Chapter 4

135 11 0
                                    

GULAT AKONG NAPATITIG SA TAONG NAKATAYO SA TAPAT NG BAHAY NAMIN.  Kausap siya ni Papa Angelo at mukhang nagkakatuwaan ang dalawa. Bigla akong napaatras, naisip kaagad na huwag na munang lumabas hangga’t naroon pa siya.

Kaya lang ay hindi pa ako tuluyang nakakapasok sa bahay nang napatingin naman sa banda ko si Ruen. Para akong nanigas bigla sa kinatatayuan ko.

Namilog ang mata niya kasabay ng pag-awang nang labi sa gulat. Napabuntong hininga na lamang ako dahil sigurado ako na wala na rin naman akong ibang choice kung hindi ang lapitan siya.

Nakaiwas ang tingin ko. Sandali ko lang siyang pinagmasdan at nang nahuli niya ako, kaagad ang pag-iwas ko habang may kaunting kaba sa dibdib.

“Cereal…” Masuyo niyang binanggit ang pangalan ko habang nakatitig sa mukha ko. “Bagay sa ‘yo ang bago mong hairstyle.”

Wala sa sariling napahawak ako sa laylayan ng buhok ko. Sobrang umikli na ngayon kumpara last week na ang haba ay lagpas bewang ko na. Mami-miss ko panigurado ang pagtitirintas ni Nora sa akin, pero gusto ni Mama na magpagupit na ako kahapon.

New school year, new haircut daw, sabi niya. Pinagbigyan ko dahil matagal na rin simula noong nag-maikling buhok ako.

“Salamat, Ruen,” tahimik kong sinabi. Walang kangiti-ngiti.

Nakakabigla talaga na makikita ko na lang siya bigla sa labas ng bahay namin. Madalas akong walang alam.

"Maiwan ko na kayo." Tiningnan ako ni Papa sa pagkakayuko. “Ihahatid ka raw ni Ruen sa paaralan mo, Cereal. Huwag ka nang tumanggi dahil baka mahuli ka pa sa klase mo.”

“Sige po, Papa.” Sabay pakawala ng mahinahong buntong hininga.

Iniwan kami ni Papa Angelo sa labas. Nanatiling nakatayo si Ruen sa harapan ko. Alam niyang hindi ako komportable na basta nilalapitan kaya hindi siya lumapit.

Kailan pa kaya siya nakauwi?

“Nakita mo na ba ang pasalubong ko sa ‘yo, Cereal? Pinasok na ni Tito Angelo sa bahay niyo ang karton. Sana nagustuhan mo.”

Kagat labi at napipilitan akong ngumiti sa kaniya. Iyon marahil ang hinahalungkat ni Ate Sharmaine sa loob. Hindi ko pinansin dahil hindi ko naman alam na si Ruen ang nagbigay.

Akala ko ay galing sa pinaglabadahan ni Mama, puro damit kasi ang nakita kong sinusukat niya.

“Hindi ko pa nakikita. Pero hindi mo naman kailangan mag-abala, Ruen. Ayos lang sa akin kahit wala kang ibigay.” Nauna ako sa paglalakad. “Mas ma-a-appreciate ko kung hindi ka na mag-aabala.”

Ayaw ko sa ganoon. Nahihiya ako na makita niyang sinusuot ko ang mga binibigay niya. Kahit pa kusa naman niyang binibigay, nahihiya talaga ako. Hindi ako komportable.

Nakaparada sa kalsada ang sasakyan nila. Sandali akong napahinto dahil doon. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin na ayaw kong sumabay sa kaniya dahil siguradong mai-issue na naman kami.

Pamilya ni Ruen ang tinuturing na isa sa mataas sa lugar namin. Madami silang apartment na pinapaupahan at iyon ang negosyo ng kanilang pamilya. Mayroon din silang paupahang boarding house sa tapat ng isang university.

Marami silang bahay rito sa Maynila. Isa sa pinaka pinagkakatiwalaang tauhan ng ama ni Ruen si Papa. Construction worker siya at ang amo niya ay si Boss Bernard, ama ni Ruen.

Hindi halos nawawalan ng trabaho si Papa dahil panay rin ang pagpapagawa ng apartment ni Boss B. Sa pagkakaalam ko ay simula pa noon, si Papa Angelo na ang loyal worker niya. Kaya hanggang ngayon ay hindi niya ito binibitiwan. Kumbaga, paboritong trabahador ni Boss B. si Papa.

Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon