ANG MAGANDANG dalagang nagluluksa, na titig na titig sa larawan ni Santi Sixto sa cover ng Global Weekly, ay si Marissa Carrera Johnson, isang Mexican-American.
Sampung buwan na siyang nangungulila sa namatay niyang nobyong Latino.
May mga magulang pa si Marissa pero tatlong taon nang nagdiborsiyo, nagkanya-kanya na ng buhay.
Ang ama ni Marissa ay isang multi-milyonaryong Amerikano na kilalang negosyante at pilantropo, si Howard Johnson.
Nang magdiborsiyo ay biglang yumaman din ang ina ni Marissa na si Veronica Carrera dahil sa natanggap na ari-arian at cash mula kay Howard Johnson.
Si Marissa ay sa malaking bahay ng ama sa California nakatira, na ang tanging kasama ay ang yayang Pilipina, si Manay Caridad.
Mula pagkabata ay yaya na ni Marissa si Manay Caridad, kaya naman pati Tagalog ay naituro na ng yaya sa kanyang alaga.
“Manay, dali! This is unbelievable!”
Napasugod ang yaya sa magandang alaga na ngayo’y isa nang corporate lady, namamahala mismo sa mga charities ng amang si Howard Johnson.
“Marissa, bakit? Why?” tarantang sabi ni Manay Caridad.
Ipinakita ni Marissa ang cover ng Global Weekly.
Napatanga ang yaya, kinusot ang mga mata.
At muling tinitigan ang lalaking nasa cover ng international magazine.
“Si Jonathan ba ito? Ang nobyo mong namatay?” magkasunod na tanong ng may edad nang yaya.
Umiling si Marissa, luhaan. “How I wish ito nga si Jonathan, yaya. Pero siya ay ibang tao na kahawig na kahawig ng nobyo ko…”
Napa-sign of the cross ang tagapag-alagang Pilipino. “Parang kakambal ni Jonathan! Para ka namang biniro ng tadhana, Marissa!”
“No, this is not a joke or anything like that. Siguro ay talagang sinadya ng langit na makita kong muli si Jonathan kahit sa ibang katauhan, yaya…”
“What do you mean, Marissa, a-ano ang ibig mong sabihin?”
“May purpose sa buhay ko ang lalaking ito. He is a Filipino, yaya. Kababayan mo.”
“Ha?” Binasa ng yaya ang tungkol sa cover. “O-oo nga, Pinoy nga siya, Marissa, kalahi ko!”
“Now where is this place called San Simon, Manay Caridad?” tanong ni Marissa, hindi maitago ang kyuryosidad.
“Aba, ewan ko. Hindi naman kasi sinabi diyan kung saang probinsiya? At ako’y matagal nang hindi napapauwi sa Pilipinas, iha. Di ba nga dito na ako tumanda sa bahay ninyo ng ama mo?”
“Yaya, we must know where this San Simon is. At gusto ko na turuan mo pa ako ng Philippine History.”
Napakunot-noo si Manay Caridad. “And why the sudden interest in the Philippines, Marissa Carrera Johnson? May kinalaman ba ang guwapong lalaking ito na kahawig ng iyong yumaong nobyo?”
Luhaang tumango si Marissa. “Yes, yaya…”
“And how is that? Mag-iilusyon kang nabuhay si Jonathan sa katauhan ng guwapong Pinoy na ito?” Itinuro ni Manay Caridad ang larawan sa pabalat ng magasin.
“Bakit hindi, yaya? Sampung buwan na akong mamatay-matay sa lungkot. I could continue living just by seeing this man…”
Napabuntunghininga ang butihing yaya.
Tutoo naman kasi ang sinabi ng kanyang magandang alaga.
Di ba nga kaylaki na ng ipinamayat nito? Dahil sa pagdadalamhati sa wala sa panahong pagkamatay ni Jonathan Carlos ng Argentina.
Ang nobyong ito ni Marissa ay namatay sa car crash, habang nakikipagkarera sa mga kapwa car racers. At di ba habang nagluluksa ay halos hindi na nakikipagsosyalan ang dating masayahing dalaga?
Bahay-opisina lamang ang routine nito. Nasa bahay lamang kapag wala sa pamamahala ng charitable foundations ng ama.
Nagmumukmok, iniiyakan ang mga larawan ni Jonathan. Tantiya ni Manay Caridad ay five pounds na ang nabawas sa tamang timbang ng dalaga. Ang ama naman ni Marissa na si Howard ay halos bihira nang makita ng dalaga, palad nang magkasama sa bahay ang mag-ama kung weekends. At ang ina na si Veronica? Ito ay abala sa sariling buhay, nagdadalaga, pabata nang pabata ang mga boyfriends.
Tumatawag naman ito kay Marissa paminsan-minsan. Nakikipagkita rin sa anak dalawang beses isang buwan. Hindi naman kasi naging malapit sa ina si Marissa ever since dahil career lady din naman ang inang Mexicana.
Kay Manay Caridad lamang talaga napalapit nang husto si Marissa.
“Kung saan ka liligaya, Marissa… susuportahan kita,” buong katapatang naipangako ni Manay Caridad, may kasamang butil ng luha sa matinding awa sa dalaga.
“Tuturuan mo ako ng tungkol sa Philippines, yaya, don’t forget,” sabi ni Marissa.
“Aba, oo naman, siyempre! Para pagpunta natin sa aking bansa ay may alam ka kahit kaunti!”
“But who is he?” may pananabik na naitanong ng dalaga, “Ano kaya ang pangalan ng lalaking kamukha ni Jonathan?”
BINABASA MO ANG
SANTI SIXTO
RomanceAng gustong buhay ni Santi Sixto ay iyung mabagal pero tiyak. Iyung simple pero nakakasiya. Kaya naman ang binatang Santiara ay kuntento sa easy pacing of life sa San Simon. Sapat nang nagsa-scientific farming siya sa maliit na lupang katabi ng Sant...