Chapter 6

95 8 1
                                    

NAKAKAPAGTAKA NA TAHIMIK NA BIGLA ANG DALAWA KONG KAIBIGAN SA MGA UPUAN NILA. Panay ang sulyap nila sa buong paligid habang walang imik na kumakain. Ako naman dito ay parang tuod na dahil nakaupo sa tabi ko si Salatiel.

Kinakabahan ako. Iyong pamilyar na tibok ng puso ko tuwing may biglaang lumalapit sa akin, may napapansin na tumititig, at kapag may bayarin sa school na hindi ko masabi kay Mama dahil alam kong wala siyang pera.

Hindi ko alam kung minsan na ba akong naging ganito ka-bother sa sarili ko. At nakakagulat din na bigla kong naisip na hindi ako gumagamit ng perfume, at baka amoy hindi maganda na dahil sa maghapon na klase.

Mainit sa classroom, pili lang ang natatapatan ng electric fan. Kahit pa madalas naman akong hindi nababahala sa amoy ko, iba na kapag may katabi akong mabangong tao. Nakaka-bother talaga.

Iyan tuloy at nahihirapan akong gumalaw ngayon. Kahit simpleng paglunok ay tila napaka hirap gawin sa ganitong sitwasyon.

Sobrang awkward ng paligid. Hindi ko alam kung ako ba ang dapat na unang magsalita, o hayaan na lang na ganito kami katahimik. Mas gusto ko naman sana iyon, ang problema naman ay dahil narito si Salatiel, hindi yata nababagay ang katahimikan.

“Salamat dito...” Lumabas na lang iyon basta sa bibig ko. Ang mga palad ko ay nasa ibabaw ng dalawa kong hita.

“No problem,” agad na sagot niya. Napansin ko rin nang bahagya niyang inusog ang upuan niya palayo sa akin.

Baka... mabaho talaga ako?

Uminit ang mukha ko sa naisip. Bumagsak din ang mga balikat at tumingin na lang sa ibaba. Naramdaman ko nang mas tumindi ang kaba sa dibdib ko.

Ang totoo, nahihiya rin ako sa kaniya. Kung ano-ano ang sinabi ko sa kaniya sa chat. Gusto kong isipin na nakalimutan na niya ang mga iyon, pero malaki naman ang posibilidad na hindi. Baka pa... paulit-ulit na binabasa niya ‘yon.

“I should move away. Hindi ka komportable na masyado akong malapit. Sorry.”

Inangat ko ang tingin habang bahagya nang nakaawang ang labi. Iyon ba ang dahilan? Hindi dahil mabaho ako? Malakas ang loob na sinulyapan ko siya, at ganoon na lang ang gulat ko noong nakita ang alerto niyang mga mata na nakasilip din sa akin.

“Okay lang...” Halos wala sa sarili kong sagot. Ibinaba ko ang tingin, kinutkot ang mga daliri at halos mapabuntong hininga. Pinigilan ko lang ang sarili ko.

Kahit pa sandali ko lang siyang nasulyapan, kapansin-pansin ang magandang uri ng mga mata ni Salatiel. Itim na itim ang mga iyon at malalim na mas nadepina ng mahaba at malago niyang pilikmata.

Mataas ang maliit niyang ilong, parang hindi totoo pero tunay talaga. Isang tingin pa lang, maiisip na agad na guwapo siya. Makinis ang kaniyang mukha at ang makapal na kilay ay magulo. At ang itim na itim niyang malagong buhok ay halatang iniingatan.

“Okay lang din na hindi ako masyadong malapit. I want you to be comfortable with my presence,” marahan niyang sagot, ang atensyon ay nasa akin pa rin.

Kagat ang labi na bahagya akong ngumiti. Nakatingin ako sa bote ng tubig at para bang iyon na ang pinaka interesanteng bagay sa buong mundo. Hindi ko maintindihan ang nararamdaman ko.

“Samahan mo nga akong magpunta sa banyo, Nora.” Napaangat ang tingin ko kay Pelli. Tumayo siya at hinawakan ang pulso ni Nora para tulungan itong makatayo. “Babalik kami agad. Sandali lang.”

Wala akong nasabi. Sinundan ko ng tingin ang pag-alis nila para pumunta sa comfort room. Napansin ko na nagmamadali si Pelli habang akay niya si Nora.

Tahimik na bumuga ako nang hangin. Halata naman na gusto niya lang kaming bigyan ng oras ni Salatiel na kami lang. At sa ginawa niyang iyon, mas lalo lamang akong kinabahan at hindi naging komportable.

Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon