Kabanata 9
‘Pag-ulit ng Nakaraan’
ANG hilinging tumigil ang oras ay isang kahangalan. Hinding-hindi ito hihinto para ikaw ay aluin sapagkat kailangan nitong magpatuloy para mangyari ang mga dapat mangyari.
Hindi napipigilan ang oras, lalo na ang tadhana para ilagay ka sa sitwasyong huhubog sa iyo bilang tao. Kailangan natin iyong pagdaanan para tayo’y maging malakas. Kelan man ay hindi naging solusyon ang pagtakas.
Pagkatapos ng naging usapan nila ni Raphael sa gulod ay naging pursigido si Catalina na magpatuloy sa kanyang nais.
“Koring, samahan mo ako roon sa prutasan.” Tawag niya kay Koring na nakasunod sa kaniya.
Kasalukuyan sila ngayong nasa pamilihan ni para sa nakagawiang pamamalengke tuwing umaga.
“Gusto niyo po bang bumili ng pakwan, Senyorita?”
Tinangguan niya ito, “Sana’y merong nagtitinda.”
Habang namimili sila ng mga prutas, sa bawat istanteng nadadaanan ay napansin ni Catalina ang matatalim na tingin ng ilang kasabayang namimili.
Ilang sandali pa ay naulinigan niya itong nagbubulungan at alam niyang siya ang kanilang pinag-uusapan.
Iniayos ni Catalina ang kaniyang tayo at tiningnan ang mga kababaihang kaedad lamang niya at ang mga ina nito na napapitlag nang makitang nakatingin siya sa kanilang direksyon.
“Senyorita? Ano pong problema?” si Koring na sinulyapan din ang direksyon na kanyang tiningnan.
“Wala naman.” Tugon niya sa malamig na boses at iginiya si Koring para makaalis roon.
“Walang kahihiyan ang babaeng iyan ano? Paano niya naatim na mangaliwa habang pinagkasundo kay Senyorito Alvino na napakabait na ginoo?” parinig sa kanya nang dumaan sila sa harapan nito.
Sabay-sabay pang nagsinghapan ang mga binibining kausap nito na halatang umaarte lamang para makuha ang kanyang atensyon.
“Nakakahiya sa kanyang pamilya na mismong kapatid ng kanyang papakasalan ang kanyang kinabet.” Sawsaw naman ng isa.
“Kung ako sa kaniya ay nawalan na ako ng mukha para lumabas.” Dagdag ng isang binibini na namumutok ang nguso sa kapal.
Gustong-gusto ni Catalina na sumabat sa kanila ngunit kinalma na lamang niya ang sarili. Hindi makakatulong kung haharapin niya ang mga mabababang nilalang na iyon.
Pinagsawalng kibo na lamang niya ang mga pagpaparinig sa kaniya at nagpatuloy lang sa paglalakad. Dumaan pa siya sa harapan ng mga ito para ipakitang wala siyang pakialam.
Ayaw niyang maging apektado sa mga bagay na walang namang katuturan.
“Senyorita, may nakalimutan yata tayong bilhin.” Kuha sa kanyang atensyon ni Koring.
Natigilan si Catalina sa mabilis na paglalakad at napansing hila-hila na pa la niya si Koring na habol ang hininga.
“Paumanhin ngunit hindi maganda ang aking pakiramdam, Koring. Ikaw na lamang ang bumili sa iba.” Pagrarason niya.
“Kaya niyo pa po ba? Sige po at ng makapagpahinga ka’yo.” May pag-aalalang turan ni Koring.
“Hihintayin na lamang kita sa kalesa.” Saad ni Catalina at nginitian si Koring bago nagmadaling bumalik sa sasakyan.
Habang nasa loob ng nakaparadang kalesa ay nabagabag si Catalina sa pagpaparinig sa kanya kanina. Ganoon na pa la ka kalat ang balitang pagkakasira ng kasunduang kasal nila ni Alvino.
YOU ARE READING
Bygone Promises
Historical FictionThis Story is situated in the 19th century. Raphael and Catalina are both orphans who grow up together in the same orphanage. They are inseparable despite of Raphael's disability. They dreamed of never being apart, but life in the orphanage is alway...