Kabanata 4
‘Sekreto'
HINDI makapaniwala si Catalina sa labis na kasayahang nararamdaman at tila sasabog ang kanyang puso dahil doon.Kagagaling lang niya sa mga Macias pagkatapos ng masayang pamamasyal kasama si Ginoong Raphael at nakalubog na ang araw nang siya ay nakabalik. Mula sa pintuan ay dumapo ang kanyang tingin sa tuktok ng mataas na hagdan kung nasaan ang Donya na nakahalukipkip at magkasalubong ang mga kilay na nakatingin sa kanya.
Sa mukha pa lang nito ay alam na niya kung ano ang nais nitong ipakahulugan. Siguradong mahaba-habang sermon ang kanyang matitikman kapag hindi siya nakapagbigay ng magandang rason kung bakit ginabi na siya ng uwi.
“Ruisa, bakit ngayon ka lang?” bungad nito sa malamig na boses.
Pakarinig ni Catalina sa tanong na iyon ay agad siyang inangatan ng kaba at pakiramdam niya ay nanginig ang kanyang buong katawan.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang takot niya sa Donya, siguro dahil sa isipang mabibigo niya ito sa pagiging isang masunurin na kahalili ng namatay nitong anak at madudungisan ang pangalang Ruisa Esperanza Moncedez na pinaka-iingantan nito na naging sanhi pa ng pagkontrola maging sa kanyang paghinga.
Kahalili, hindi niya maiwasang isiping ipinanganak lamang ba siya para sa bagay na ito? Wala ba siyang ibang pagpipilian kundi tuparin iyon? Iniwan ba siya sa ampunan ng mga magulang dahil ito ang nakatandhana para sa kanya?
Hindi niya na kilala ang sarili, ang tanging alam lang niya ay ang mabuhay sa katauhan ni Ruisa ang kanyang layunin, wala ng iba maliban sa makita muli ang kababatang si Raphael.
Mahigpit ang pagkakahawak niya sa pamaypay sa kanyang kamay nang unti-unting bumababa ang Donya para salubungin siya.
“Nagtatanong ako, Ruisa.” Ulit pa nito sa nakakatakot na tuno.
Hindi mapakali si Catalina sa kinatatayuan. Napayuko na lamang siya at nag-isip ng maaring irason. Siguradong nakarating na rito na may dinaluhan si Donya Elvira kanina at hindi niya ito magagamit na rason.
Kung si Alvino naman… napakamaling isangkot pa ito at baka magbunga lang iyon panigurado ng masamang resulta.
“A-Ano..” ani Clarita habang pinaglalaruan ang mga daliri sa kaba.
Hindi niya naman maaaring sabihing kasama niya ang kapatid ni Alvino dahil paniguradong ikakagalit pa iyon ng Donya. Ang importante lamang para rito ay ang kanyang magandang reputasyon at imahe sa mga tao kaya ang pagiging malapit nila ni Raphael ay siguradong makikitaan nito ng malisya.
Ano ang kanyang sasabihin kung ganoon?
“N-Nag-alok sa akin ang Donya na mamasyal sa kanilang Hacienda, sa halip na samahan ng kanilang tauhan ay ninais kong mag-isa kaya nawala ako sa kanilang malawak na lupain.” Aniya sa diretsong pagkakasabi na tinatago ang kaba.
Pinag-krus niya ang daliri sa kanyang likod at impit na napadasal na sana tanggapin nito ang pagrarason niya.
“Talaga? Kung bakit ba naman hindi ka nagpasama sa pamamasyal. Napaka boba mo talaga! Haya’n at nawala ka, ano na lang ang sasabihin ng mga tao na pinabayaan ka ng mga Macias? Siguradong sa atin mabubunton ang sisi sa huli.”
Napayuko na lamang siya dahil sa halip na mag-alala ay iyon pa ang naisip nito—kung ano ang sasabihin ng ibang tao.
Gustong umirap ni Catalina sa sinabi ng Donya. Hindi na dapat siya manibago sa pag-iisip nito na puro pagmamaganda lang sa imahe ang alam.
YOU ARE READING
Bygone Promises
Historical FictionThis Story is situated in the 19th century. Raphael and Catalina are both orphans who grow up together in the same orphanage. They are inseparable despite of Raphael's disability. They dreamed of never being apart, but life in the orphanage is alway...