Chapter One

1 0 0
                                    

Nagising ako bigla ng may narinig akong kalampag sa labas ng kuwarto ko. Agad akong bumangon at tiningnan kung anong nangyayari sa labas.

"Ano ba, hindi ka ba titigil?" narinig kong sigaw ni Zabrina. Hayy! Paniguradong si Zike na naman ang kaaway niyan.

"Ehh sa ayaw ko nga, may magagawa ka ba? Wala diba?" balik na sigaw din ni Zike sabay bato kay Zabrina nang maliit na unan na nasa sofa namin.

Kaya naman pala may kalampag akong narinig dahil sa unan na ibinabato nila sa isa't isa. Nakita ko rin ang natumbang upuan malapit sa kanila. Iyon siguro ang narinig kong kalampag kanina.

"Kay aga-aga nag aaway na naman kayo. Pwede bang tumahimik naman kayo kahit ngayon lang." saway ko sa kanila.

Sabay silang dalawa na tumingin sa akin. Nakita kong umirap sa akin si Zabrina at padabog na umalis.

"Papansin na naman kahit kailan." rinig ko pang bulong niya habang naglalakad.

Napailing na lang ako sa ugali niya. Kung hindi ko lang siya kapatid ay matagal ko nang pinatulan yun.

Tiningnan ko naman Zike na umupo lang sa sofa at hindi man lang ako binalingan na parang di ako narinig na nagsalita.

Pumasok na lang ako sa kuwarto ko at umupo sa higaan ko na kasing tigas ng ulo nung dalawa. Niligpit ko na rin ang pinaghigaan ko.

Dumiresto ako sa banyo para maligo dahil nawala na rin naman yung tulog ko. Pagkatapos ay nagbihis na ako dahil papasok pa ako sa trabaho.

Tiningnan ko ang sarili ko mula sa salamin na nakadikit sa dingding ng kwarto ko.

Nakasuot ako ng isang faded jeans at simpleng t-shirt na pinaresan ko ng flat sandals.

Nilugay ko na muna ang mahaba kong buhok dahil basa pa ito. Hindi naman ako naglalagay ng make-up kaya pulbos at lip tint lang ay sapat na.

Dumako ang tingin ko sa kuwintas na suot ko. Araw-araw ko itong suot. Ni minsan ay hindi ko ito sinubukang tanggalin sa aking leeg.

Isa itong silver chain na may pendant na fallen star. Ang ganda niyang tingnan kaya wala sa sariling ko itong hinawakan.

May mga ala-alang bigla na lang pumasok sa aking isipan ngunit mabilis ko itong winaglit.

Napabuntong-hininga ako bago kinuha ang aking sling bag na naglalaman ng mga importanteng bagay at lumabas na sa kuwarto.

Pagkababa ko nakita ko na silang kumakain sa hapag-kainan. Walang imik akong umupo sa upuan para kumain na rin.

"Zeiphorah, may extrang pera ka ba diyan? Kailangan kasi ng kapatid mong bumuli ng bagong sapatos at damit." walang paligoy-ligoy na sabi ni Mama. "Pahiram muna nga."

Pshh. Alam ko ang ibig sabibin ng pahiram niya. Pahingi hindi pahiram.

"Sorry po, Ma, pero ubos na po yung pera ko. Binigay ko na po sa inyo lahat nang pera ko kahapon." mahinahong kong wika.

"Asus! Ang sabihin mo ay ayaw mo lang magpahiram ng pera diyan." sabat ni Zabrina.

"Wag ka ngang kuripot diyan. Para naman sa kapatid mo yun eh." sigaw ni Mama sa akin.

Nagpatuloy lang akong kumain kahit nawawalan na ako ng gana sa nangyayari. Nakita ko sa gilid ng mata ko si Zike na patuloy lang na kumakain.

"Tumahimik ka nga, Rina. Respeto namam dahil nasa harapan tayo nang hapag-kainan." saway ni Papa kay Mama.

"Paano ako tatahimik, Paolo? Kung yang babaeng yan ay walang modo." dinuro-duro niya pa ako habang nagsasalita.

Ayan na naman siya sa duro-duro niya sa akin.

At ako pa ngayon ang walang modo ah. Galing naman, ano kaya tawag sa ginagawa niya.

Bumuntong hininga na lang ako bago tumayo.

"Aalis na po ako. Pasensya na talaga pero wala na po akong pera maibibigay." hinging paumanhin ko sa kanila.

Lumabas na ako ng bahay pero rinig ko pa rin ang ingay ni Mama sa loob. Hindi kasi sila marunong magtipid ng pera kaya palaging nauubos agad tapos ako naman ang palaging hinihingian kapag wala na silang hawak na pera.

Simula bata pa lang ako, ramdam ko na ayaw ng pamilya ko sa akin.

Si Mama palagi akong sinisigawan at pinagsasalitaan ng masasama. Walang araw na hindi ako nakatanggap ng mga masasamang salita sa kanya.

Si Papa naman walang pakialam sa akin kahit na pinapagalitan ako ni Mama. Kahit ata mamatay ako sa harapan niya eh wala siyang pakialam.

Si Zabrina, walang araw na hindi ako tarayan. Mas matanda ako sa kaniya pero kung makaasta akala mo siya ang panganay.

At si Zike na bunso, hindi naman ako inaaway pero hindi din ako pinapansin. In short, ayaw rin niya sa akin ngunit di siya katulad nila Mama.

Mataas na ang sikat ng araw paglabas ko ng bahay namin kaya sumakay na agad ako sa jeep papunta sa shop ko para magtrabaho.

Nang makarating ako sa shop ay agad ko itong binuksan at dumiretso muna ako sa maliit kong opisina para iwan ang gamit ko.

Isang di kalakihang flower shop ang pagmamay-ari ko. Tinayo ko ito mula sa mga ipon ko habang nasa college pa lang ako noon.

Lumago naman siya ng kunti kaya kahit papaano ay malaki na rin ang binibigay kong pera sa pamilya ko. Sadyang di lang sila marunong magtipid kaya palaging nauubos.

Habang inaayos ko ang pagkakalagay ng mga bulaklak ay narinig kong bumukas ang pinto ng shop. Meron kasi nakadikit na maliit na bell sa pinto kaya malalaman mo kung may papasok o wala.

Tumayo ako nang maayos mula sa pagkakayuko at nakangiting hinarap ang costumer.

"Good Morn-" nawala ang ngiti ko nang makilala ko kung sino ang nasa harapan ko.

"Zei." tawag niya sakin.

Isang tao lang ang tumatawag sa akin ng pangalan iyon.

Mabilis akong tumalikod at pumunta sa counter.

"Ano pong bibilhin niyo, Ma'am?" tanong ko sa kanya nang hindi ko pinapansin ang tinawag niya sa akin.

"Pwede ba tayong mag-usap, Zei? Kahit ngayon lang, please." pakiusap niya.

"Wala na tayong pag-uusapan pa kaya kung wala ka namang bibilhin ay makakaalis ka na." taboy ko sa kanya.

Nakita kong napatigil siya sa sinabi ko.

"Zei, makinig ka naman sa akin. Hindi namin yun sinasadya." wika niya sa malungkot na tono.

Nakita ko pang nagpipigil siyang umiyak sa harapan ko.

Kumuyom ang kamay ko dahil sa pagpipigil ng galit. Kahit nakakaramdam ako ng galit ngayon ay di pa rin nawawala ang sakit na nararamdaman ko.

Ayaw ko nang umiyak pa, ubos na ang luha nang dahil sa kanila.

"Sinadya man o hindi, nangyari na ang nangyari kaya wala na ako pakialam sa paliwanag mo." pigil kong galit na sabi sa kanya.

Iyon lang at pumasok na ako sa opisina at iniwan ko siyang naluluha sa kinatatayuan niya.

Ayaw ko na siyang makita pa dahil bumabalik lang lahat ng sakit at hinagpis na matagal ko nang kinakalimutan.

____________________

Only Star Can See (Inspired Series 1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon