DINAMPOT muli ni Sixto ang kanyang travelling bag at nagpatuloy na ng lakad, pabalik sa Santiara.
Tumigil muna si Sixto sa harap ng arko ng Santiara. Puno ng ilaw ang arko. Tiningala niya ito.
He is home now.
Pagkatapos ng anim na buwan. Sapat na nga ba ang paglayo niya? Ang pagbabalik ba niya ay mangangahulugan na magbabalik na rin sa dati ang lahat?
Natanaw kaagad ni Santi Sixto ang mga magulang na patakbo sa kanya. Pati ang kanyang mga nakababatang kapatid.
“Sixtooo!” sigaw ng mommy niyang si Arabella.
Kaway naman nang kaway sa kanya ang tumatakbong ama.
Ang kanyang mga kapatid ay maligayang-maligaya rin, may palundag-lundag pa habang tumatakbo.
Napangiti nang maluwag si Santi Sixto. He feels so welcome. This is home, all right.
At masarap ang pakiramdam na talaga palang hinihintay siyang umuwi.
Nakatawang sinalubong niya ang mga kapamilya. Sa loob na ng compound ng Santiara sila nagyakapan.
“Umuwi ka na sa wakas, Sixto! Saan ka ba tumira, ha?”
“Pakakainin na muna natin ng masarap na mga putahe ang ating anak, Arabella, bago tayo magtanong!” sabad ni Santi.
Ang mga kapamilya ni Sixto ay halos nakapulupot sa kanyang katawan habang naglalakad sila patungo sa bahay ng Santiara.
Parang matagal na nawalay na prinsipe ang turing ng mga kapamilya kay Santi Sixto.
Laking pasalamat ni Arabella na nakapagluto sila ng kusinera ng masasarap na putahe sa araw na iyon.
Ipinaghain niya kaagad ang matagal na nawalay na anak. Si Santi naman ay tiniyak na nakabukas ang malaking electric fan para hindi mainitan si Sixto. Ang mga younger brothers and sisters ni Sixto ay nag-aagawan ng puwesto. Gusto nilang malapit na malapit sila sa kuya nila at panoorin ito sa bawat galaw. Miss na miss kasi nila ito.
Habang kumakain ay nagkukuwento naman si Sixto kung saan niya ginugol ang anim na buwan.
“May dala akong konting pera kaya namuhay ako ng simple sa Mindanao. May matandang may-ari ng isang malaking lupain doon, inalok ko ang serbisyo ko bilang scientific farmer sa kanyang ari-arian. Pumayag naman. Sabi ko, hindi ko nga lang matiyak kung hanggang kailan akong magtatrabaho pero inassure ko siya na hindi ko naman iiwan na bitin ang trabaho ko.
“Hayun, nang umalis ako, nakatapos ako ng dalawang malalaking ani, at ang mga prutas naman na pananim ay siguradong magha-harvest siya ng mga pang-export. Not bad. Naging kapaki-pakinabang ang aking panahon.”
“At hindi mo na kami iiwan ha, anak?” Madrama si Arabella.
“Sa ngayon, wala pa naman akong balak na muling umalis, Mommy.”
“Hindi bale kung umalis basta may communication, nagsusulatan o nagtatawagan man lang. Ni hindi ka kasi talaga kumontak sa amin, Santi Sixto.” Halatang may pagdaramdam pa rin si Santi sa kanyang binata.
“Sorry, Daddy. May gusto kasi akong kalimutan kaya talagang pinutol ko muna ang communication.”
“Iho, hindi mo naman dapat pinroblema si … si Marissa. Alam mo ba na pag-alis mo ay kinausap ko siya. At nangako siya sa akin na hindi na raw talaga siya magiging panggulo sa iyo.”
Hindi nakakibo si Santi Sixto sa sinabi ng ina.
Ngayon lamang niya nalaman na may binitiwan palang pangakong ganoon ang magandang dayuhan na ginusto niyang takasan noon.
At kinamuhian niya dahil sa pagbabagong dinala sa kanyang buhay.
“At mukhang tinutoo naman niya, anak. Halos patay na ang isyu sa inyo ni Marissa. Ang press, puro mga kawanggawa na lamang ni Marissa ang tanging isinusulat.”
“Baka talagang ginamitan na ni Marissa ng pera o impluwensya para makontrol niya ang mga pinagsasabi ng press.” Si Santi uli ang nagpahayag.
“Pinangatawanan ni Marissa ang sinabi niya sa akin. Bilang kaibigan, kahit munting kontak ay hindi na niya ginagawa. Ako naman ay ganoon din. Nababasa ko na lamang siya sa diyaryo. Ang napapansin ko, ang ilap niya ngayon sa press. Wala na nga siyang bagong litratong nalalathala sa mga diyaryo,” dugtong ni Arabella.
“Wala ka na palang problema, Kuya Sixto.” Si Santi Ignacio na subteener ang nag-comment.
Patangu-tango lang si Sixto.
Kung tutuusin, magaganda naman ang mga balitang nalaman niya ngayon. Pumapabor sa kagustuhan niya na mabalik na talaga sa dati ang kanyang buhay.
Tahimik. Pribado. Simple. Walang nanliligalig.
Kung sakali ngang going smoothly na naman ang lahat, hindi pala siya nagkamali sa pag-uwi.
BINABASA MO ANG
SANTI SIXTO
RomanceAng gustong buhay ni Santi Sixto ay iyung mabagal pero tiyak. Iyung simple pero nakakasiya. Kaya naman ang binatang Santiara ay kuntento sa easy pacing of life sa San Simon. Sapat nang nagsa-scientific farming siya sa maliit na lupang katabi ng Sant...