Letter #45 - Love Letters

554 41 15
                                    

Dear Big Daddy,

Nagulat ako pagdaan ko sa dati naming tirahan sa kabilang barangay. Ang tagal kong hindi nakabisita roon kung kaya napanganga na lang ako kanina nang makitang mayroon na palang mga condominiums doon. Hindi ko na halos nakilala ang kinalakhan kong lugar. Ibang-iba na ito. Saka nawala rin ang halos isang daang pamilyang nakatira roon noon. Nagtanong ako sa isang mamang nagtitinda ng sigarilyo at kendi sa mga dumadaang dyipni sa tapat ng dati naming barangay. Napalingon siya sa kinatitirikan ng mga condo saka ngumiti sa akin nang may pait ang mga mata. Mahigit dalawang dekada na raw pala ang nakalipas nang sunud-sunod na masunog ang lugar. Tila sinadya raw iyon dahil paunti-unti itong ginawa. Sa kada sunog, mga lima-hanggang sampong kabahayan lamang ang natutupok kung kaya hindi iyon naibalita. Isipin mo na lang, ha? Ang lapit-lapit namin, pero hindi man lang nakarating sa amin ang tungkol doon.

Bakit kaya hindi ko man lang iyon narinig sa mga kapitbahay? Dapat ay napag-usapan iyon sa amin. Kinuwenta ko sa isipan kung mga kailan nasunog ang bahay namin ayon sa kuwento ng mama at napasikdo ang aking dibdib nang mapagtantong iyon ay noong paglipat namin sa kabilang barangay. Napatingala tuloy ako sa langit at buong pusong nagpasalamat sa Kanya dahil kung hindi pala kami napunta sa kabilang barangay noon ay malamang isa kami sa mga nasawi. Kung ilang buhay din pala ang nawala sa mga sunud-sunod na sunog doon. Ang pinagtataka ko lamang ay kung bakit ni hindi iyon nailathala man lamang sa dyaryo o di kaya'y nabanggit sa balita sa radyo o telebisyon. Pero sa isang banda'y naisip ko rin na baka naibalita naman ngunit hindi ko lang napansin dahil abala ako sa sarili kong problema. Noong mga panahong iyon kasi'y tuliro ako masyado. Labis-labis kasi ang aking pag-aalala na baka paghiwalayin tayo ng iyong mga magulang. Napapabuntonghininga na lamang ako sa tuwing naaalala iyon.

Lalapit sana ako sa bandang kinatatayuan ng barung-barung namin noon, subalit, pagkakita sa akin ng gwardiya ay itinaboy agad ako nito. Ayaw na ayaw daw ng condo management na may mapalapit na hindi taga-roon sa kanilang parking lot. Minsan na raw kasing nanakawan ng side mirror ang isang residente doon kung kaya naging istriktona raw sila. Wala akong nagawa kundi tanawin na lang ang kinalakhan kong lugar mula sa kalayuan.

To be honest, Dad, a part of what I was sad about was our memories together there. Ilang beses mo rin kasi akong inihatid doon. Pinagmeryenda pa kita ng pansit na pinaghirapang lutuin ni Mama. That was so special. Bihira kasing maging magiliw ang ermat ko sa bisita ko. Sa katunayan, ikaw pa lamang sa lahat kong manliligaw ang naipagluto niya no'n.

Pag-uwi ko ng bahay nang araw na iyon, kaagad kong binuksan ang pinakaiingatan kong mga gamit sa pulang kahon. Oo, Dad. Nasa akin pa rin ang kahong pinaglagyan mo ng mga tsokolateng niregalo mo sa akin sa unang Valentine's natin as a couple. Doon ko itinago ang Econ book ko na may mga marginal notes na sulat-kamay mo pa. Ingat na ingat ko itong kinuha mula sa pinakailalim na bahagi at pagbuklat ko'y ang natuyong rosas agad ang bumulaga sa akin. Awtomatikong tumulo ang luha ko. Bumalik kasi sa aking alaala ang araw na iyon---kung paano mo ako sinorpresa sa isang malaking bouquet ng white roses.

Parang kailan lang, Dad, no? Halos magtatalong dekada na pala mula noong una kitang masilayan sa klase ni Dr. Dominguez. And yet, I could still remember how you strutted inside our Econ class like you own the world. Haha! Grabe ka talaga, Dad. Bagyo talaga ang dating mo noon.

Hindi lang tuyong rosas ang nakita ko mula sa kahon. Buhay pa rin pala ang iilan mong love letters doon. Napangiti ako habang isa-isang binabasa ang mga iyon. Sumulat ka rin lang ng mga loveletters, kung iilang salita lamang. At kopya pa sa mga classic poems! Haha!

Oh my Luve is like a red, red rose

That's newly sprung in June

Napahagalpak talaga ako ng tawa rito, Dad. Paano naman kasi, nag-quote ka pa ng poem ni Robert Burns na A Red, Red Rose pero ang binigay mo sa akin kalakip ng note na iyon ay isang bouquet ng white roses. Pambihira ka talaga! Haha!

Shall I compare thee to a summer's day?

Thou art more lovely and more temperate...

Lagi mo akong binabasahan noon ng poems ni Shakespeare at sa pagkakatanda ko ay ito ang pinakagusto mong dinidiga sa akin kapag naiinis ako sa iyo. Kahit ang corny mo noon, sobra naman akong kinikilig. Haha!

Pero ang pinakapaborito nating dalawa ay ang poem ni Elizabeth Barrett Browning, ang How Do I Love Thee. Alam mo, Dad, noong marinig kong nire-recite iyon ng bunso ko habang nag-aaral noon para sa exam nila sa English Literature, para akong itinulos sa pagkakatayo mula sa aming kusina. Maingay kasi mag-aral si Rona. Nasa sala iyan, pero dinig sa buo naming kabahayan. Kung sa bagay ang liit lang naman kasi ng tirahan namin. Haha!

Ang saya lang no'n talaga, Big Daddy. Kung maibabalik ko lang ang kahapon...Nais ko sanang marinig pa ang mga corny mong love letters habang binabasa ito sa akin sa Sunken Garden.

I miss you!

Your baby girl,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon