I should have known better. Naalala kong ilang ulit mo akong sinabihan noon na ibukod ko si Mama. Na dapat ay dinala ko sa tahanan ng mga may sakit na TB ang ermat ko noon kahit ikaw pa ang gumastos. Pero siguro naman naitindihan mo rin kung bakit hindi ko tinanggap ang alok mo noon. Kahit ganoon ang nanay ko sa akin, siya lamang ang pamilya ko. Dadalawa lamang kaming magkakampi sa buhay tapos ihihiwalay ko pa?
Naging tuliro ako nang kung ilang araw matapos kong matanggap ang diagnosis ng doktor. Parang ayaw ko nang magising sa umaga. Ngunit sa tuwing nakikita kong masigla sa pagpasok sa eskwela ang aking munting anghel, nawawala ang lahat kong agam-agam. Nangingibabaw pa rin ang aking pagmamahal sa kanya. Nais ko siyang suportahan sa kanyang mitihiing makatapos ng pag-aaral.
Alam mo ba ang pangarap ng aking unica hija, Dad? Gusto niyang maging architect! Naalala tuloy kita sa kanya. Pangarap mo rin kasi iyon kung hindi ka pinilit ng mga magulang mong kumuha ng business administration. Nakakatuwa nga. Hindi mo kaanu-ano ang anghelita ko ngunit sa iyo pa nagmana ng pangarap. Haha! Tuloy ay hindi ko masisisi si Damian kung bakit ganoon na lang ang pagdududa niya kung sino talaga ang ama ng Ronaldhina ko.
Oo nga pala, Dad, nadaanan namin noon ng anak ko ang isa sa mga hotels mong pinangalan sa akin. Alam mo ba kung ano ang sabi niya? Balang-araw daw ay gagawa rin daw siya ng sarili niyang hotel! At mas maganda pa sa itinayo mo! Haha!
Matalinong bata si Rona, Dad, at gustung-gusto niya mag-aral. Kaya nga nag-aalala ako kung paano niya tanggapin balang-araw ang katotohanang baka hindi ko siya maigapang sa kolehiyo. Baka nga hindi ko na abutin ang araw na iyon, eh. Ito ang isa sa mga ikinatatakot ko, Dad. Ang iwanang mag-isa ang aking munting anghel nang hindi pa siya nakatapos. Dalangin ko na lang na sana ay sapat ang kanyang talino para matanggap din siya sa dati nating unibersidad.
Pasensya na, Big Daddy, ha? Palagi na lang negatibo ang laman ng sulat ko sa iyo. Sana naiintindihan mo ang aking saloobin. Wala akong pwedeng mapagsabihan ng mga hinanakit ko sa buhay, eh. Palagay ko ay walang nilalang sa mundong ito na makakaintindi nang lubusan sa pinagdaanan ko kundi ikaw lamang.
Sa kabila ng lahat ng nangyari sa pagitan nating dalawa, Dad, panalangin ko pa rin ang kapayapaan ng iyong puso. Sana, balang-araw ay magkita pa tayong muli kahit minsan lang. Sana pagdating ng araw na iyon ay humihinga pa ako. Joke! Morbid ba? Haha!
Pwera biro, Dad. Nami-miss kitang talaga. Minsan, para akong timang. Sinasadya ko pa talagang dumaan ng Sunken Garden para sariwain ang alaala nating dalawa. Sana, kahit kaunti ay naaalala mo pa rin ako. Sana may espesyal na pitak pa rin sa puso mo ang pabortio nating espasyo sa peyups.
Your baby forever,
Isadora
BINABASA MO ANG
DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)
RomanceGreg Santillan is your typical campus hearthrob. Gwapo, mayaman, at may matapobreng magulang. Isadora Ramirez, on the other hand, is a poor, iskolar ng bayan. Siya'y isang pangkaraniwang estudyante na may hindi pangkaraniwang ganda. Unang kita pa l...