Chapter 8

73 7 0
                                    

NAKAKAPAGTAKA NA NAE-EXCITE AKO NGAYONG ARAW MAGPUNTA SA BILLIARD HOUSE. Hindi naman ako ganito, lalo pa at halos araw-araw kong tinatanggihan ang dalawa kong kaibigan kapag sila ang nag-aaya.

Marami akong palusot na totoo naman. Pero ginagamit ko rin ang mga iyon para takasan sila. Ayaw ko kasing makita si Salatiel. Gusto ko siyang iwasan na parang hindi naman tumalab dahil noong bumalik na ako sa BH ay naroon pa rin siya.

“Parang excited ka ngayong araw, Cereal,” puna ni Pelli na may nakakalokong ngiti sa labi. Halos sumipol pa siya. “Grabehang ngiti, active na active sa klase. Buhay na buhay ka ngayong araw.”

Pinamulhan ako ng mukha. Talaga bang napuna niya pa iyon? Hindi ko magawang magsalita dahil kahit ako ay hindi naman napapansin ang sarili ko. Hindi ko masabi kung talaga nga bang buhay na buhay ako gayong tingin ko ay palagi naman akong ganoon.

“Baka inspired na!” si Nora. Kapansin-pansin ang pagiging maligalig niya rin buong araw. Siya itong napansin ko dahil hindi mapigilan sa paggamit ng cellphone. Kahit nga may teacher sa unahan kanina ay sumisimpleng text siya. “Alam mo naman, naihatid na naman ni Salatiel.”

Hinatid nga kami ni Salatiel kahapon. Katulad lang din noong isang araw na hinintay niyang makasakay ako ng jeep. Nag-usap kami tungkol sa kung ano-ano lang naman habang nakatayo sa gilid ng kalsada.

Napakagat labi ako nang muli ay bumisita sa memorya ko ang mga ngiti niya kahapon. Hindi iyon napipigtas at kulang na lang ay mapunit ang kaniyang bibig sa labis na pag-ngiti. Habang kausap din ako ay bakas na bakas ang pag-iingat niya, sobrang marahan kung magsalita na para bang kung lalakas ang boses niya ay masasaktan ako.

At totoo nga, mabait talaga siya. Napapansin ko kahit ang maliliit na detalya tungkol sa kaniya. Kahit iyong hindi niya basta-basta paghawak sa akin ay napupuna ko rin. Nagpupunta siya sa gilid ng kalsada at ako iyong nasa hindi maaabot ng mga dumadaang sasakyan.

“Iyon ba ang dahilan, Cereal? Ikaw ha...” Sinundot ni Pelli ang tagiliran ko. Todo iwas naman ako dahil mabilis lang akong makiliti. “Ano na ang ganap sa inyo? Noong nasa labas ka kahapon, nagkasama kayo, hindi ba?”

Kagat ang labi na tumango ako. “Nag-usap lang naman kami. Nagsagot ako sa Math.” At sinabi ko na bibigyan ko rin siya ng pagkakataon pero secret lang.

“Ano nga ba ang nangyari sa labas? Nag-usap lang ba talaga kayo? E, bakit pagpasok niyo sa loob ay ngiting-ngiti na si Salatiel?” Mapanuring tanong ni Nora. Hinawakan niya ang braso ko.

Ewan ko sa kaniya.

Nagtatakbo na ako, sumunod naman si Salatiel. Hindi ko na siya tiningnan dahil naubos na ang kapal ng mukha ko. Hindi ko kayang salubungin ang mga tingin niya, ni pagmasdan siya ay tila biglang naging mahirap para sa akin gawin.

Nahihiya ako sa kaniya pagkatapos ng sinabi ko. Hindi ko kasi alam kung tama ba iyon, pero gusto kong i-try. Saka... parang wala talaga ako sa sarili ko noong mga sandaling iyon. Parang bigla ay naging ibang tao ako.

Kumapal ang mukha ko. Nadala ako sa mga titig at ngiti niya. Iba ang pakiramdam ko. Hindi ko kayang maunawaan ang puso kong parang kinikiliti sa labis na tuwa.

“Nag-usap lang talaga kami.” Napatungo ako sa pares ng sapatos ko na sirang-sira na talaga. Pero hangga’t kaya pa, ilalaban ko pa ito.

“Totoo ba iyan, Cereal?”

“Oo nga...” Halos pabulong at wala nang boses na sagot ko. Ayaw ko lang talagang sabihin sa kanila. Gusto ko ay kaming dalawa lang ni Salatiel ang makakaalam.

Ipinulupot ni Pelli ang braso niya sa akin at humilig doon. “Bigyan mo kasi ng chance ang sarili mo na kilalanin siya, Cereal. Wala namang masama roon.”

Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon