“ANO, BILLIARD HOUSE MAMAYA?” Nakahabol si Pelli sa akin sa paglalakad.
Bumuntong hininga ako at isa-isang dinampot ang mga nagkalat na bola sa sahig. Ang mga kaklase namin ay nagkakaingay sa paglalaro at halatang nagkakatuwaan.
Nasa gymnasium kami para sa PE. Wala naman akong ganang makipaglaro kaya mas pinili ko na dumampot na lang ng bola. Wala rin naman akong magawa sa bleachers.
“Uuwi agad ako, Pelli,” malumanay kong sagot sa kaniya at kinuha ang bola. Nilagay ko sa basket iyon at naglakad papunta sa susunod pa na bola.
“Lagi ka na lang tumatanggi, Cereal…” Natunugan ko ang lungkot sa boses niya pero ayaw kong maging affected.
Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko. Lagi ko na ngang tinatanggihan ang pag-aaya nila sa akin ni Nora. Bukod sa wala akong pera, ayaw kong makita si Salatiel.
Pagkatapos noong nag-usap kami sa chat, hindi na ako ulit nag-online. Kung may message man siya sa akin, hindi ko na gustong basahin pa iyon.
Pagkatapos ng gabing huli ko siyang nakausap, hindi ako nakatulog. Kahit pa anong gawin kong pikit, nahihirapan akong makatulog dahil sa pag-iisip sa sinabi niya. Aaminin ko na malaki ang naging epekto noon sa akin.
Nakakatakot maging sobrang apektado dahil doon. Pakiramdam ko rin ay bawal ko ‘yon maramdaman. At sa totoo lang, para akong nananaginip.
Hindi ako makapaniwala na gusto niyang ipagpatuloy ang pakikipag-usap sa akin kahit bibihira naman akong sumagot. At... crush nga niya ako.
Napabuntong hininga ako nang naisip na naman. Ano naman ang nagustuhan niya sa akin? Bukod sa mahirap lang ako, hindi naman siguro ako kasing-ganda ng mga babaeng nakakasalamuha niya.
“Pasensya ka na talaga, Pelli.”
“Iniiwasan mo ba si Salatiel?” Mahinang tanong niya. “Nag-start na rin klase nila at araw-araw siya sa BH.”
Hindi ako sumagot. Wala naman akong pakialam. At ayaw kong magpanggap na may pakialam ako kahit wala naman talaga.
Walang narinig na sagot si Pelli galing sa akin. Nagpatuloy ako sa ginagawa. Nakasunod naman siya hanggang sa tinutulungan na rin niya ako. Masyado akong tahimik sa tabi niya.
“Iniiwasan mo nga siya?” Nagpunta siya sa harapan ko at nakangiting namewang. Iniwas ko ang tingin pero sinundan niya ang galaw ng ulo ko. “Ang cutie mo, Nammi.”
“Hindi ko siya iniiwasan,” mahinahon kong buntong hininga. Ayaw ko naman na isipin niyang iniiwasan ko nga. Pero iyon talaga ang totoo. Nahihiya lang akong aminin.
“Hindi? Halata kaya,” aniya. “Iniiwasan mo si Salatiel. Ayaw mo talaga sa kaniya?”
Humakbang siya at nakita ko ang maganda at bago niyang running shoes. Iyon ang binili raw sa kaniya ng Papa niya. Nakasuot kami ngayon ng PE uniform. Every Wednesday ang schedule namin kaya nire-require na magsuot ng tamang kasuotan.
Sa aming tatlo, si Pelli ang palaging may pera. Dalawa lang silang magkapatid at may magandang trabaho ang magulang niya. Sakto ang buhay nila, hindi katulad ng sa amin na umaabot kami sa punto na kailangan mag-ulam ng asin, o kaya’y toyo at mantika.
Bumuntong hininga ako nang napansin na nagsisimula na naman akong mainggit. Ang hirap pigilan. Pero alam kong masama at hindi maganda na naiinggit ako.
Kahit pa ayaw ko, hindi ko rin talaga minsan mapigilan na makaramdam ng inggit. Naiisip ko na sana katulad na lang din ako ng ibang tao na may kakayahan mabili ang mga gusto. Kahit saan ako magpunta, may pera ako kaya ayos lang.
BINABASA MO ANG
Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)
General FictionALIMENTATION SERIES #4 Cereal is sure of how she really feels for Salatiel. She loved his every naughty smiles and manly laugh. She could feel pure attraction for him but was she willing to fight for the man recognized by many as a criminal who kill...