Chapter 13

77 6 0
                                    

"SAAN KA NA NAMAN PUPUNTA? May gagawin ka na namang project?"

Marahas akong napalunok nang narinig ang boses ni Mama sa aking likuran. Walang kaemo-emosyon ngunit malinaw ang pagiging istrikta. Hindi ko sukat akalain na siya ang unang kakausap sa akin ngayon. Nakasanayan ko na lang na para akong hangin sa kaniya kung ituring niya nitong mga nakaraang linggo at buwan.

Tuwing sinasaktan siya ni Papa Angelo, bagay na naging madalas na at hindi na mapigilan, ang ginagawa ni Mama ay iiwasan ako. Hindi niya ako kinakausap, nilalapitan, o kahit man lang ang pagbati ay hindi na rin niya magawa. Wala akong naririnig sa kaniya na kahit ano.

"Opo," kusang dumulas ang mga salita sa dila ko. Kasalukuyan akong naghuhugas sa lababo na gawa sa kahoy.

Marahil hindi ako kayang kausapin ni Mama dahil alam niyang aayain ko siyang umalis na lang dito. Ipipilit ko ang gusto ko. Iniisip niya na ganoon lang ang gagawin ko kaya umiiwas na agad siya. Hindi ko siya masisi. Kasi totoo naman na iyon talaga ang sasabihin ko sa kaniya.

Hanggang ngayon... umaasa pa rin ako na isang araw ay mas matimbang na ako sa puso niya.

"Sige. Basta lang huwag kang pagagabi sa kalsada. Delikado na ang mundo ngayon, hindi na safe para sa babaeng katulad mo ang inaabot ng gabi sa lansangan," aniya at umalis na rin agad.

Tahimik na tinapos ko ang mga hugasin habang ang dibdib ay nagsusumikip. Sa ganoon kabilis na interaction namin ni Mama, nasugatan na agad ang puso ko. Masaya akong malaman na kahit papaano pala ay mayroon pa rin siyang concern sa akin. Sa mga araw na hindi niya ako kinikibo, pakiramdam ko ay naghilom ako kahit kakaunti.

Maaga akong umalis sa bahay namin. Naligo ako at sinuot ang pantalon at puting t-shirt na yumayakap sa katawan ko. Sa paanan ay iyong sandals ni Ate Sharmaine na palagi kong hinihiram sa kaniya tuwing may lakad. Hinahayaan niya lang naman ako. Pero minsan, kapag nagpapaalam, iniirapan niya muna ako bago pumayag.

Bawat araw ng Linggo ay umaalis ako sa bahay. Tinatapos ko naman na muna ang mga trabaho ko sa bahay. Nailabas na rin ang mga sinampay na nilabhan ko kahapon. Si Junjun na ang magbabantay roon at sasamsamin kapag biglang umulan.

Mas maaga ako ngayon dahil napag-usapan namin ni Salatiel na magsisimba kaming dalawa. Seryoso talaga siya na magpapasalamat siya kay Lord. Isasama niya pa nga ako. Wala naman akong reklamo dahil sa totoo lang, gusto ko rin magsimba kasama siya.

Naglakad ako hanggang sa labasan ng street namin. Awtomatiko akong napangiti nang nakita ang pamilyar na sasakyan na nakaparada sa gilid ng kalsada. Seryoso rin siya na susunduin niya ako. Nag-insist naman ako na sa Benides na lang niya ako hintayin, pero pinaglaban niyang susunduin na lang ako para hindi na gumastos sa pamasahe.

"Dito na ako..." Kagat labi na sabi ko nang sinagot ang tawag niya. Sakto na kadarating ko pa lang sa labas ng street.

"Really?" Narinig ko ang tila pagbukas niya sa pinto ng sasakyan. Ilang sandali pa ay lumabas na siya at agad akong natanaw sa kinatatayuan ko. Maliit ang kamay na kumaway ako sa kaniya. Sa nakita, bumalandra ang ngiti sa kaniyang labi. "Kahapon lang naman kita hindi nakita, pero pakiramdam ko sobrang tagal na noon."

Naglakad ako palapit sa kotse. Hindi ko pa rin binababa ang tawag dahil pinapanood niya akong lumapit sa kaniya. Hindi niya inaalis ang paningin sa bawat galaw ko! Nakamasid siya ultimo paghakbang ko palapit sa kaniya.

Hindi ko masabi na nasasabik din akong makita siya ngayon. Noong tinanong nga niya kung gusto kong sumama sa pagsisimba ay pumayag agad ako para makita ko siya ngayong araw ng Linggo. Nakakalungkot naman kasi sa tuwing hindi ko siya nakikita.

Pakiramdam ko kapag wala siya, ang lungkot at bagsak na bagsak ang mood ko. Ewan ko ba, minsan sobrang litong-lito na talaga ako sa sarili ko. May pagkakataon na gusto kong maunawaan ang nararamdaman ko sa kaniya, pero pinipigilan ko ang sarili kong kilalanin kung ano ba talaga iyon.

Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon