Letter #29 - Rainbow

489 42 10
                                    

Dear Big Daddy,

Nagulat si Damian, Dad, nang hindi na niya kami nadatnang mag-ina sa tahanan namin sa Legarda dahil sa lumang bahay namin sa Tondo ko na iniuwi ang aking munting anghel. Pumaroon naman siya agad at nanatili pa ng kung ilang araw bago nagpaalam na naman na bumalik ng Laguna para sa isang proyekto. Alam mo, Dad, kahit hindi man niya aminin sa akin, malakas ang kutob kong hindi trabaho ang dahilan ng pag-alis-alis niya sa piling naming mag-ina. Hindi ko lang masyadong hinarap iyon noon. Tinanggap ko ang kung ano niyang paliwanag. Siguro dahil at the back of my mind naroon pa rin ang pagnanais kong mabigyan ang aking si Ronaldhina ng isang buong pamilya. Ang sabi nga noon ni Cherry huwag ko na raw asahan si Damian. Gusto ko mang sundin ang payo ng best friend ko, nananaig pa rin ang pagmamahal ko sa aking anghelita. Paano kasi'y sa tuwing nakikita niya ang kanyang ama, kahit noong sanggol pa lamang, bumubungisngis siya agad. Iyon ang naging dahilan kung bakit nagtiis pa ako ng kung ilang taon sa piling ng lalaking iyon.

Alam mo, Dad, nang sabihin ko kay Damian ang buong pangalan ng baby namin, basta na lang niyang tinanggap. Ni hindi ako kinuwestyon kung bakit Ramirez ang apelyidong pinadala ko sa bata gayong kung tutuusin ay kasal naman kami sa huwes. Ni hindi rin siya nagtanong kung bakit Ronaldhina Gregoria ang napili kong pangalan samantalang noon ay napag-usapan naming ihahango sa pangalan ng mama niya ang pangalan ng magiging anak naming babae. Inisip kong hindi kaya siya nagduda pa lalo? O baka wala na siyang pakialam.

Sa totoo lang, Dad, matagal na ring natunaw ang kakarampot kong pagmamahal kay Damian. Para na lang kay Rona kung bakit patuloy ko siyang pinakisamahan noon. Ang sabi sana ni Cherry hiwalayan ko na nang pormal para makapagsimula akong muli sa piling ng iba. Hindi sa nagmamayabang, Big Daddy, siguro nama'y naiintindihan mo ang bagay na ito, sa kabila ng aking katayuan ako pa rin ang ligawin sa barangay namin. Haha! Totoong karamihan sa mga nagpapalipad-hangin sa akin ay mga tambay sa kanto, pero mayroon namang disenteng lalaki. Kaso nga lang, ang pagkakaroon ko ng malabnaw na relasyon kay Damian ang pumipigil sa iilan na pormal na umakyat ng ligaw.

Pinanghinayangan ko ba ang mga nasayang na sandali? To be honest, Dad, at sana'y hindi ito ikalaki ng ulo mo, wala akong pinagsisihan kasi'y kahit bagyuhin man ako ng mga disenteng kalalakihan sa buong Pilipinas, iisa pa rin ang gusto ng puso ko. Hindi pa rin iyon nagbabago. Ayaw ko nang magkaroon ng panibagong Damian sa buhay ko.

Habang lumalaki si Rona, Dad, nakikita ko sa kanya ang aking kamusmusan. Matalinong bata ang aking anghelita. May pakiramdam ako na marami na siyang naiiintindihan noon sa murang edad na limang taon. Katunayan, hindi na siya masyadong nagtatanong noon sa akin kung kailan uuwi sa amin ang papa niya. Kung nasa bahay si Damian, okay lang. Kung wala naman, okay lang din. At least that was how I saw it then.

Hindi ko alam kung kailan talaga naintindihan ni Rona na hindi kami ang priority ng papa niya. Basta na lang siyang lumapit sa akin isang hapon pagkatapos niyang makipaglaro sa isang kababata at magsabi siya ng, "Mama, hindi totoo ang alamat tungkol sa rainbow. Sabi ni Ma'am, gawa lang ng tubig-ulan at sinag ng araw ang bahaghari. Hindi iyon nagmula kay Bathala. Tingin ko rin, Mama, wala ring langit. At hindi rin totoo si God."

Medyo may hangover ako sa iniinom kong gin nang mga oras na iyon, Dad, pero bigla akong nagising. Nawala ang kalasingan ko bigla. Isipin mong marinig iyon sa isang magpi-pitong taong gulang? Hindi ko nakontrol ang emosyon ko, Dad. Bigla akong napahagulgol. Niyakap ko ang aking munting anghel at umiyak ako sa kanyang balikat.

Paano ko ba ipapaliwanag sa kanya na totoo ang bahaghari without discrediting her teacher? Dahil siya ang rainbow ng buhay ko!

Sana, balang-araw, Dad, kung palarin kang makadaupang-palad ang aking anghelita, please make her believe that there is a pot of gold at the end of a rainbow. Nagsusumamo ako sa iyo na sana ay ipadama mo rin sa kanya na mayroon talagang langit at totoo si God. Sana, Dad...Ipangako mo sa akin, please?

Your baby,

Isadora

DEAR BIG DADDY (COMPLETED - EPISTOLARY)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon