SANTI SIXTO Part 10

5 0 0
                                    

SI SANTI Sixto ay nasa loob pa rin ng kanyang bedroom sa Santiara. Pero parang alam niyang anumang oras ay susugurin siya ng ina na malamang ay kasama na rin ang kanyang ama.

Tiyak na sisitahin siya ng mga ito dahil sa pambabalewala niya halos kay Marissa Carrera Johnson.

Naguguluhan na rin si Sixto.

Bakit nga ba naging masyado siyang rude kanina sa babaing panauhin ng ina?

Nababaliw na ba siya, umaakto nang walang dahilan?

Merong dahilan kaya siya hindi naging friendly kay Marissa Johnson, giit sa sarili ni Sixto.

At natagpuan naman niya ang rason. Oo nga, ayaw nga pala niyang mapadikit in whatever way sa mga taong sikat.

Dahil ayaw nga niyang masira ang kanyang privacy, di ba?

Inisip niya agad kanina, kung magiging friendly siya kay Marissa Carrera Johnson, baka alin sa dalawa ang mangyari. Either siya ang mapalapit nang husto sa magandang babaing ito or… ito ang mapalapit sa kanya nang todo.

Ayaw nga niya ng ganito. He values his privacy so much.

Di ba nga ayaw niyang tumulad kina Abraham at Gabriel?

Simply because he hates being famous. He wants his own existence right now. Na sarili niya ang mundo niya, walang nagdidikta ng dapat niyang gawin, walang pressure mula sa labas.

Kung magkakalapit sila ni Marissa Carrera Johnson, masisira lahat ng kanyang gusto sa buhay.

Tiyak kasing pati siya ay bubulabugin ng mga taong humahanga at nagpapahalaga kay Marissa Johnson, laluna ang makulit na press. Ang media na kanya pa namang kinaiinisan dahil madalas na eksaherado ang mga report.

Ah tama lang na nagsuplado siya sa babaing iyon, dikdik ni Sixto sa sarili.

Kinuha niya ang backpack at palihim na lumabas ng bintana.

Alam kasi niyang nasa salas ang mga magulang by this time. Tatakas na muna siya bago siya masermunan ng mga ito.

Mula sa bintana ng silid niya sa second floor ay tumalon sa katabing punong-mangga si Sixto.

Parang unggoy siyang sanay na sanay na nagpalipat-lipat sa mga sanga hanggang sa makatalon siya sa labas ng bakuran ng Santiara.

Dalawa lang naman ang nakakita sa binata, ang dalawang batang kapatid na sina Santi Ignacio at Santi Augusto.

Tuwang-tuwa ang dalawang bata sa mala-unggoy na acrobat ng kanilang Kuya Sixto.

Dalawang minuto lang ang pagitan ng pagtalilis ni Sixto sa pagpasok ng mga magulang niya sa kanyang silid.

“Natakasan tayo ng anak mong suplado, Santi,” inis na himutok ni Arabella.

“Saan nagdaan ‘yon?”

Palapit ang dalawang bata.

“Nakita n’yo ba ang Kuya Sixto ninyo?” tanong ni Santi.

“Opo, Dad!” natatawang sabi ni Augusto “Tumalon po sa puno ng mangga from his room!”

“Magaling pa siya sa monkey, wow!” sabi ni Ignacio, “lumundag sa labas ng pader natin, may bag sa likod!”

Nag-panic si Arabella. “Saan pupunta ang anak mo? Nakakumpromiso na ako kay Maris Carrera Johnson, Santi!”

“Alam ko kung saan siya matatagpuan, Ara.” Parang nakatitiyak si Santi, inakbayan ang ginang.

SI SIXTO ay nagpatay ng lahat ng ilaw sa bahay na buong ingat niyang napasok.

Ito ang bahay ng kanyang ina na bakasyunan nila paminsan-minsan. Tanaw ito mula sa Santiara.

Sa second floor pumuwesto si Sixto at nagpaantok sa tabi ng kama habang sinasamyo ang hangin na galing sa dagat, na buong layang pumapasok sa bukas na bintana.

Agaw-dilim na, halos ika-anim na ng gabi.

Walang kaalam-alam ang binata na siya ay naikumpromiso na ng ina sa isang sapilitang pakikipag-dinner date.

Sa babae pa namang kanina lang ay kanyang binalewala.

Agaw-tulog na si Sixto nang maulinigan niya ang ilang kaluskos mula sa ibaba ng bahay.

May nakapasok bang magnanakaw? Humanda agad siya.

Papanhik ang mga hakbang, kung gayo’y higit sa isa ang taong nais manloob sa bahay ng kanyang ina, naunawaan ni Sixto.

Maingat siyang pumuwesto sa likuran ng pinto, nakikiramdam.

Ginawa niya ang natutunan sa isang pelikulang Ingles. Unahan ang kaaway, gulatin saka gulpihin.

Pero bago pa niya nahawakan ang knob ng pinto ay nabuksan na ito mula sa kabila, siya ang nagulat.

At namangha nang makilala na ang mga ‘intruders’. Ang mga ito pa ang nagbukas ng ilaw.

“M-Mommy? Daddy?”

“Makinig ka sa sasabihin ng mommy mo, Santi Sixto. Kundi ay ako na ang susuntok sa iyong tulirong ulo!”

Napalunok si Sixto, hindi nagbibiro ang kanyang ama.

SANTI SIXTOTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon