Kabanata 13
‘Hanggang Kailan?’
“GINOO, sa tingin ko ay malapit na ang ilog rito. Magmadali tayo!” pag-iiba niya at mabilis na tumakbo.
Nang mahanap ang ilog ay walang lingon-lingon si Catalina na nagpatiunang sumalok ng tubig doon. Maingat siya sa kanyang mga kilos upang hindi makapagsimula ng usapan.
Pinapakiramdaman lamang niya si Raphael mula sa likuran na papalapit. Tumabi ito sa kanya at sumalok din ng tubig. Dahil ayaw niyang paunlakan kung ano mang nais sabihin nito ay paulit-ulit ang pag-inom niya para hindi siya gambalain nito.
“Hinay-hinay lang, binibini. Hindi mauubos ang tubig na ‘yan.” Puna ng lalaki dahil sa kanyang ginagawa.
Napakagat labi na lamang si Catalina dahil sa hiya at naunang tumayo.
“Magpapahinga lang ako sa punong iyon.” Paalam niya at nagmadaling dumistansya sa lalaki dahil pakiramdam niya ay parang sasabog ang kanyang puso kapag hindi pa siya makalayo rito.
Hinayaan na lamang siya ni Raphael na nagpatuloy sa pag-inom habang binabagabag ng mga katanungang nananatiling palaisipan.
Nang makarating sa lilim ng isang mayabong na puno ay sumilong doon si Catalina. Naupo siya at ipinikit ang mga mata. Napahimas pa siya sa tiyan na busog sa tubig.
Ilang minutong kapayapaan ay muntik ng makatulog si Catalina sa pagkakasandal sa puno. Naalimpungatan siya ngunit hindi ibinukas ang mga mata dahil sa pagod. Nagpatuloy siya sa pagpikit hanggang hatakin ng antok.
Hindi alam ni Catalina kung ilang minuto o oras siyang nakatulog, basta’t pagkagising niya ay bumungad ang kulay kahel na kalangitan. Gumalaw siya at itinukon ang palad sa lupa nang iba ang nahawakan.
Mabilis niyang binawi ang mga kamay nang makaramdam ng pagkakuryente mula sa kamay ng lalaking katabi at mahimbing ang tulog.
Kanina pa ba siya sa aking tabi natutulog? Isip niya.
Aalis na sana siya sa kanyang puwesto nang mahuli ang kanyang braso ng binata at hilahin siya nito pabalik sa kinauupuan. Tila nahulog yata ang kanyang puso sa aktong iyon ng ginoo.
Kasabay ng kanyang pagsinghap ang pagmulat ng mga mata ni Raphael at nagpang-abot ang tingin nilang dalawa. Napalunok si Catalina sa kaba na dala ng mga titig nito.
“A-Anong ginagawa mo, ginoo?” kabado niyang tanong. Tiningnan niya ang kamay nito na nakahawak sa kanyang braso kaya binitawan ito ng binata.
Nag-iwas ng tingin si Raphael at tumikhim, “D’yan ka lang, h’wag kang umalis.” Utos niya na sa kabilang direksyon nakatingin.
Umayos ng upo si Catalina. Tahimik lamang silang dalawa sa ganoong posisyon habang napapagitnaan ng nakakailang na hangin.
Ilang sandali pa ay biglang tumikhim si Raphael. Nilingon siya nito na kinatalon niya sa gulat. Napahawak pa si Catalina sa dibdib kung nasaan ang kanyang puso.
“Ano ba ang iyong nais sabihin, ginoo? Mabuti’t hindi ako nagreklamo sa kapangahasan mong hawakan ang aking braso.” Reklamo pa niya na parang walang kalaban-laban.
“Ako nga’y hindi nagreklamo binibini sa makailang ulit mong paglapastangan sa aking pagkatao.” Buwelta naman ni Raphael.
Nanlaki ang mga mata ni Catalina sa narinig. Naghugis bilog din ang kanyang mga labi, hindi makapaniwala sa binitawang salita ng lalaki.
“Lapastangan? Akala ko ba ay tapos na tayo sa usapang iyon? Nagtatanim ka ba ng galit, ginoo?”
“H’wag ka ng magmaang-maangan, binibini. Nahuli kitang mapangahas na hinawakan ang aking kamay habang ako’y mahimbing na natutulog at walang kalaban-laban.”
YOU ARE READING
Bygone Promises
Historical FictionThis Story is situated in the 19th century. Raphael and Catalina are both orphans who grow up together in the same orphanage. They are inseparable despite of Raphael's disability. They dreamed of never being apart, but life in the orphanage is alway...