Letter #43- Exclamation points

513 36 12
                                    

Dear Big Daddy,

Halos panawan ako ng ulirat no'n nang mapag-alaman kong sa kabila ng lahat ng malabong sitwasyon ng anak ko at ng nobyo niya ay nagbalak pa rin ang mga itong magpakasal. Hindi na ako nakatiis no'n. Nanggigil ako kay Rona kung kaya kinompronta ko siya. Sabi ko noon, bakit kailangan nilang magmadaling magpakasal? Hindi pa kasi siya tapos no'n. Ang dami pa niyang pangarap sa buhay. Nangako siyang hindi naman daw pababayaan ang pag-aaral, pero alam kong mahirap iyon. Ang daming nagsabing kabataan niyan na hindi naman nila natupad.

Umiyak ang bunso ko, Dad, dahil sa mga pinagsasabi ko. Hayun, na-guilty na naman ako. Imbes na pigilan ko sila dahil alam kong hindi na buo ang loob ni Caloy para sa kanya, napahinuhod na naman ako. Nanaig na naman ang pagmamahal ko sa aking anak. Ayaw na ayaw ko kasi siyang nakikitang umiiyak. Noong maliit pa kasi iyan ay palaging pinaiyak ng papa niya. Pinapangakuan ng kung anu-ano na hindi naman tinutupad. Kaya ang ending, ako na lang lagi ang pumupuno.

Noong mga panahong iyon, sa totoo lang, Dad, gusto kong kutusan ang Caloy na iyon. Nagtimpi lang talaga ako. Siyempre, kahit bwisit na bwisit ako, mataas ang respeto ko sa mga magulang no'n lalung-lalo na kay Aling Loleng. Mabait na babae ang kapitbahay kong iyon. Idagdag pa riyan ang pagiging loyal niya sa asawa. Kung bakit nagkaanak siya ng katulad ni Caloy? May pagkasalawahan ang batang iyon, eh. Kanino kaya siya nagmana? Ang alam ko ang tatay niya ay hindi rin babaero. Hay!

Ewan ko kung alam na ni Rona no'n ang misteryong pinaggagawa ng kanyang nobyo. Ako nga alam ko. Siya pa kaya na mas madalas silang magkasama? Siguro kinutuban din ito. Maaari ba namang hindi? Lahat naman ng babae ay may tinataawag na intuition. Pwera na lang kung sobrang tanga. Tingin ko nasa ulo pa rin naman no'n ang utak ng anak ko. Baka nagmaang-maangan lang o di kaya nagbubulag-bulagan dahil hindi niya mapakawalan ang kanyang first love. First love never dies daw kasi. Hay!

How I wish you were here with me, Dad. Iniisip ko nga kung ano ang magiging reaksiyon mo rito. kung ikaw kaya ang ama ni Rona, papayag ka rin bang mag-asawa agad ito kahit hindi pa tapos sa pag-aaral? Ang papa kasi nito'y walang kwenta!!! Pumayag agad no'n!!! Siguro ayaw lang na magalit lalo sa kanya ang anak niya! Ang dami kasing pagkukulang ng bwisit na iyon kay Rona, eh! Gusto ko ring kutusan iyon, sa totoo lang! Nagpigil lang din ako! Naku!!!

Kahit nagbabalik-tanaw lang ako sa pangyayaring iyon noon, hindi ko pa rin mapigilan ang ma-high blood. Nanggigigil pa rin ako! It was as if it just happened yesterday. Hindi pa rin ako nakaka-move on sa ginawa ng Caloy na iyon sa pinakamamahal kong bunso!

Pasensya na, Dad, kung sagana sa exclamation points ang sulat na ito. Nagve-vent lang ako sa iyo. Sobra akong dismayado sa buhay to be honest.

I wish I could still say, so angry right now but still so beautiful. Haha! Nami-miss ko nang sabihin iyan. Bukambibig ko dati iyan, eh, lalo na kung ginagalit mo ako. Haha!

Ingat ka palagi, Dad. Miss you like crazy!

Your baby forever,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon