NAGKATINGAN PA KAMI NI SALATIEL NG ILANG SEGUNDO BAGO AKO NGUMITI AT UMIWAS NANG TINGIN SA KANIYA. Dapat nga ay kinakabahan na ako ngayon, pero imbes na ganoon, pakiramdam ko ay may kumukurot pa sa puso ko sa mga sandaling ito.
Sa totoo lang, nakakagulat malaman na napansin niya pa ang emosyon sa mga mata ko. Hindi rin ako aware na madali lang pala para sa kaniya na makaaninag ng tao. At aaminin ko rin na nagkaroon ako ng kakaibang pakiramdam dahil sa napansin niya.
Nang binalik ang tingin sa kaniya, nahuli ko ang marahas niyang paglunok. “It’s just fine if you tell people that you’re not okay if they ask you.”
“Para ano? Para magtanong sila kung ano ang problema tapos kapag sinabi ko, wala rin naman silang magagawa,” pabulong na sagot ko. “Ayos lang din magpanggap na okay lang kahit hindi naman talaga. Mas madali iyon kaysa magpaliwanag.”
“If... that’s what you think,” aniya. Magkaiba kami ng paniniwala kaya marahil ayaw niyang ipilit ang naunang sinabi niya.
“Saka... mahirap makaabala sa iba. Kung nalulungkot man ako, hindi na iyon kailangan problemahin pa ng iba. At kung may problema man ako, ayos lang na sa sarili ko na lang iyon. May kaniya-kaniyang suliranin ang bawat tao at ayaw ko nang makadagdag.”
“Cereal, hindi ka magiging abala. There are people who wants to help you. Or at least listen to your problem.”
Inilingan ko siya. “Hindi, Salatiel. Ayaw kong tulungan nila ako dahil makakaabala lang. Kasi may problema rin sila na iba na dapat pagtuunan ng pansin...” Napalunok ako nang maisip kung kanino ko nga ba iku-kuwento ang mga problema ko?
Kay Nora? Hindi naman ako pakikinggan noon. Naalala ko nga noong isang araw na lungkot na lungkot si Pelli at nagsabi ng problema niya sa amin. Ang sinabi lang ni Nora ay kumain na lang kami at mag-cutting para mawala ang lungkot ni Pelli.
Noong araw ko na iyon napagtanto na may mga taong hindi marunong mag-comfort. At kung magsasabi nga ako sa mga kaibigan ko ng problema, ayaw kong ma-pressure sila. Baka kasi mag-expect ako na bibigyan nila ako ng advice tapos wala rin naman silang masasabi sa akin.
Natatakot akong magkaroon ng expectation sa ibang tao. Iniiwasan kong mangyari na kapag sinabi ko sa kanila ang problema ko, madidismaya ako kapag hindi nila ako natulungan. Baka maisip ko na kaya nga ako nagsabi ay dahil gusto ko ng tulong. Kaya hangga’t kaya pa naman, mas pinipili kong sarilinin na lang.
Nakaka-pressure rin mapagsabihan ng problema tapos hindi mo naman alam kung ano ba ang dapat mong sabihin para gumaan ang pakiramdam niya.
Bumuntong hininga si Salatiel dahil malamang ay napagtanto niya na hindi niya ako mapipilit sa paniniwala niya. “Then, let’s see how far can I do to at least mitigate your sadness.”
Napaangat ang tingin ko sa kaniya noong tumayo siya mula sa duyan. Pumunta siya sa aking harapan at inabot ang palad sa akin. Napapalunok na sinulyapan ko iyon.
Gusto niyang hawakan ang kamay ko?
Sa isipin na maghahawak kamay kami, uminit na agad ang mukha ko. May kung anong nagwala sa puso ko. Para akong biglang nahilo dahil sa kaba. O siguro na-pressure ako?
Dahan-dahan kong inangat ang kanan kong kamay at ipinatong sa kaniyang palad. Pakiramdam ko ay mas namula ang mukha ko sa sandaling lumapat ang balat ko sa mainit at magaspang niyang kamay. Nagwawala ang hindi makakalma kong puso at sa totoo lamang ay hirap na akong unawain pa iyon.
Dahan-dahang ngumiti si Salatiel at kinulong ang palad ko sa kaniya. Nang hinila niya ako ay para akong hangin na nagpatangay sa kaniya. Normal lang naman ang bilis ng kaniyang lakad, pero tila ako kinakapos sa hangin.

BINABASA MO ANG
Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)
Fiction généraleALIMENTATION SERIES #4 Cereal is sure of how she really feels for Salatiel. She loved his every naughty smiles and manly laugh. She could feel pure attraction for him but was she willing to fight for the man recognized by many as a criminal who kill...