TUMAYO SI Sixto, galit na galit. Ang nais ay gantihan ng halik ang nanampal na banyaga.
Pero maagap ang mga bantay ni Marissa, nakalapit agad kay Sixto, binantaang susuntukin ito kapag itutuloy ang anumang masamang balak.
Napailing-napabuntunghininga si Sixto.
Tatlong malalaking Kano ang kalaban niya, kagaguhang sagupain niya ang mga ito ngayon.
Nanlilisik ang mga mata na nilisan na lang ni Sixto ang bahaging iyon ng Terry’s Grill.
Pero nagpahabol siya ng salita. “You owe me one, Miss Johnson! At maniningil ako!”
Nagkibit-balikat si Marissa, ayaw pa niyang intindihin ang sakit ng paghihiwalay nila ng lalaking kahawig na kahawig ni Jonathan.
Does it mean na hindi na siya mapapalapit sa kalooban ng lalaking nais niyang gawing inspirasyon sa pagpapatuloy ng buhay?
NAGMUKMOK sa tinutuluyang apartelle sa San Simon si Marissa. Dalawang unit ang okupado nila ng mga bodyguards.
Ayaw munang magbalik ng dalaga sa Manila, kung saan naroon ang sentro ng kanilang charitable organization para sa buong Luzon.
Nangingilabot na sa pamamayat ng alaga si Manay Caridad. Parang naulit ang pagluluksa noon ni Marissa kay Jonathan. Ayaw na namang magkakain ng dalaga, ayaw na ring kumibo, dalawang araw na.
Iyak lang nang iyak nang matahimik.
Naaburido na yata ang yaya, palihim na magtutungo sa Santiara nang gabi ring iyon.
Ang paalam lang sa tatlong bantay na Kano ay may bibilhin siya sa botika sa kanto.
Sumakay ng traysikel si Manay Caridad at sumugod na nga sa bahay hg lalaking nagpapaiyak ngayon sa kanyang mahal na alaga.
“Buksan ninyo ang pinto! Kailangang makausap ko si Sixto Delos Santos!” Kaylakas ng boses ni Manay Caridad.
At natawag ang pansin ng kanina pa nakikiramdam na member ng media. Ang reporter-photographer na ito ay nasa Terry’s Grill, two nights ago. Doon niya natiyempuhan ang away ng isang binatang guwapo at ng banyagang maganda.
Saka lang na-realize ng reporter-photographer na si Marissa Carrera Johnson na pala ang nasa kanyang paligid that night.. At taga-Santiara ang guwapong lalaking nakaaway.
Naintriga ang taga-media kaya narito sa vicinity ng Santiara, naghihintay ng posibleng development.
Unlike before na siya ay walang dalang kamera, ngayo’y handang-handa sa anumang scoop ang taga-media na middle-age na lalaki.
Si Sixto ay naguguluhang hinarap ang yaya ni Marissa Johnson. “Ano po ba ang kailangan ninyo sa akin, lola?”
“Bruho ka, hindi pa ako lola! Ikaw ang may kasalanan kaya ngayo’y nagmumukmok si Marissa doon sa apartelle! Dalawang araw nang ayaw kumain at kumibo at iyak nang iyak ang alaga ko dahil sa pagdaramdam sa kaarogantehan mo!”
Ang taga-media ay bukas na bukas ang tainga, palihim na rin niyang nakunan ang nagtatatalak na yaya pati na ang defensive na binatang taga-Santiara. May highly- advanced camera siya na maaaring gamitin sa gabi kahit walang flash.
“Hindi mo kasi alam, bruho ka, na kaya nagpunta sa Pilipinas si Marissa Carrera Johnson ay dahil sa iyo! Nakita ka niya sa cover ng magazine at nagkataong kamukhang-kamukha mo si Jonathan na nobyo niyang namatay na!”
Hindi magkandatuto sa pagkuha at pagtatala ng detalye ang lalaking taga-media. Akalain ba niyang may love angle pala sa pagpunta sa Pilipinas ng magandang anak ng sikat na pilantropong Kano?
Natitigilan si Sixto. Nagpapakagutom dahil sa kanya ang babaing nais niyang layuan? Ang magandang dalagang nanampal sa kanya noong isang gabi?
Pero nais niyang mainis sa nalaman. Na siya pala ay ginagawa lang substitute ni Marissa Johnson sa namatay na nitong nobyo?
Nais na namang mainsulto nang husto Sixto. Ayaw niyang itinutulad kahit kanino, patay man o buhay.
Ah, lalong dumarami ang atraso sa kanya ng anak ni Howard Johnson, naunawaan ng nagngingitngit na binatang taga-Santiara.
ANG KLARO, parang bombang sumabog mga diyaryo ang balita tungkol sa tunay na dahilan ng pagdalaw ni Marissa Johnson sa Pilipinas.
Iskandaloso ang mga headlines. Na may kasama pang litrato ng yaya at ni Sixto habang nag-uusap sa gate ng Santiara.
Johnson Heiress Here For Love of Sixto!
Sixto of Santiara is Marissa Johnson’s Love!
Panakip-Butas Ni Marissa ang Binata ng Santiara!
Santiara Bachelor Snubs American Heiress!
Lalong nag-iiyak si Marissa nang malaman ang mga balitang iyon. Nagawang itago ng yaya ang ilang diyaryo pero sa TV naman aksidenteng napanood ng nagdadalamhating dalaga ang malaking balita.
Buko na pala siya ng buong Pilipinas.
Lalo pala siyang nawalan ng pag-asa na gawing pandugtong sa kanyang buhay si Santi Sixto ng Santiara.
BINABASA MO ANG
SANTI SIXTO
RomanceAng gustong buhay ni Santi Sixto ay iyung mabagal pero tiyak. Iyung simple pero nakakasiya. Kaya naman ang binatang Santiara ay kuntento sa easy pacing of life sa San Simon. Sapat nang nagsa-scientific farming siya sa maliit na lupang katabi ng Sant...