Chapter 15

80 6 1
                                    

SOBRANG BAIT NI SALATIEL. Silang dalawa ni Nierva, pareho silang mabuti sa akin at walang kahit na anong pangit na ipinakita. Madaldal din at magkasundo talaga sila sa maraming bagay.

Napansin ko na sobrang komportable ni Nierva kay Salatiel. Parang ito talaga ang takbuhan niya kapag nalulungkot siya. At kahit pa ayaw kong marinig minsan dahil pakiramdam ko’y hindi maganda na malaman ko, naririnig ko pa rin na malaki ang problema ni Nierva sa kaniyang ama.

Kumain kaming dalawa ng ice cream noong nakaraan. Inaya niya ako isang araw na lumabas kasama siya at nilibre niya ako ng ice cream na vanilla ang flavor. Kitang-kita ko ang lungkot sa mga mata niya habang pilit na pinasasaya ang kaniyang boses.

Nakikita ko ang sarili ko kay Nierva. Katulad niya... malaki rin ang problema ko pero nagpapanggap na masaya kahit hindi naman iyon ang totoo. Parang... siya ang kapareho ko. Naiintindihan ko ang sitwasyon niya kaya tuwing inaaya niya akong lumabas at text siya nang text, malugod kong sinasagot at pinagbibigyan.

Pakiramdam ko ay sa ganoong paraan ko siya matutulungan. At nakakatuwa na kahit siya ay natutulungan din akong mawala ang atensyon sa problema ko. Ramdam ko na pareho naming gusto ang isa’t-isa.

Habang lumalayo ang loob ko kanila Pelli at Nora, nagiging malapit naman ako kay Nierva. Excited na excited tuloy akong umalis sa school para makipagkita sa kaniya. Nitong huli nga ay sinamahan ko siyang bumili ng mga damit. Ipinilit niya sa akin na bibilhan niya rin, pero todo tanggi ako dahil hindi ko naman alam kung paano ko iuuwi iyon.

Magtataka si Mama kung saan iyon galing, lalo pa at nagsusumigaw sa mahal ang isang pirasong kapiranggot na tela. Kinikilabutan ako kapag naaalala ang presyo ng isang damit. Pero parang balewala lamang iyon kay Nierva. Tila barya lang ang isang libo sa kaniya.

Minsan, hindi na niya tinitingnan ang price tag. Basta magustuhan niya, binibili na lang niya agad. Pero pakiramdam ko naman ay karamihan sa mga iyon, hindi niya rin maisusuot. Maliban na lang siguro kung hindi siya nag-uulit ng outfit.

“You should wear this, Cereal.” Nakangiting itinapat niya sa akin ang isang white hanging blouse na alam kong kanina niya pa minamatahan. Maliwanag ang kaniyang mukha at magiliw ang ngiti sa pulang labi. “Bagay sa ‘yo ito. Ang ganda.”

Nahiya naman agad ako. “Okay lang, huwag na.” Tingin ko rin ay hindi bagay sa akin ang mga ganoon ka-mahal na damit. T-shirt lang naman ay ayos na ako.

Mas komportable rin naman isuot ang t-shirt. Masarap sa pakiramdam. Ipinapares ko lang iyon madalas sa skinny jeans, o kaya ay sa maong shorts. Pero madalas ay mahahaba ang isinusuot ko.

Kumawala ang simangot sa pulang labi ni Nierva. Ang pilikmata niya ay bahagyang nakataas dahil sa ginamit kaninang curler. Kikay siya at magaling mag-ayos ng sarili. “Akala mo ba ay hindi ko napapansin na palagi mo akong tinatanggihan?”

“H-huh?” Namilog ang mga mata ko ngunit kalaunan ay napanguso. Natunugan ko sa kaniya ang pagtatampo. “Nakakahiya kasi, e. Parang... hindi naman bagay ang mga ganiyan sa akin.”

Namilog ang mga mata ni Nierva. “What? Ano ka ba, don’t overthink nga. Paano naman ito hindi magiging bagay sa ‘yo? Ang ganda-ganda mo. Kahit ano ang isuot mo ay babagay sa ‘yo.”

Gusto ko pa rin tumanggi dahil nakakahiya na talaga. Hindi ko kayang tumanggap na lang nang tumanggap. “Okay lang ako, Nierva. Ikaw na lang ang bumili.”

Mas naging malaki ang simangot niya. Nahihiya na nagbaba ko ng tingin sa mga paa ko. Para bang iyon na ang pinakamagandang nakita ko. Kinakabahan ako dahil pakiramdam ko ay ipipilit niya pa rin ang kaniyang gusto.

“Isuot mo na lang ito next three days. You have jeans naman, ‘di ba? Ako na ang magtatago muna at magpalit ka na lang kapag nasa venue na tayo.”

Sa susunod na tatlong araw na nga pala iyong laban nila Salatiel. Ang totoo ay kinakabahan ako habang naiisip ang bagay na iyon. Hindi ko kasi alam kung gaano karaming tao ang dadalo roon. At tingin ko... maraming schoolmates si Salatiel na manonood doon.

Promise of a New Tomorrow (Alimentation Series #4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon